Hindi mawala sa isip ko ang mga nangyari kahapon. May aminang nangyari, pinakita rin ni Malko ang sweet side niya sa harap ng maraming tao, muntik ko na ring maaming gusto ko rin siya pero sa isang iglap, nauwi lahat ng iyon sa wala.Balita ko ay excused na ang mga participants ng intrams mula sa mga klase kaya inaasahan kong hindi ko siya makikita ngayong araw. Hindi ko kailanman naisip na darating ang panahon na gagaan ang loob ko dahil wala ang presensiya niya.
"Steph, may pwede bang daanan papunta sa campus natin kung sa college campus tayo dadaan?" tanong ko habang naglalakad kami papuntang school.
"Meron. Ang hindi ko alam ay kung papapasukin tayo sa campus nila," sagot niya. "Bakit?"
Nagkibit-balikat ako. "Wala, para maiba lang."
Umismid siya. "Sus, alam ko na 'yan. May iniiwasan ka."
"Baka kasi makasalubong ko agad sa gate. May inaabangan 'yong iba, eh," umiirap na sagot ko.
"Sige na nga, subukan natin," sagot niya sabay hila sa 'kin.
Iba-iba ang uniforms ng mga college students kada course habang kaming mga senior high school ay iisa ang uniporme, kaya mahahalatang hindi kami kasali roon. Tulad ng inaasahan ay hinarangan kami ng guard. Hindi naman kami sinita ngunit kailangang i-presenta ang mga ID namin.
"Siguro may mga boyfriend kayo rito kaya rito kayo dadaan, 'no?" pang-aasar ng gwardiya.
"Maghahanap pa lang po kaya kami naparito," natatawang sagot ni Steph.
"Oh, siya pasok," tumabi ang guard para makapasok kami. "Doon sa College of Engineering, madaming gwapo ro'n."
Nagpasalamat kami bago umalis. Dahil ngayon lang nakapasok dito ay hindi ako pamilyar sa mga building. Si Steph naman ay mukhang kabisado ang mga pasikot-sikot kaya sumunod na lang ako. Hanggang sa bigla siya tumigil.
"Naliligaw ata tayo," bigla niyang sabi.
"Ha? Eh, kanina pa ako sumusunod sa 'yo kasi akala ko alam mo," sagot ko.
"Ang tagal na noong huli kong punta rito," nilibot niya ang paningin. "Magtanong na lang tayo."
Hinila niya ako hanggang sa nakaharap namin ang isang lalaking naglalakad. May suot siyang salamin sa mata at nakasuot ng puting polo shirt at slacks na itim. Nang dumako ang paningin niya sa 'kin ay naningkit ang mata niya kaya napayuko ako.
"Hello po, pwede po bang magtanong kung saan po ang lagusan papuntang senior high campus?" tanong ni Steph sa lalaki.
"Ah, diretsuhin niyo lang 'tong daang 'to tapos kaliwa lang sa church," kalmadong sagot nito.
"Sige po, salamat," ani Steph.
"Wait... ikaw 'yong tindera sa karinderia ni Ate Linda, 'di ba?"
Napaangat ako ng tingin sa sinabi ng lalaki. Pilit kong inalala kung naging customer ba siya ro'n pero hindi ko na matandaan sa dami ng taong nakikita ko roon araw-araw.
"Uh... oo, bakit?" tanong ko.
"Hindi mo ako maalala?" tanong niya pabalik.
"Dapat ba kitang matandaan?" tumaas ang kilay ko. "Sige, una na kami. Late na kami sa klase."
Ako naman ang humila kay Steph papalayo ngayon. Mukhang may balak pa ata siyang maki-tsismis doon sa lalaki kaya pinigilan ko na.
"Ang sungit mo talaga, 'no? Nagtatanong lang 'yong tao," panimula niya.
"Totoo namang hindi ko obligasyong maalala siya," nakangiwi kong sagot.
"Cute pa naman ni Kuya. Nakita ko ID niya, Crimson Salvatierra ang name niya," impit siyang napatili. "Stalk ko mamaya."
BINABASA MO ANG
Her Fearless Ways
RomansaLiving has never been easy for Alfreda Guevero. She grew up in an abusive household with a fear of her life ending in the hands of her own family. Thankfully, she has Malkovich Larson Obenieta, a friend whom she secretly likes for years. A bunch of...