Chapter 18

1.1K 17 5
                                    


"Ano'ng pangalan ng parents mo para malagay natin sa complaint," tanong ni Ate Linda.

"Gina at Alfredo Guevero po," mahina kong sagot.

Hindi kaagad inalis ni Ate Linda ang tingin sa 'kin. Pinagmasdan niya ang mukha ko na para bang ito ang unang beses na nakita niya ako. Napailing siya sa huli at binalik ang atensiyon sa sinusulat sa papel. Ramdam ko pang napasulyap siya ulit sa 'kin ngunit masyado na akong nanghihina para pansinin pa 'yon.

Naaalala ko bigla na hindi pala libre ang pagpapagamot kay Siera. Kailangan kong bumalik kina Steph para kumuha ng pambayad kaya kahit wala sa wisyo ay tumayo ako.

Agad akong hinawakan ni Steph. "Saan ka pupunta?"

"K-kailangan kong kumuha ng pambayad," sagot ko.

"Ako na muna ang magbabayad."

Napatingin kami kay Ate Linda na naghahanda na ng pera. Agad akong lumapit sa kanya dahil sa hiya. Naabala ko na nga sila sa pagpunta rito, siya pa ang magbabayad.

"Hindi po, may pera ako sa bahay—"

Umiling siya. "Mahilig din ako sa pusa noon kaya naintindihan kita. Hayaan mo na ako."

Nginitian niya ako na siyang nakapagtataka. Ngayon niya ko lang siyang nakitang ngumiti sa ilang araw naming pagkikita. Nagpumilit pa ako ngunit hindi niya ako hinayaan. Hindi na rin niya ainabi sa 'kin kung magkano ang binayaran niya.

Hindi ako pinapasok sa room ni Siera kaya mula sa nakasalaming bintana ay doon ko siya tinanaw. May bandage na ang sugat niya at mukhang mahimbing na ang kanyang tulog. Nang makampante ay doon ko lang silang inayang umuwi na.

Halos alas-otso na ng gabi nang makauwi kami. Sa sala ako tumambay imbes na dumiretso sa kwarto para magpahinga. Naghahanda na silang kumain at kahit nasa kabilang bahay pa tumutuloy sina Ate Linda at April ay dumito muna sila.

Pinilit kong kumain kahit wala akong gana. Nararamdaman ko ang pagbigat ng katawan ko, pati na ang nagbabadyang ubo at sipon dahil natuyuan ng tubig-ulan. Kahit gano'n ay sinikap kong maubos ang pagkain hinanda ni Steph para sa 'kin. Nang matapos kami ay hindi pa rin ako pumasok sa kwarto. Nakatulala lang ako sa pader habang nakansandal sa sofa.

"Gusto mo bang pag-usapan?" tanong ni Steph. "Mukha lang kaming tsismosa pero mapagkakatiwalaan mo kami."

"Dinamay mo pa talaga kami sa ugali mong 'yan," pambabara sa kanya ni April. "Pero, kung gusto mong may mapagsabihan, nandito lang kami. Para hindi masyadong mabigat sa dibdib."

"Wala namang dibdib 'yan," biro ni Steph.

Kung isa itong normal na araw bilang si Alfreda ay hindi ako magpapatalo sa pambabara. Pero masyadong maraming nangyari sa araw na ito kaya kahit ngumiti o magsalita ay mahirap para sa 'kin.

"Baka gusto na niyang magpahinga, 'wag niyong istorbohin," suway sa kanila ni Ate Linda.

Natahimik silang dalawa dahil doon. Unti-unti na rin silang tumatayo para makaalis na kaya humugot ako ng isang malalim na hininga bago umupo nang maayos. Mukhang nakuha nilang handa na akong mag-kwento kaya bumalik sila sa kanilang mga upuan.

"Mula pa man noon ay gano'n na sila. Abusado, masakit magsalita, nambubugbog. Pero wala akong nagawa dahil wala naman akong kalalagyan kung aalis ako. Kaya... tiniis ko lahat," panimula ko.

Her Fearless WaysTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon