CHAPTER 47

140 10 0
                                    

Nakatayo si Aiden sa harapan ng bintana at nakatingin ang mga mata niya sa labas. Kumurba ng maliit na ngiti ang labi niya nang makita ang maaliwalas na panahon.

Maayos naman ang unang araw nang pananatili nila Aiden at Derek dito sa inuupahan nilang bahay. Naayos na nila ang ilang gamit at nakapaglinis na rin sila kaya naman maaliwalas at amoy malinis na rin dito sa loob ng bago nilang tirahan.

Mula naman sa banyo ay lumabas si Derek. Nakatapis lamang ito ng twalya kaya nakabuyangyang ang maganda nitong pangangatawan. Huminto siya sandali sa paglalakad at nagawi ang tingin niya sa kinaroroonan ng bintana.

Nakita ni Derek si Aiden na nakatayo malapit sa bintana at nakatingin sa labas. Napangiti siya saka muli siyang naglakad palapit kay Aiden.

Tinabihan ni Derek si Aiden sa pagtayo at tumingin sa labas ng bintana. Lumingon naman si Aiden kay Derek. Napansin niyang hindi pa ito nakakapagbihis kaya nakita niya ang malapad at maumbok na dibdib nito at malalamang mga braso.

"Magbihis ka nga muna at huwag mong ibalandra ang katawan mo. Mamaya may taong biglang mapadaan at makakita niyan," wika ni Aiden saka iniling ang kanyang ulo habang diretsong tinitingnan ang nobyo.

Tiningnan ni Derek si Aiden. Ningisihan niya ito. "Masyado ka namang seloso diyan," nangingiting sabi niya.

Ningisihan din si Aiden si Derek. "Ako lang dapat ang nakakakita sa katawan mo at wala ng iba pa," sabi niya. "Akin ka kaya dapat lang na maging selfish ako sa kung anong meron ka, 'di ba?" tanong pa niya saka ningitian ang nobyo.

Naging ngiti ang ngisi ni Derek. "Oo naman, dapat ka lang maging selfish kung ako ang dahilan," pagbibiro niya.

Mahina na lang natawa si Aiden.

"By the way, nakahanap ka na ba ng trabaho online?" tanong ni Derek kay Aiden.

"May mga napasahan na ako ng resume. Sana mapansin nila," sagot ni Aiden.

Tumango-tango si Derek. Ilang sandali pa ay iniwas niya ang tingin kay Aiden at muling tumingin sa labas ng bintana.

"Siguraduhin mo lang na dapat part time ka lang doon. Hindi mo pa rin pwedeng pabayaan ang pag-aaral mo," paalala ni Derek kay Aiden.

"Para ka namang tatay ko," nangingiting sabi ni Aiden.

Natawa nang mahina si Derek. Tiningnan niya ulit si Aiden. "Hindi mo lang naman ako boyfriend... bestfriend, nanay, tatay, kuya at asawa mo rin ako," nangingiting sabi niya.

Nanatili namang nakatingin si Aiden kay Derek. Napangiti siya. Hindi maitatanggi ni Aiden na sa kabila man ng dilim na nararanasan niya ngayon, si Derek ang nagsisilbi niyang liwanag para ipagpatuloy pa rin ang buhay niya. Malungkot na hindi sila maayos ngayon ng kanyang pamilya ngunit umaasa siyang darating ang araw na magiging maayos at buo sila. 'Yung tanggap sila ng ate niya ng magulang nila at wala ng galit sa puso.

Ningitian ulit ni Derek si Aiden. "Maligo at magbihis ka na. Pupunta tayo sa Divisoria para mamili ng ilang gamit dito sa bahay," aniya.

Napangiti lalo si Aiden saka tumango-tango. "Okay," sagot niya.

Ngumiti na lamang din si Derek saka hinimas ang ulo ni Aiden at ginulo ang buhok nito.

"Uy! Huwag mo kayang guluhin ang buhok ko," pagsaway ni Aiden kay Derek. Hinawakan pa nito ang kamay ng kasintahan para pigilan ang lalong paggulo sa buhok niya.

Natawa na lamang si Derek nang tigilan niya ang ginagawa kay Aiden. Napailing-iling na lamang si Aiden saka ningitian din ang nobyo.

---

Pumunta ang magkasintahan sa Divisoria. Kung saan-saang parte sila nito nakarating para pumili at bumili ng mga gagamitin nila sa bahay gaya ng mga kitchen tools, plato, baso, kobre kama at kung ano-ano pang kakailanganin nila sa bahay. Sa kasalukuyan ay naglalakad naman sila sa isang eskinita kung saan nakahilera din ang mga nagtitinda ng kung ano-ano sa gilid-gilid. Bitbit nila ang tig-isang supot ng mga nabili na nilang gamit sa bahay.

"Bakit ka nangingiti diyan?" takang tanong ni Aiden kay Derek na nahuli niyang nangingiti.

Mas lalong napangiti si Derek nang tapunan niya ng tingin si Aiden. "Wala lang. Natutuwa lang kasi ako," sagot niya habang sinasabayan niya sa mabagal na paglalakad ang nobyo.

Kumunot ang noo at nagsalubong ang makapal na kilay ni Aiden. "Natutuwa ka dahil?" nagtatakang tanong niya pa habang diretso ang tingin kay Derek.

Lumaki ang ngiting nakakurba sa labi ni Derek. "Natutuwa ako kasi para na talaga tayong mag-asawa na nag-uumpisang bumuo ng pamilya," sabi niya.

Napangiti naman si Aiden. Ibinalik niya ang kanyang tingin sa nilalakaran nila. "Di ba ang pamilya, binubo ng ina, ama at mga anak," aniya nang hindi nakatingin kay Derek.

Muli namang tiningnan ni Derek si Aiden matapos niyang tumingin sandali sa harapan. Nakita niyang sumeryoso ang mukha ni Aiden saka ito nagbuntong-hininga.

"At alam nating pareho na hindi tayo magkakaanak unless bubuntis tayo ng iba," sabi ni Aiden.

Hindi nagsalita si Derek. Muli itong tumingin sa dinaraanan nila. Tiningnan naman ni Aiden si Derek.

"Kung gusto mong magkaroon ng anak, sabihin mo sa akin," saad ni Aiden. "Para maihanda ko 'yung sarili ko," dugtong pa niya. "Hindi naman kita pipigilan sa gusto mo," aniya pa habang diretso ang tingin niya kay Derek. Maiintindihan niya kung gugustuhin ni Derek na magkaroon ng anak dahil hindi naman lahat ng tao ay kagaya niya na ayos lang kung wala pero hindi naman niya isinasarado ang kanyang pintuan para magkaroon.

Huminga nang malalim si Derek. "Marami namang paraan para magkaroon," aniya at tiningnan si Aiden. Nagtagpo ang tingin nila. "Pwede naman tayong mag-ampon," sabi pa niya.

Tumango-tango si Aiden. Ningitian ni Derek ang nobyo saka tiningnan muli nito ang dinaraanan nila.

"Pero sa ngayon, hindi ko muna 'yun iniisip," wika ni Derek. "Ayos na sa akin na tayong dalawa lang at isa pa, hindi naman porket walang anak ay hindi na matatawag na totoong pamilya ang isang pamilya. Ang pamilya, binubuo ng pagmamahal at dahil nagmamahalan tayo, masasabi kong isa rin tayong pamilya kahit dalawa lamang tayo na miyembro nito," dugtong pa niya.

Napangiti nang maganda si Aiden sa sinabi ni Derek. Natuwa siya sa sinabi nito.

"Ikaw ba? Sumagi na ba sa isip mo na magkaroon ng anak?" tanong ni Derek.

Umiwas nang tingin si Aiden kay Derek at tumingin sa nilalakaran nila.

"Noon, hindi pa," sagot ni Aiden. "Pero ngayon, naiisip ko kung ano nga ba ang pakiramdam na magkaroon ng sariling anak. Ewan ko ba, sign na yata ito ng pagtanda," sabi pa niya saka mahinang tumawa.

Napangiti si Derek sa sinabi ni Aiden. Muli din niyang tiningnan ang dinaraanan nila.

"Pero dahil ikaw ang mahal ko, ang mas iniisip ko ay kung paano tayo magkakaanak gayong wala naman sa atin ang pwedeng magdala nito," sabi ni Aiden.

Tipid na ningiti ni Derek ang labi niya. "Hayaan mo at darating din tayo diyan. Saka na natin pag-usapan kapag nakapagtapos na tayo at siyempre kapag ikinasal na tayong dalawa," sabi niya. "Huwag tayong magmadali sa mga bagay-bagay dahil matagal pa tayong magsasama," aniya na tila sigurado siya sa kanyang sinabi.

Tiningnan ni Aiden si Derek at ningitian niya ito.

"Sa ngayon ay mag-enjoy na muna tayo sa isa't-isa," sabi ni Derek saka kinindatan si Aiden.

Lumaki ang ngiti sa labi ni Aiden.

"Uy! Ayun, oh! Magaganda ang kurtina," biglang sabi ni Derek saka itinuro ang stall na nagbebenta ng mga kurtina. "Tara!" pag-aaya pa niya.

Napangiti na lamang si Aiden. 'Siguro nga, enjoyin na lang muna namin ang mga panahon na kami lamang dalawa ang magkasama,' sa isip-isip niya.

My Twin Sister's Lover (BL) - FINTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon