Nasa loob ng isang kainan na malapit sa ospital sina Aiden at Derek. Magkaharap silang nakaupo kaya pansin na pansin ni Derek ang pagiging tahimik at seryoso ng mukha ni Aiden. Pakiramdam niya ay may nangyari ditong masama kaya ganito ito katahimik at kaseryoso.
Nakatingin at pinaglalaruan lamang ni Aiden ang spaghetti na nakahain sa lamesa gamit ang hawak niyang tinidor sa kanang kamay. Kanina pa siya walang imik dahil hanggang ngayon ay tumatakbo pa rin sa kanyang isipan ang naging sagutan nila kanina ng kanyang ina.
Nagbuntong-hininga naman si Derek na hindi inaalis ang tingin kay Aiden. Pati siya ay hindi makakain dahil sa pag-aalala sa kanya.
"Aiden," pagtawag ni Derek kay Aiden na hindi na niya natiis kaya kakausapin na niya.
Nag-angat nang tingin si Aiden at tiningnan si Derek. Nahalata niya ang pag-aalala sa mukha nito.
Ningitian ni Derek si Aiden. "Nasa maayos na kalagayan na ang Papa mo. Nakausap ko siya kanina at okay naman na siya," aniya.
Napangiti lamang ng tipid si Aiden saka tumango-tango.
"Ikaw? Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Derek kay Aiden. Mababakas sa boses niya ang pag-aalala sa binata.
Umiling-iling si Aiden. "I'm not okay," diretsahang sagot niya habang nakatitig sa mga mata ni Derek.
Hindi nagsalita si Derek at nanatili lamang siyang nakatingin ng matama kay Aiden. Bumuntong-hininga naman ng malalim si Aiden. Binitawan niya ang hawak na tinidor at pinagsalikop niya ang dalawang kamay sa ibabaw ng lamesa.
"Nagkasagutan kami ni Mama kanina," panimula ni Aiden. "Ngayong alam na nila kung nasaan si Ate, balak nilang ibalik ito sa bahay at sa piling mo," dugtong pa niya. Aminado si Aiden na nahirapan siyang sabihin ang mga huling salitang sinabi niya kay Derek. "Ibabalik siya at itutuloy ang pagiging kasal sa'yo," aniya pa.
Nanatili namang nakatingin si Derek kay Aiden.
"Hindi gusto ni Ate bumalik sa amin at marahil na rin sa'yo ngunit gagawin nila Mama ang lahat para mangyari ang gusto nila."
Tumango-tango naman si Derek na pinapakinggan ang bawat sinasabi ni Aiden sa kanya. Yumuko naman si Aiden saka huminga ulit siya ng malalim.
"Hindi nila tanggap si Ate," nahihirapang sabi ni Aiden habang nakatitig sa spaghetti. "Nakakainis lang kasi bakit hindi nila matanggap ang isang bagay na nagpapasaya sa kanya? Sinabi na sa kanila ni Ate na masaya na siya sa buhay niya ngayon kaya bakit hindi na lang nila hayaan at tanggapin na lang?" tanong pa nito. "Bakit hindi na lang sila maging masaya na masaya ang anak nila sa pinili niya?" pagtatanong niya pa. "Sa totoo lang, hindi ko tuloy maiwasang matakot. Sa buong buhay ko, ngayon lamang ako labis na natakot. Natatakot ako sa mga pwede nilang gawin kay Ate pero mas natatakot ako sa pwede nilang gawin para lamang magkabalikan kayo ni Ate," pag-amin ni Aiden saka tiningnan muli si Derek. Mababakas sa mga mata niya ang takot at matinding pag-aalala. "Natatakot ako sa maaaring mangyari sa hinaharap, Derek," pag-amin niya pa. "Isa pa, natatakot ako sa mga pwede nilang sabihin at gawin sa oras na malaman nila kung anong meron sa ating dalawa," sabi pa niya. "Nakita ko kung paano magalit si Mama at hindi matanggap ang sitwasyon ni Ate. Marahil ganoon din ang maging reaksyon niya sa oras na umamin tayo o malaman niya ng kusa ang meron sa atin," wika pa niya. Pamaya-maya ay pagak siyang tumawa. "Dati wala naman akong pakiealam kung magalit sila ni Papa pero ngayon..." muli na lamang siyang natawa sa halip na ituloy ang sinasabi niya.
Nagbuntong-hininga nang malalim si Derek. Sa mga sinabi sa kanya ni Aiden, sa tingin niya ay mukhang mahihirapan din silang dalawa na ipatanggap sa mga magulang nila kung anong meron sa kanila.

BINABASA MO ANG
My Twin Sister's Lover (BL) - FIN
RomanceSYNOPSIS: Ikakasal na sana ang kakambal ni Aiden na si Asha sa fiance nito na si Derek, ngunit isang araw bago ang mismong araw ng kasal ay biglang nawala na parang bula si Asha. Para hindi mapahiya ang kani-kanilang pamilya sa lahat at hindi magdul...