Nakasakay sa umaandar na bus sila Aiden at Derek. Magkatabi silang nakaupo sa pandalawahang upuan na nasa bandang dulo ng bus. Parehas silang tahimik habang nasa biyahe. Halos tatlumpung minuto na ang nakakaraan mula nang sumakay sila dito.
Ilang sandali pa ay tiningnan ni Derek si Aiden na nakatingin naman sa labas ng bintana at tinitingnan ang paligid habang may nakasalpak na earphones sa dalawang tenga nito at nakikinig ng music. Tipid na ngumiti si Derek. Mabuti na lang at pumayag si Aiden na magbakasyon na muna sila at ngayon ay papunta sila sa lalawigan ng Batangas.
Naputol ang pagtingin ni Aiden sa labas at nilingon si Derek nang maramdaman niya ang pagkalabit nito sa balikat niya. Kumunot ang kanyang noo.
"Nagugutom ka na ba?" tanong ni Derek kay Aiden. May dala silang mga pagkain na nakalagay sa duffle bag na dala nila.
Umiling-iling si Aiden. "Hindi pa," sagot niya.
Ningitian ni Derek si Aiden. "Magsabi ka lang kung gutom ka na," bilin niya.
Muling tinango ni Aiden ang kanyang ulo saka siya tumingin ulit sa labas ng bintana. Nanatili namang nakatingin si Derek kay Aiden. Hindi niya maitatanggi sa sarili na may kaligayahan siyang nararamdaman na kasama niya ito ngayon.
Lumipas ang ilang minuto ay iniwas na ni Derek ang tingin kay Aiden. Matagal-tagal pa ang biyahe kaya matutulog na muna siya. Isinandal niyang mabuti ang likod sa sandalan ng kanyang inuupuan saka ipinikit ang kanyang mga mata.
Ilang minuto ang lumipas at naisipan ni Aiden na lingunin si Derek. Doon niya nalaman na tulog na pala ito. Umayos siya pag-upo at matamang tiningnan ang mukha nito. Malaya niya muling napagmasdan ang kalmadong mukha ni Derek.
Kumurba ng ngiti ang labi ni Aiden. Hindi na siya tumingin sa labas ng bintana. Pinagmasdan na lamang niya si Derek sa buong durasyon ng biyahe nila habang nakikinig sa isang romantikong awiting nasa playlist na kanyang pinakikinggan.
---
Kitang-kita sa mukha ni Aiden ang labis na paghanga habang nililibot nito nang tingin ang paligid. Napakaganda, parang paraiso sa ibang mundo.
Humahampas sa kanyang balat ang malamig na hangin. Nilanghap niya ito at nagustuhan niya ang pagiging sariwa nito. Humahalo din sa kanyang pang-amoy ang maalat-alat na simoy nito dahil sa hindi kalayuan ay naroon ang malawak at asul na asul na dagat.
Tipid namang napapangiti si Derek habang pinagmamasdan si Aiden. Kitang-kita niya sa mukha ng kasama ang pagkagusto sa lugar na pinuntahan nila. Inayos niya ang pagkakasukbit ng malaking bagpack sa balikat niya. May dala rin itong duffle bag na naglalaman ng mga gamit nila.
Ipinikit ni Aiden ang mga mata niya. Muli niyang nilanghap ang sariwang hangin. Na-relax ang kanyang pakiramdam.
Bukod sa maganda at sariwa ang hangin sa lugar na ito ay wala ring katao-tao kundi sila lang dalawa. May mangilan-ngilang bahay silang nakikita pero hindi nila sigurado kung may mga nakatira. Sobrang tahimik, bagay na nagustuhan din ni Aiden.
Muling idinilat ni Aiden ang kanyang mga mata. Tiningnan niya ang malawak na dagat. Napangiti siya nang makita ang kagandahan nito. Saktong-sakto pa na papasikat na ang araw kaya mas lalong gumanda ito sa kanyang paningin.
Naisipan ni Aiden na pumunta sa tabing-dagat at maupo ng pa-indian sit sa puting buhangin. Tiningnan niya ito saka dumakot at pinaglaruan iyon sa kamay. Ramdam ng palad niya ang sobra nitong pagkapino. Sinasabi ng karamihan na walang perpekto sa mundo pero para kay Aiden, perpekto ang lugar na ito.
Ibinaba naman ni Derek sa buhangin ang dala niyang duffle bag saka ang bagpack. Iniwan na muna niya iyon sa tabi saka tinabihan sa pag-upo si Aiden.
"Mabuti at nagustuhan mo ang lugar na ito," ani Derek.

BINABASA MO ANG
My Twin Sister's Lover (BL) - FIN
RomanceSYNOPSIS: Ikakasal na sana ang kakambal ni Aiden na si Asha sa fiance nito na si Derek, ngunit isang araw bago ang mismong araw ng kasal ay biglang nawala na parang bula si Asha. Para hindi mapahiya ang kani-kanilang pamilya sa lahat at hindi magdul...