CHAPTER 3

458 23 1
                                    

Nakakabingi na katahimikan ang bumabalot sa sala ng mansyon nila Derek. Magkatabing nakaupo sa mahabang sofa na nasa kaliwa ang mga magulang niya habang sa kanan naman ang mga magulang ni Aiden at katabi rin ito. Sa single sofa naman nakaupo si Derek at isa-isa silang tinitingnan.

"Wala bang magsasalita sa inyo? Walang magpapaliwanag?" seryosong tanong ni Derek na bumasag sa katahimikan.

Hindi katulad ng panahon sa labas na maaliwalas ang nangyayari ngayon sa loob ng mansyon. Puno ito ng tensyon at kaba lalo na at nakikita ang galit sa mga mata ni Derek.

Tiningnan nina Rina at Danilo ang anak nila. Parehas na nagsusumamo ang itsura ng mga ito.

"I'm sorry, Anak," nagsusumamong sambit ni Rina. Muli siyang yumuko.

"I'm sorry, Anak," nahihiyang wika naman ni Danilo.

Nakatitig lamang si Derek sa mga magulang niya. Hindi siya makapaniwalang pati ang mga ito ay makikisali sa malaking kalokohan.

"Hindi na kasi namin alam kung ano ang gagawin. Isang malaking eskandalo kung sakaling hindi natin itinuloy ang kasal mo. Siguradong masisira tayo at ikaw, masasaktan ka-"

"Sa tingin niyo ba hindi ako nasasaktan ngayon?!" mataas ang boses na tanong kaagad ni Derek na pumutol sa iba pang sasabihin ng kanyang ina na nagulat naman dahil sa pinagtaasan siya ng boses ng anak. 'Yun ang unang beses na napagtaasan siya nito ng boses dahil kalmado ito sa lahat ng oras. "Nalaman kong iniwan pala ako ng taong mahal ko sa mismong kasal namin... hindi ba iyon masakit?" nasasaktang dugtong pa nito. Inilalabas na niya ang galit at hinanakit sa loob niya. "At ang pinakamalala, wala akong alam doon. Huli ko pang nalaman dahil 'yung mga taong inaasahan ko na magsasabi sana sa'kin ng totoo... ayun at nagtulong-tulong para gawin akong tanga." Tumingin sa ibang direksyon si Derek. Madiin na kinagat ang ibabang labi niya. Gumuhit ang sakit sa mga mata niya.

Napayuko lalo si Rina sa sinabi ni Derek. Hindi niya maitatanggi na nasaktan siya dahil nasasaktan ang kaisa-isang anak.

"Patawarin mo kami, Derek."

Tiningnan naman ni Derek ang ina ni Aiden at Asha na si Esmeralda.

"Naisip lang namin na ituloy ang kasal at punan ni Aiden ang kakulangan ni Asha para hindi tayo mapahiyang lahat," wika naman ni Timoteo.

Nagbaba nang tingin si Derek. Ipinikit-pikit nito ang mga mata niya.

Napayuko naman si Aiden. Mahinang nagbuga ito ng hininga.

Muling tiningnan ni Derek ang ina ni Asha. "May balita na ba kayo sa kanya?" pagtatanong na lamang niya.

Mabagal na umiling-iling si Esmeralda. "Wala pa. Wala pang balita. Nahihirapan silang hanapin siya dahil lahat pala ng gamit na pagmamay-ari niya ay iniwan niya sa kwarto niya kabilang na ang kanyang phone kaya hindi din siya ma-track. Wala siyang dinala kahit isa sa pagmamay-ari niya." Huminga siya ng malalim. "Parang planado na talaga niyang iwan ang kanyang tunay na mundo na kasama tayo at pumunta sa mundong hindi natin alam kung saan," aniya pa. "Noong una inisip pa naming umalis lang siya dahil may inasikasong importante at babalik din kaagad o na-kidnap siya ngunit may kutob na din akong hindi ganun ang nangyari at may iba pang dahilan kung bakit siya nawala. Basta... kahit ako ay naguguluhan na sa mga nangyayari," pagpapatuloy niya pa.

Kung hindi man na-kidnap si Asha, wala nang maisip na dahilan si Derek kung bakit nagawang mawala ni Asha. Okay naman sila at walang problema kaya ang hirap sa kanyang isipin ang dahilan kung bakit nagawa ng kasintahan na iwan siya sa mismong araw pa ng kasal nila. Hindi niya matanggap kung bakit bigla-bigla ay mawawala ito na parang bula.

My Twin Sister's Lover (BL) - FINTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon