Chapter 28

1.1K 16 4
                                    

Trigger Warning: Kidnapping, Sexual Harassment
***

Pakiramdam ko ay gutom na gutom ako pagkauwi. Sakto at kakaluto lang ni Nana ng pananghalian. Bicol Express iyon kaya mabilis akong naghanda ng mga gamit para sabay kaming makakain ng mga kasambahay nila. Punong-puno ang pinggan ko ng kanin at ulam kaya ganoon na lang ang pagkabigla ni Nana.

"Ang dami naman niyan!" usal niya. "Pero pansin ko, nagkakalaman ka na. Sarap na sarap ka siguro sa luto ko?"

Tumango ako. "Siyempre naman po."

Inumpisahan ko ang paglamon na para bang ilang araw akong hindi nakakain. Hindi ko mawari kung bakit sarap na sarap ako sa sarsa ng ulam, lalong-lalo na sa siling labuyong naroon. Pinapak ko iyon na parang wala lang.

"Hindi ka ba naaanghangan?" tanong ng isa nilang kasambahay.

Umiling ako. "Sarap nga, eh."

Nakita ko silang napangiwi kaya nagtaka ako kung bakit parang iba ang panlasa nila kumpara sa 'kin. Muli ko iyong tinikman at wala sa sariling dinagdagan ang nasa plato ko. Nagkukuwentuhan kami sa hapag nang biglang pumasok si Malko. Agad na nagtama ang mga mata namin.

"Kain, Sir!" pag-aya nila sa kanya kaya tinanguan niya iyon, nasa akin pa rin ang paningin.

"You're here," aniya.

"Kumain ka na? Sabay ka na sa 'min," pagyaya ko.

Ngumiti siya at lumapit sa 'kin para halikan ang tuktok ng ulo ko. Hindi ko nga lang inaasahang nabahuan ako sa amoy niya, agad akong napangiwi at napatakip ng ilong. Nakita niya iyon kaya inamoy niya ang sarili habang nakakunot. Walang anu-ano'y binigyan niya ako ng nag-aakusang tingin.

"Nababahuan ka sa 'kin?" tanong niya.

"Ha? Hindi. Ang lakas lang ng pabango mo," sagot ko.

Naupo siya sa tabi ko, mga mata'y nakamasid pa rin sa 'kin. Bumaba ang mga mata niya sa plato kong puno at mas lalong nangunot ang noo niya. Kumuha siya ng kutsara at tinakman ang ulam, napangiwi siya kaagad doon.

"Nakakapaso naman ng dila ito, Nana," pahayag niya.

"Naku, nakalimutan kong iba ang panlasa ko sa inyo," nagkamot ito ng ulo. "Pero mukhang nagustuhan naman ni Freda."

Nakangiti akong tumango. "Ipagluto niyo po ulit ako bukas, ha?"

"Sigurado ka ba, mahal? Hindi ka naman mahilig sa maanghang, ah?" tanong ni Malko.

Kumukurap-kurap ko siyang binalingan ng tingin, naisip na tama siya. Ngunit pinagpatuloy ko ulit ang pagkain at naubos iyon. Napahimas pa ako sa tiyan ko dahil sa pagkabusog, parang nasobrahan ako. Niligpit ko ang pinagkainan at nang matapos ay nagpaalam na aakyat na dahil sa biglaang pangangasim ng sikmura.

Hindi ko iyon pinahalata dahil alam kong magmumukhang akong bastos. Kanina lang ay sarap na sarap ako tapos ngayon ay gusto kong masuka. Tinakpan ko ang bibig nang magbadya iyon at dali-daling tinakbo ang kwarto. Dumiretso ako sa kubeta at doon sinuka lahat ng kinain ko.

Gusto kong ilabas lahat ng pumasok sa tiyan ko kaya hindi ko na naiwasang hindi gumawa ng ingay. Nang matapos ay hinabol ko ang hininga bago bumangon. Nagkagulatan pa kami ni Malko nang tumalikod ako.

"Ano'ng nangyari?" tanong niya. "Sumuka ka ba?"

Kunot-noo akong tumango. "Parang uminit nga ang tiyan ko sa anghang."

Naupo siya sa kama, bahagyang nakayuko. "Nababahuan ka sa 'kin, ang dami mong kumain. Sumuka ka rin. Ano pa'ng nararamdaman mo?"

Napatulala ako sa tanong niyang iyon, hindi iyon kaagad nakuha. Kinunutan ko siya ng noo kaya nakita ko ang pagmasid niya sa tiyan ko. Napababa rin ang mga mata ko ro'n ngunit hindi ko maintindihan kung bakit niya iyon pinagtutuunan ng pansin.

Her Fearless WaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon