CHAPTER 15

206 8 1
                                    

Umaga na. Nagising si Derek mula sa mahimbing niyang tulog. Dahan-dahan niyang idinilat ang kanyang mga mata.

Ang naka-off na telebisyon sa harapan ang unang nakita ng kanyang mga mata. Kumunot ang kanyang noo. Hanggang sa mapagtanto ni Derek na sa sala pala siya nakatulog at nakaupo sa sofa.

Humikab nang pagkalaki-laki ang bibig ni Derek at tiningnan ang katabi niya na si Aiden. Sumunod niyang tiningnan ay ang nakayakap niyang braso sa braso nito.

Natawa nang mahina si Derek. Naalala niyang nanunuod sila kagabi ni Aiden ng pelikula at hindi niya namalayang nakatulog pala siya.

Ilang sandali lang ay nagbuga nang hininga si Derek. Muli niyang tiningnan ang mukha ni Aiden.

Malayang pinagmasdan ni Derek ang mukha ni Aiden na mahimbing pa ang tulog sa tabi niya. Katulad niya ay nakatulog din ito habang nakaupo sa mahabang sofa.

"Magkamukhang-magkamukha talaga sila," bulong ni Derek. Kung hindi lang niya alam na nawawala si Asha, pagkakamalan niyang ito ang kasama niya ngayon.

Napangiti nang tipid si Derek. Hindi niya maitatanggi na may kaligayahan siyang nararamdaman habang nakatingin sa mukha ni Aiden.

"Ano bang nangyayari sayo, Derek?" tanong niya sa sarili. "Si Aiden 'yan," madiin na sabi pa niya sa kanyang sarili.

Huminga nang malalim si Derek. Umiwas na lang siya ng tingin mula sa mukha ni Aiden saka dahan-dahan niyang tinanggal ang pagkakayakap dito.

Bahagyang gumalaw si Aiden pero nanatili pa rin itong tulog. Muling tiningnan ni Derek si Aiden. Napangiti na lamang siya ng tipid.

Umayos muna siya sa pag-upo bago tumayo si Derek at nag-stretching ng mga braso at balakang saka inikot-ikot ang kanyang ulo.

Tumingin si Derek sa bintana at doon niya napansin na maliwanag na sa labas. Sumunod niyang tiningnan ay ang wall clock na nakasabit sa pader. Mag-a-alas siyete na ng umaga.

Humikab ulit si Derek. Tiningnan niya ang kanyang laptop na nakapatong sa gitnang mesa. Naka-off na din ito.

Kumibit-balikat si Derek saka niya tiniklop ang laptop na nasa ibabaw ng gitnang lamesa. Hindi nagtagal ay iniwan na muna niya si Aiden sa sala at pumunta sa kusina. Lumapit siya sa lababo saka naghilamos ng mukha niya at nag-tooth brush na rin ng kanyang mga ngipin.

Matapos punasan ang mukha gamit ang face towel na nakasabit sa gilid ng refrigerator ay naisipan ni Derek na maghanda ng almusal. Binalik niya sa pagkakasampay ang face towel saka nagtingin-tingin sa loob ng refrigerator ng pwede niyang iluto para sa almusal.

Napangiti si Derek. Naalala niya 'yung pagtuturo sa kanya ni Aiden. Marami siyang natutunan sa mga itinuro nito at ngayon ay ia-apply na niya ngayon. Kumuha siya ng itlog, bacon at holdog at tiningnan rin niya ang kaldero ng kanin.

"Sakto! Pwede itong isangag," natutuwang sambit ni Derek. Minsan na rin siyang nakapanuod ng mga cooking tutorial videos sa internet tungkol sa pagpriprito kaya may alam na rin siya pero mas marami talaga siyang natutunan sa mga tinuro ni Aiden.

Inihanda na ni Derek ang lahat ng gagamitin niya at ang sarili saka nagsimulang magluto. Hindi nawawala ang ngiti sa kanyang labi habang ginagawa iyon.

Samantala, nagising ang diwa ni Aiden dahil sa aroma ng pagkain na naaamoy ng kanyang ilong. Dahan-dahan niyang idinilat ang kanyang mga mata saka humikab ng malaki ang kanyang bibig. Kinusot-kusot pa niya ang kanyang mga mata para maging malinaw ang pagtingin niya.

"Umaga na pala," sabi ni Aiden habang nakatingin na sa bintana.

Muling humikab si Aiden. Tiningnan niya ang kabilang side ng sofa at doon niya napansin na wala na pala sa tabi niya si Derek.

My Twin Sister's Lover (BL) - FINTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon