CHAPTER 45

134 9 0
                                    

Nakatingin lamang si Aiden sa harapan habang naglalakad. Walang makikitang ekspresyon sa mukha niya habang tumatakbo sa kanyang isipan ang naging sagutan nila ng kanyang ina na humantong sa pagtatakwil sa kanya.

Sumasabay naman sa mabagal na paglalakad ni Aiden si Derek. Dala nito ang mga gamit niya na nakalagay sa bagpack at nakasukbit sa kanyang balikat. Walang kahit na anong dala si Aiden. Kahit ang mga damit at underwear na suot ni Aiden ay pagmamay-ari ni Derek.

Ilang sandali ang lumipas ay tiningnan ni Derek si Aiden. Nababakas ang lungkot sa mukha nya. Hindi niya mapigilang maawa sa kasintahan dahil sa hindi magandang tinungo nang pag-uusap ng ina nito.

Bumaba ang tingin ni Derek. Tiningnan niya ang kamay ni Aiden. Alam ni Derek na kailangan na kailangan siya ngayon ni Aiden kaya naman hindi niya ito iiwan kahit na anong mangyari at ipaparamdam niyang nasa tabi lamang siya nito palagi.

Hinawakan ni Derek ang kanang kamay ni Aiden at bahagya itong pinisil. Walang pakiealam si Derek sa mga taong nakakakita sa kanila dahil ang mas mahalaga sa kanya ay maramdaman ni Aiden na handa siyang hawakan ang kamay nito sa kahit anumang panahon, sa gitna man ng saya o kalungkutan.

Naramdaman ni Aiden ang paghawak ni Derek sa kamay niya. Tiningnan niya ang nobyo. Nagtagpo ang kanilang mga mata.

Ningitian nang maliit ni Derek si Aiden. "Sa hotel muna tayo tutuloy ngayon pagkatapos ay hahanap tayo ng matitirhan natin," aniya.

Hindi nagsalita si Aiden. Kahit ang pagtango para sagutin ang sinabi ni Derek ay hindi niya ginawa at nananatili lang siyang nakatingin rito.

"Wala kang dapat ipag-alala dahil nandito lang ako at hindi mawawala," pangako ni Derek kay Aiden. "Hindi kita iiwan," dugtong pa niya.

Umiwas nang tingin si Aiden kay Derek. Natulala na naman ito habang siya'y naglalakad. Bumuntong-hininga naman si Derek. Hinigpitan niya ang paghawak sa kamay ni Aiden.

---

Hindi pa rin umaalis sila Esmeralda at Timoteo sa bahay na tinirhan nila Aiden at Derek dito sa Maynila.

Nakatayo si Esmeralda sa tapat ng bintana at nakatingin sa labas. Simula nang umalis sila Aiden at Derek ay nakatayo lamang siya doon.

Tumayo naman si Timoteo mula sa pagkakaupo niya sa sofa at nilapitan ang asawa. Tinabihan niya ito sa pagtayo.

"Sigurado ka na bang itatakwil mo siya?" tanong ni Timoteo kay Esmeralda habang nakatingin ito sa labas ng bintana. "Hindi ba sobra ang ginawa mo sa kanya?" tanong pa niya.

Hindi sumagot si Esmeralda. Nanatili pa rin itong nakatingin lamang sa labas ng seryoso. Tiningnan ni Timoteo si Esmeralda, huminga siya ng malalim.

"Sa tingin ko, kalabisan na ang ginawa mong pagpapalayas sa kanya," lakas-loob na sabi ni Timoteo.

"Kailangan niyang matuto," sa wakas ay nagsalita na si Esmeralda pagkatapos ng mahaba niyang pananahimik. "Alam ko na babalik din siya sa atin kapag hindi na niya kayang mabuhay ng wala ang suporta natin," sabi pa nito.

"Pero anak natin siya kaya hindi natin siya pwedeng pabayaan-"

"'Yun na nga, anak natin siya kaya dapat lang na ituwid natin siya sa kahit ano pang paraan," wika kaagad ni Esmeralda na ikinaputol ng sinasabi ni Timoteo. "Hindi natin pwedeng hayaan na lang siya sa mga bagay na gustuhin niya kaya kung kailangan kong maging matigas bilang ina niya, magiging matigas ako hanggang sa maisip niyang tama ako," aniya pa.

Hindi na nagsalita si Timoteo. Muli niyang tiningnan ang labas. Napabuga siya ng hininga. Hindi nila inaasahan na hahantong sa ganito ang lahat. Una ay si Asha pagkatapos ay si Aiden. Hindi nila akalain na ang gulong dinulot ng hindi natuloy na kasal ay mas lalo pang lalaki at ngayon ay hindi na nila alam kung paano pa ito aayusin at ibabalik ang lahat sa dati.

My Twin Sister's Lover (BL) - FINTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon