Nakahiga na sa ibabaw ng kama na gawa sa kawayan si Aiden habang nakaupo naman sa sofa na gawa rin sa kawayan si Derek. Tiningnan ni Aiden si Derek at doon niya napansin na nakatingin pala ito sa kanya at nakasilay ang ngiti sa labi nito. Kumunot tuloy ang kanyang noo dahil sa pagtataka.
"Sabihan mo lang ako kung babangon ka o 'di kaya ay magbabanyo para maalalayan at masamahan kita," bilin ni Derek kay Aiden.
Mahina namang tumawa si Aiden. "Hindi naman ako baldado para alalayan mo," aniya.
"Hindi nga pero masakit pa ang paa mo lalo na kung iaapak mo 'yan," ani Derek. "Kailangang ipahinga mo 'yan hanggang sa gumaling para wala na ring maging kumplikasyon pa," dugtong pa nito.
Napangiti na lamang ng tipid si Aiden. Mas lalong ngumiti si Derek. Isinandal niyang mabuti ang likod sa sandalan ng inuupuan saka dumekwatro sa pag-upo habang hindi pa rin inaalis ang tingin kay Aiden.
"Bakit parang ang saya mo ngayon?" nagtatakang tanong ni Aiden. "Dahil ba sa nangyari sa akin?" tanong pa nito.
"Sa tingin mo ba na ganoon akong klaseng tao? Mukha ba akong klase ng tao na nagiging masaya sa misfortune ng iba?" magkasunod na tanong ni Derek. Nakaramdam siya ng inis.
Hindi nagsalita si Aiden. Nanatili lamang itong nakatingin kay Derek.
"Masaya lang ako kasi ligtas ka," sagot ni Derek. Masaya siya na hindi tuluyang nawala si Aiden dahil hindi niya alam ang gagawin niya kung sakaling nahuli siya sa pagligtas dito.
Sumilay ang maliit na ngiti sa labi ni Aiden. Umiwas ito nang tingin kay Derek at tumingin sa kisame.
"Akala ko nga katapusan ko na," ani Aiden. "Akala ko sinisingil na ako sa mga katarantaduhang ginawa ko," dugtong pa niya.
"Naniniwala ka pala sa karma?" tanong ni Derek.
Muling tiningnan ni Aiden si Derek. Umismid lang siya.
"Matulog ka na kung inaantok ka na. Ako na ang bahala na magbantay sa'yo," saad ni Derek.
"Pwede bang doon muna tayo sa labas?" request ni Aiden.
Kumunot ang noo ni Derek. "Malamig na sa labas," sabi nito.
"Sige na. Gusto ko lang pagmasdan ang kalangitan ngayong gabi," pamimilit pa ni Aiden.
Hindi nagsalita si Derek at nanatili lamang siyang nakatingin kay Aiden. Hanggang sa mapangiti na lamang siya saka tumango-tango.
"Okay," pagpayag ni Derek na ikinangiti nang maliit ni Aiden.
---
Nasa labas ng bahay sina Aiden at Derek. Magkatabi silang nakaupo sa buhanginan. Parehas silang nakatingala at tinitingnan ang madilim na langit kung saan ay kitang-kita nila ang pabilog ng buwan at ang mga nagkikislapang mga bituin sa paligid nito.
Humahampas ang malamig at sariwang simoy ng hangin sa kanilang mga balat. Sobrang tahimik na gustong-gusto nilang dalawa.
Napangiti si Aiden habang nakatingin pa rin sa langit. Tiningnan naman ni Derek si Aiden. Sumilay ang ngiti sa labi niya. Hindi niya maikakaila na masaya siya na kasama si Aiden. Mabuti na lang pala at inaya niya itong magbakasyon na muna.
Nakaramdam naman si Aiden na nakatingin sa kanya si Derek kaya tiningnan niya ito. Nagtagpo ang kanilang paningin.
Kumunot ang noo ni Aiden. "Bakit ka ba tingin nang tingin sa akin?" nagtatakang tanong niya. Medyo naiilang siya at the same time ay pinabibilis nito ang tibok ng kanyang puso.
BINABASA MO ANG
My Twin Sister's Lover (BL) - FIN
RomanceSYNOPSIS: Ikakasal na sana ang kakambal ni Aiden na si Asha sa fiance nito na si Derek, ngunit isang araw bago ang mismong araw ng kasal ay biglang nawala na parang bula si Asha. Para hindi mapahiya ang kani-kanilang pamilya sa lahat at hindi magdul...