CHAPTER 54

236 11 0
                                    

Nakatayo sa veranda ng mansyon si Aiden. Nakatingin ito sa hawak na folder na naglalaman ng mga dokumento na nabasa na niya kanina. Pamaya-maya ay nagbuntong-hininga si Aiden. Inalis niya ang kanyang tingin sa folder at nilipat ito sa malawak na hardin na abot-tanaw niya.

Natapos na ang burol para sa mga magulang ni Aiden kaya naman iilan na lamang silang nasa loob ng mansyon. Kanina ay kinausap na rin si Aiden ng abogado ng magulang niya at ibinigay sa kanya ang mga dokumentong hawak niya. Ang mga dokumentong iyon ay ang listahan ng mga ari-arian ng kanilang pamilya at ang last will testament ng kanyang mga magulang. Nasasaad sa dokumento na mapupunta sa kanila ng kakambal niyang si Asha ang mga ari-arian ng mga ito. Ang mga negosyong sa kasalukuyan ay dumadaan sa matinding krisis ay mapupunta rin sa kanila.

Muling huminga nang malalim si Aiden. Sa totoo lang ay hindi niya alam kung ano ang gagawin sa mga naiwan ng mga magulang niya, lalo na sa mga negosyo nila lalo na at mag-isa na lamang siya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin dumarating si Asha, kahit ang anino nito ay hindi nagpakita kahit nakaburol na ang mga magulang nila.

Mula naman sa hindi kalayuan ay huminto sa paglalakad si Derek at nakita si Aiden. Tipid itong ngumiti saka muling naglakad at nilapitan ang kasintahan.

Nakaramdam si Aiden na may kasama na siya sa kanyang kinaroroonan kaya lumingon siya sa kanyang kanan at nakita niya si Derek na katabi na niyang nakatayo at nakatingin sa malawak at kulay luntian na hardin. Ilang sandali pa ay napatingin na din si Derek kay Aiden. Nakatingin lamang ang dalawa sa mata ng isa't-isa.

Ilang minuto ang lumipas at bumaba ang tingin ni Derek at napunta iyon sa hawak ni Aiden. Alam niya kung ano iyon dahil kasama siya ni Aiden kanina ng kausapin ito ng abogado.

"Ano'ng susunod mong gagawin?" tanong ni Derek.

Kumibit-balikat si Aiden. "Hindi ko pa alam," sagot niya. "Ang matindi kong inaalala ay 'yung mga negosyong naiwan nila. Wala pa akong experience sa pagpapatakbo ng mga 'yon kaya hindi ko alam kung paano sila hahawakan," sabi pa niya.

Bahagyang tumango-tango si Derek. Hindi siya nagsalita.

"Matinding problema ang kinakaharap ngayon ng mga negosyong naiwan nila. Naghihintay na rin ng desisyon ang board sa kung ano ang gagawin ko para maisalba ang mga ito," wika pa ni Aiden saka siya huminga ulit ng malalim. "Iniisip ko nga na baka ibenta ko na lang 'yung mga shares nila Mama at Papa sa mga iyon at hayaan ng iba ang mamahala," aniya pa.

Nananatiling nakatingin si Derek kay Aiden at pinapakinggan ang mga sinasabi nito. Ilang sandali pa ay huminga siya ng malalim. "Ikaw ang bahala," kanyang wika.

Ngumiti nang tipid si Aiden. Umiwas siya nang tingin kay Derek at muling tiningnan ang malawak na hardin.

"Pero bago ko gawin iyon, kailangan ko munang mahanap si Ate," ani Aiden. "Kaming dalawa ang pinag-iwanan ng lahat ng 'yon kaya hindi pwedeng ako lang ang magdesisyon," sabi pa niya. "Dapat ko siyang makausap at kaming dalawa ang magdedesisyon," aniya pa.

"Wala tayong alam kung nasaan sila," saad ni Derek. "Wala rin tayong contact sa kanila," dugtong pa niya.

"Kaya nga sana... sana nabalitaan niya iyong nangyari kay Mama at Papa para maisipan niyang bumalik," hiling ni Aiden.

Tinango ulit ng bahagya ni Derek ang kanyang ulo. Tumingala naman si Aiden. Nakita niya ang maaliwalas na kalangitan.

"Maswerte pa rin ako," mahinang wika ni Aiden na narinig naman ni Derek. "Kasi hindi nila ako pinabayaan na lalong maghirap," dugtong pa niya. "Naging mabuti pa rin sila sa kabila ng lahat," aniya pa.

Napangiti nang tipid si Derek. "Magulang pa rin kasi sila. Kahit na anong sutil ng anak, sa loob-loob nila ay anak pa rin ang turing nila sa mga ito at hindi nila pwedeng pabayaan," sabi niya.

Tumango-tango si Aiden. "Marahil tama ka," aniya. "Sana lang, maging masaya na sila sa kung nasaan man sila ngayon. Kung nakikita man nila ako, sana napatawad na nila ako. Sana matanggap na nila ako pati na rin si ate," sabi pa nito.

Lumapit si Derek kay Aiden saka niya ito inakbayan sa balikat. Nagkatinginan ulit silang dalawa.

"Dahil kung sakaling bigyan muli ako ng pagkakataon na mabuhay sa next life, sila pa rin ang gugustuhin kong maging magulang," sincere na wika ni Aiden. "Sunod kaya ang luho ko sa kanila," dugtong pa niyang biro.

Ningitian ni Derek si Aiden habang nakatitig siya sa mga mata nito na sinasalubong naman ang kanya. Lumipas ang sandali ay muling tiningnan nila Aiden at Derek ang malawak na hardin.

---

Naglalakad si Aiden nang makita niyang bumukas ang main door ng mansyon. Napahinto siya at nanlaki ang mga mata niya sa gulat nang makita kung sino ang pumasok.

"A-Ate?"

Napahinto si Asha nang makita si Aiden. Kasama ni Asha si Faye, ang girlfriend niya.

Hindi makapaniwala si Aiden na muli niyang makikita ang kakambal. Sa totoo lang, mas lalo itong gumanda. Marahil ay alagang-alaga siya ni Faye.

Napangiti si Asha habang tinitingnan ang kakambal saka muli siyang naglakad palapit kay Aiden. Nakasunod naman ang tingin ni Faye sa kanya at tiningnan at ningitian din si Aiden na sinuklian naman ng binata ng isa ring ngiti.

"Sa wakas ay nagbalik ka na," natutuwang sambit ni Aiden.

Huminto si Asha sa harapan ni Aiden. "Nalaman ko 'yung nangyari. I'm sorry kung nahuli ako," sinserong paghingi niya ng paumanhin.

Ngumiti nang maliit si Aiden. "Ayos lang," sabi niya. "Mabuti nga at bumalik ka dito. Marami din kasi tayong dapat pag-usapan," wika pa niya.

Tumango-tango si Asha saka tipid na ningitian ang kakambal. Ilang sandali pa ay nagulat na lamang si Aiden nang bigla siyang yakapin ni Asha.

"I-I'm sorry... I'm sorry sa lahat," madamdaming bulong ni Asha sa kanang tenga ni Aiden. "I-I'm so sorry," garalgal na bulong pa niya.

Napangiti na lamang si Aiden. Hinawakan niya ang likod ng kakambal at hinagod ito.

Sa hindi kalayuan ay napapangiti si Faye. Natutuwa siya na nakikita sa kambal. Mula naman sa hagdanan ay nakatayo si Derek at nakatingin sa ibaba kung saan nakikita niya sina Aiden at Asha pati na rin si Faye. Nakasilay ang ngiti sa labi niya.

"Magiging maayos na rin ang lahat," bulong ni Derek. Masaya siya sa muling pagbabalik ni Asha at pagsasama muli ng kambal.

My Twin Sister's Lover (BL) - FINTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon