CHAPTER 53

126 8 0
                                    

Mabagal ang bawat hakbang ng mga paa ni Aiden sa gitna. Habang papalapit siya sa kinaroroonan ng kanyang tinititigan ay pahina nang pahina ang ginagawang hakbang ng kanyang mga paa.

Mababakas sa mukha ni Aiden ang matinding kalungkutan. Malapit nang bumagsak mula sa kanyang mga malamlam na mga mata ang luha.

Hindi makapaniwala si Aiden na sa pagbabalik niya sa kanilang mansyon, makikita niya ang kanyang mga magulang na... na nakalagay na sa urn na gawa sa marmol.

Nakakabingi ang katahimikan na namamayani sa loob ng mansyon. Ang mga nakikidalamhati ay puno ng kalungkutan sa kanilang loob. Katulad ni Aiden, hindi nila inaasahan at hindi nila inakala ang biglaang mga nangyari sa magulang nito na talaga namang gumulat sa kanilang lahat.

Sa parihaba at mahabang mesa ay nakapatong ang dalawang urn na gawa sa marmol na kulay puti. Sa magkabilang gilid nito ay nakalagay ang life size photo ng mga magulang ni Aiden. Napapalibutan ang bahaging ito ng mga bulaklak na galing sa mga kaibigan at kasosyo sa negosyo ng pamilya.

Tuluyang nakalapit si Aiden sa lamesang gawa sa glass. Tumayo siya sa harapan nito at tiningnan ang dalawang banga. Hindi na napigilan ni Aiden ang pagtulo ng luha at hinayaan na lamang niya itong dumaloy sa mga pisngi niya.

Pakiramdam ni Aiden ay pinagbagsakan ng langit ang mundo niya. May hindi man sila pagkakaunawaan ng mga magulang ngunit hindi naman niya ginusto na may mangyaring masama sa mga ito. Gusto niya na humingi pa rin ng tawad sa mga ito kapag malamig at maayos na ang sitwasyon ngunit paano niya pa magagawa iyon kung tuluyan ng nawala ang mga ito.

Sa hindi kalayuan ay nakatingin ang malamlam na mga mata ni Derek kay Aiden. Puno rin ng kalungkutan ang mukha niya. Ang mga mata ay kakikitaan ng matinding lungkot at pagkaawa para sa kasintahan. Katabi naman ni Derek si Rina na tiningnan ang anak. Hinawakan niya sa kanang braso si Derek.

Napatingin si Derek kay Rina. Hindi siya nagsalita.

"Pakisabi kay Aiden na wala na siyang aalalahanin pa. Ako na ang bahala na umayos sa lahat dito," bulong ni Rina.

Mabagal na tinango-tango ni Derek ang kanyang ulo. "Thanks, Ma," bulong na pasasalamat niya sa ina.

Sumilay ang maliit na ngiti sa labi ng ginang. Muli nitong tiningnan ang pinaglalagakan ng mga magulang ni Aiden.

"Kahit ako ay hindi makapaniwala sa kanilang sinapit. Ang akala kong pagpunta nila sa inyo para kausapin kayo dahil kumalat na sa bayan natin ang nangyari nu'ng kasal ninyo ni Asha ay mauuwi pala sa isang trahedya," malungkot na sabi ni Rina.

Nanatiling nakatingin si Derek sa kanyang ina. Sa tawag pa lang, sinabi na nito sa kanya ang tunay na nangyari. Sakay ng kotse ay paluwas ng Maynila ang mga magulang ni Aiden ngunit sa kasamaang palad ay isang hindi inaasahang aksidente ang nangyari na kumitil sa mga buhay nito kasama pa ang driver. Matinding inararo ng ten-wheeler truck ang sinasakyan ng mga ito at dead on arrival na pagdating sa ospital.

Kumalat na rin sa bayan nila ang nangyari sa kasal nila Derek at Asha. Ang pagtakas ni Asha at ang paghalili naman ni Aiden. Nagkaroon ito ng matinding epekto lalo na sa mga negosyo nila Aiden. Bumagsak ang stocks at market share nila sa merkado kaya naman nataranta ang mga investors at nag- pull-out ng stocks. Hanggang ngayon ay matinding problema pa rin ang kinakaharap ng mga kumpanyang pagmamay-ari nila Aiden.

Nagkaroon din ng problema sa mga negosyo ang pamilya ni Derek dahil sa nangyari at sa kasalukuyan ay inaayos na ito ng papa niya. Hindi naman ganoon kagrabe hindi kagaya ng nangyari sa mga kumpanya nila Aiden na malaki na ang nawawalang pera sa bawat paglipas ng mga araw.

"Si Asha ba? Sa tingin mo may alam na siya?" tanong ni Rina. "Pupunta kaya siya?" tanong pa niya saka muling tiningnan si Derek.

Hindi nakasagot si Derek. Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa tanong ni Rina dahil kahit siya ay hindi alam ang sagot sa tanong nito.

Umiwas nang tingin si Rina mula kay Derek saka tumingin sa harapan. Huminga ito ng malalim. Napakabigat ng ambiance sa mansyon nila Aiden.

"Sana makapunta siya bago matapos ang araw ng burol," hiling ni Rina.

Muling tiningnan ni Derek si Aiden. Huminga siya ng malalim habang nakatitig na sa likod nito.

---

Nasa labas ng mansyon sina Aiden at Derek. Magkatabi silang nakaupo sa bench na nasa gilid ng fountain na nasa gitna naman ng hardin.

Pasulyap-sulyap si Derek kay Aiden. Tulala si Aiden na nakatingin sa kawalan. Nagbuntong-hininga si Derek at tiningnan ang kamay ni Aiden.

Naramdaman ni Aiden na hinawakan ni Derek ang kanan niyang kamay at bahagya itong pinisil-pisil. Hinayaan niya ang kamay ni Derek na nakahawak sa kanyang kamay. Hindi niya ikakaila na kahit papaano ay napagaan ng kamay ng nobyo ang bigat sa pakiramdam niya.

"Hindi man lang ako nakahingi ng kapatawaran sa kanila dahil sa pagiging pasaway kong anak," malungkot na bulong ni Aiden nang hindi nakatingin kay Derek. Nakakaramdam siya ng labis na pagsisisi na hindi niya nagawa 'yon. "Pakiramdam ko tuloy, napakasama kong anak," dugtong pa niya. "Napakalaki ng kasalanan ko sa kanila ngunit hindi man lang ako nakapag-sorry at kailanman ay hindi ko na magagawa 'yon ng personal sa kanila," mabigat na wika niya pa.

Nanatiling nakatingin lamang si Derek kay Aiden at tahimik na nakikinig sa mga sasabihin nito.

"Hindi sila perpektong magulang ngunit tama bang kunin sila sa akin sa ganoong paraan?" tanong ni Aiden. "Kung alam ko lang na maaga silang mawawala, eh, 'di sana ginawa ko ang lahat para maging perpektong anak para sa kanila, para kahit na sa maikling panahon lang, naranasan nilang maging isang perpektong magulang at maging masaya," malungkot na sabi pa niya.

"Siguro, sobra ang pagsisisi nila na naging anak nila ako. Hanggang sa huli, disappointment at sama ng loob ang naiparamdam ko sa kanila," ani Aiden. Ngumiti siya ng mapait. "Tanggap ko naman... tanggap ko na wala akong kwentang anak. Tanggap ko na sa mga mata nila, ako ang blacksheep. Wala lang naman sa akin 'yon ngunit hindi ko itatanggi na ikinakasama ito ng loob ko pero hindi ko naman ginusto na... na mawala sila. Okay lang na hindi nila ako magustuhan habambuhay basta alam kong buhay at ligtas sila. Kahit na batuhin nila ako ng samu't-saring masasakit na salita, ayos lang basta naririnig ko pa rin ang mga boses nila... na naririnig ko pa rin ang mga sermon nila... Pero... pero..."

Tuluyang napahagulgol si Aiden at hindi na nakapagsalita. Inihilamos niya ang kanyang dalawang palad sa buong mukha niya dahilan para mabitawan naman ni Derek ang kamay niya. Umusog naman lalo si Derek palapit kay Aiden. Hinawakan niya ang ulo nito saka dinala sa kanyang dibdib.

Parang batang nagsumiksik si Aiden sa dibdib ni Derek. Niyakap niya ito at sinubsob lalo ang mukha sa dibdib nito saka doon umiyak nang umiyak.

Hinagod-hagod naman ng marahan ni Derek ang likuran ni Aiden para kahit papaano ay mapagaan ang loob nito. Hindi siya nagsasalita dahil alam niya na ang kailangan ni Aiden ngayon ay ang taong makikinig sa mga gusto nitong sabihin.

Lumipas ang halos sampung minuto na tuloy-tuloy ang pag-iyak ni Aiden bago ito tumigil. Basang-basa ang harapan ng suot na polong kulay itim ni Derek.

Humiwalay si Aiden kay Derek. Tiningnan ng mga mugto nitong mga mata ang mukha ni Derek. Sumilay ang maliit na ngiti sa labi ni Derek. Ilang sandali pa ay tiningnan ni Aiden ang basang polo ni Derek.

"Sorry at nabasa ko ang damit mo," pagso-sorry ni Aiden at muling tiningnan si Derek.

Hindi nagsalita si Derek. Nilapit niya ang kamay sa mukha ni Aiden at gamit ang mga hinlalaking daliri ay pinunasan niya ang natira pang luha ni Aiden sa magkabilang pisngi nito.

Tipid na ngumiti si Aiden habang nakatitig sa mga mata ni Derek. "Thank you," pasasalamat niya. Kung wala si Derek, hindi na niya alam kung makakaya pa ba niya ang biglang dumating na trahedyang ito sa buhay niya. Mag-isa lamang siya dahil ang kakambal niya, hanggang ngayon ay wala pa rin.

Niyakap ni Derek si Aiden. Hinalik-halikan ni Derek ang tuktok ng ulo ni Aiden na napapikit naman sa ginagawa ng kasintahan. Kahit papaano ay gumagaan ang pakiramdam niya sa ginagawa nito. Ginantihan naman ni Aiden ang pagyakap sa kanya ni Derek saka muli niyang idinantay ang kanyang mukha sa dibdib nito.

Hinaplos-haplos ni Derek ang ulo at buhok ni Aiden. Ipinikit naman ni Aiden ang kanyang mga mata habang nakayakap pa rin sa katawan ng nobyo at nakakulong ang kanyang katawan sa mga bisig nito.

My Twin Sister's Lover (BL) - FINTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon