CHAPTER 18

184 5 0
                                    

Nasa loob ng kusina si Derek at mag-isang kumakain ng almusal. Nangingitim ang ilalim ng kanyang mga mata dahil sa pagkapuyat sa nagdaang gabi.

Hanggang ngayon ay tumatakbo sa isipan ni Derek ang mga narinig kagabi galing sa kwarto ni Aiden. Hindi niya maintindihan sa sarili kung bakit iniisip niya pa iyon at parang napaka-big deal sa kanya.

Ilang sandali pa ay tumigil sa pagkain si Derek. Iniling-iling niya ang kanyang ulo. "Kung ano-ano na lang ang pinag-iiisip mo Derek," bulong niya sa naiinis na tono. "Tigil mo nga 'yan," mahinang sermon niya pa sa kanyang sarili.

Samantala, nag-iinat ng katawan si Aiden habang pababa siya ng hagdanan. Wala siyang suot na damit pang-itaas at boxer na itim lamang ang meron sa pang-ibaba. Tinakpan rin nito ang bibig ng siya'y humikab nang pagkalaki-laki. Kakagising lamang niya mula sa mahimbing na pagtulog. Hindi maikakaila na napasarap ang tulog niya.

Wala na si Candice sa bahay dahil pinauwi na rin niya ito kagabi. Gusto nga sana nitong matulog sa tabi niya ngunit hindi siya pumayag. Inisip pa rin niya si Derek na kasama niya sa bahay at baka magulat ito kung makita si Candice kinabukasan.

Napangiti si Aiden. Pakiramdam niya ngayon ay ang gaan ng loob niya at nanumbalik ang pagkalalaki niya dahil sa nangyari sa kanila ni Candice. Itutuloy-tuloy lamang niya ito para bumalik din siya sa normal.

Tuluyang nakababa ng hagdanan si Aiden at dumiretso siya sa kusina para uminom ng tubig. Pagkapasok niya sa kusina ay napalingon siya sa gawi kung nasaan ang lamesa. Nakita niya doon si Derek na nilingon din siya nang maramdaman ang presensya niya.

Nakaramdam nang pagkailang si Aiden nang tingnan siya ni Derek mula ulo hanggang paa. Tiningnan niya ang sarili. Naalala niyang hindi pala siya nagbihis at basta na lamang siyang lumabas ng kwarto at bumaba papunta sa kusina.

Tuluyang umiwas nang tingin si Aiden kay Derek saka dumiretso sa refrigerator. Kumuha siya doon ng pitsel ng tubig. Nagsalin siya ng tubig sa baso na kinuha naman niya sa dish rack saka uminom.

Nalamigan ang lalamunan at pakiramdam ni Aiden. Init na init siya ngayon dahil na rin sa panahon.

Nakasunod naman ang tingin ni Derek sa bawat galaw ni Aiden. Hindi talaga niya inaalis ang tingin sa binata.

Muling napatingin si Aiden kay Derek. Kumunot ang noo nito nang makita niyang nakatingin pa rin ito sa kanya. Tumigil siya sa pag-inom saka nilapag ang hawak na baso sa kitchen sink.

"Anong tinitingin-tingin mo?" nagsusungit na tanong ni Aiden kay Derek.

Inismiran ni Derek si Aiden. "Maupo ka," ma-otoridad na utos nito saka tinuro ang laging inuupuan ni Aiden sa mesa at ito ay nasa harapan ni Derek.

Lalong kumunot ang noo ni Aiden. "Bakit naman ako uupo?" tanong niya.

"May pag-uusapan tayo," seryosong sagot ni Derek.

Umismid ang labi ni Aiden. Pamaya-maya ay nagkibit-balikat na lang siya saka sinunod ang utos ni Derek. Lumapit ito sa upuan saka hinila iyon paatras saka naupo.

Nakatingin sa isa't-isa sila Aiden at Derek. Nagsusukatan sila nang tingin.

"Anong pag-uusapan natin?" unang tanong ni Aiden.

"Tungkol dito sa bahay," sagot ni Derek.

Kumunot ulit ang noo ni Aiden. "Ano'ng ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong niya.

"Simula nang tumira tayo dito ay hindi pa natin napag-uusapan ang mga dapat at hindi dapat gawin dito," ani Derek na seryosong tinitingnan si Aiden. "Kaya naisip kong ito na ang tamang oras para pag-usapan natin iyon," dugtong pa nito.

My Twin Sister's Lover (BL) - FINTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon