CHAPTER 8

347 16 6
                                    

Bumalik sila Derek at Aiden sa kanilang pwesto sa park matapos nilang bumili ng kakainin nila. Parehas silang may hawak na tig-isang plastic cup na naglalaman ng mga binili nilang street foods na kanilang kinakain gaya ng kwek-kwek, fish ball, squid ball at hiniwa sa maliliit na hotdog.

"Na-miss kong kumain nito," ani Aiden na nangingiti habang ngumunguya. "Ang sarap talaga nito lalo na kapag nakababad sa suka," sabi pa niya.

Tiningnan naman ni Derek si Aiden na ngumunguya. "Masarap?" tanong niya.

Nilingon ni Aiden si Derek. Tumango-tango ito. "Ang tagal na din kasi nung huli akong nakakain ng ganito," aniya matapos lunukin ang ninguya niyang pagkain.

Tumango-tango si Derek. "Ako din, medyo matagal-tagal na din at ngayon na lang ulit nakakain nito," sabi niya.

Umiwas nang tingin si Aiden kay Derek at muling tiningnan ang paligid. Medyo dumadami na ang tao at karamihan ay mga magkasintahan at pamilya.

"Sh*t!" Napamura na lang bigla si Derek dahil natuluan ng sweet and spicy sauce ang suot niyang polo shirt. Tumigil na muna siya sa pagkain at kaagad niyang inilapag na muna sa gilid ng bench ang hawak niyang baso na may laman pang kwek-kwek.

Bumagal naman ang pagnguya ni Aiden sa kwek-kwek na nasa loob ng bibig niya saka tiningnan si Derek. "Ano'ng nangyari sa'yo?" tanong niya.

"Natuluan ng sauce 'tong suot ko," ani Derek na naningkit ang mga mata. "Puti pa naman 'to kaya siguradong magmamantsa 'to," naiinis na wika pa niya habang tinitingnan ang laylayan ng polo shirt niya na natuluan ng sauce. Kulay puti ito na may accent ng military green, nakabukas ang first button at semi-fit sa katawan niya kaya bumabakat ang kanyang malapad na dibdib at pares ng utong niya. Yumayakap sa mga braso niya ang sleeves ng kanyang suot na polo.

Tiningnan naman ni Aiden ang laylayan ng suot ni Derek. Nakita niya ang tulo ng sauce. Nilunok niya ang nginuya niyang kwek-kwek saka mahinang natawa.

Narinig ni Derek ang pagtawa ni Aiden. "Bakit ka natatawa?" tanong niya sa nagtatakang tono.

"Bakit? Masama bang tawanan ka?" balik-tanong ni Aiden kay Derek sa maangas na himig.

Kumunot ang noo ni Derek. Muli namang sumubo ng kwek-kwek si Aiden saka mabagal itong nginuya habang tinitingnan ang una. Nananatili namang nakatingin sa kanya si Derek. Ilang sandali pa ay natawa na lang din siya.

Kinuha ni Derek ang kanyang panyo na nasa kaliwang bulsa ng suot niyang denim pants saka ipinampunas ito sa tumulong sauce sa shirt niya. Hindi ito masyadong naalis kaya napapailing na lang siyang itinago muli ang kanyang panyo sa bulsa. Kinuha niya ulit ang baso at katulad ni Aiden ay muli na lang siyang kumain. Nakatingin na sa muli sa malayo si Aiden habang ngumunguya.

"Pwede ba akong magtanong sayo?" pagtatanong ni Derek.

Muling tiningnan ulit ni Aiden si Derek. Ngumisi siya. "Nagtatanong ka na," pilosopong sagot nito.

Iniling naman ng mabagal ni Derek ang kanyang ulo. Umiwas ito nang tingin kay Aiden saka tumingin sa malayo.

"Bakit hindi kayo close ni Asha?" tanong ni Derek.

Kumunot ang noo ni Aiden. "Bakit gusto mong malaman?" balik-tanong nito.

"'Yun kasi ang hindi niya nasabi sa akin," sagot ni Derek nang hindi nakatingin kay Aiden. "Sinabi lang niya na hindi kayo ganun ka-close pero wala siyang sinabing dahilan kung bakit," aniya pa.

Tumango-tango si Aiden. Umiwas ulit siya nang tingin kay Derek. Kumain muli siya ng kwek-kwek at ninguya at nilunok niya muna iyon bago magsalita.

"Nu'ng mga bata pa kami, lagi siyang nang-aagaw ng laruan. Laging masama ang loob ko sa kanya dahil panay sumbong niya kay Papa. Mas close sila ni Papa kaya lagi siyang kinakampihan. Simula nun, masama na ang loob ko sa kanya," paglalahad ni Aiden. "Hindi ko nga siya maintindihan kasi ang dami naman niyang laruan pero mas gusto niya ang mga robot at toy cars ko," dugtong pa nito.

My Twin Sister's Lover (BL) - FINTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon