Pabagsak na lumapag sa isang malawak na hardin ng isang malaking mansiyon ang aswang na si Trish. Sunog na sunog ang halos buong katawan nito at di alintana ang matinding sakit na nararamdaman makaabot lamang sa mansiyon bago pa man sumikat ang araw. Umuusok ang buong katawan at amoy na amoy ang sunog na katawan na pilit na umuusad papunta sa pintuan ng magarang mansiyon. Kailangan niyang makausap si Claudius bago pa man siya mamatay. Kailangan niyang ipaalam ang tungkol sa Eskrihala at ang babaeng nakasagupa nila ng kapatid niyang si Chelsea.
Hirap na hirap na gumagapang papalapit sa pintuan si Trish. Hindi na rin siya makasigaw dahil hirap na rin siya sa paghinga. Malapit nang sumikat ang araw at kailangan na niyang magpalit ng anyo para maging tao. Ngunit dahil na rin sa matinding pinsalang natamo mula sa Eskrihala, hindi na kinaya pang magpalit ng anyo. Mahigpit ang bawat kapit ni Trish sa mga damuhan para makausad palapit sa pintuan ng mansiyon. Bawat pag-abante ay katumbas ng napakatinding sakit mula sa kanyang mga sugat na natamo. Gusto pa niyang mabuhay, gusto niyang maghiganti, gusto niyang ipaghiganti ang pagkamatay ng kanyang kapatid na si Chelsea. Ipapalasap niya sa babaeng may hawak sa Eskrihala ang bagsik ng kanyang paghihiganti. Sisiguraduhin niyang magagawa niya ito kapag lumakas na siya sa mga naging pinsala ng Eskrihala sa kanya. Pero, kahit sa sarili niya ay alam niyang imposible ng mabubuhay pa sa kalagayan niya ngayon.
Napahagulgol si Trish nang marating ang pintuan ng mansiyon. Sinubukan niyang kabugin ang pinto para makuha ang atensiyon ng mga kasamahan niya sa loob, lalo na sa kanyang mga magulang. Pero, mahihinang pagkabog na lamang sa pintuan ang kanyang nagagawa dahil nakakaramdam na siya ng pagkahapo at pagkaantok. Maging ang paghinga ay napakahirap na para sa kanyang gawin ito. Ayaw niyang abutan ng kamatayan na hindi nakakapagpalit ng anyo. Lalamunin siya ng sikat ng araw na mas matindi pa ang sakit na ginawa ng Eskriala sa kanyang katawan. Pero, pagod na pagod na siya at gusto ng magpahinga. Minabuti niyang sumandal na muna sa pintuan ng mansiyon at pinagmasdan ang kabuuan ng paligid. Kitang-kita niya sa bahaging silangan na nagsisimula ng sumilip ang haring araw. Ayaw niyang mamatay mag-isa. Muli ay humarap siya sa pintuan at sinubukang lakasan pa ang pagkabog sa antigong pinto. Halos lumiliwanag na ang buong paligid at kailangan nang makapasok man lang sa loob para hindi maabutan ng sikat ng araw. Idinikit niya ang katawan sa pinto at ibinuhos pa ang natitirang lakas sa pagkabog niya rito.
"Trish?"
Isang pamilyar na boses ang narinig ni Trish mula sa likuran. Kaagad siyang lumingon at laking tuwa niya nang makita ang kanyang ina na napasigaw ng malakas nang makita ang kalunos-lunos niyang kalagayan.
"Anong nangyari, anak? Bakit ka nagkaganyan?!" Ang umiiyak at pasigaw na tanong ng ina sa kanyang anak na bago pa siya nawalan ng malay.
Hindi maipinta sa mukha ng ina ang pagkaawa sa sinapit ng anak. Hindi niya inaasahan na sa ganitong kundisyon na makikita ang kanyang anak na dalaga.
"Miguel! Tulungan mo ako dito, dali ang anak natin, si Trisha!" Ang sigaw ni Amanda sa asawa.
Hindi siya makapali kung ano ang gagawin sa pinakamamahal niyang anak sa kundisyon nito. Gusto niyang yakapin si Trish pero hindi nito magawa dahil sa pinsala nito sa halos buong katawan. Hindi niya kayang tignan ang anak sa ganung sitwasyon.
Ilang saglit lang ay dumating na ang humahangos na si Miguel, ang kanyang asawa. Halos mapaluhod ito sa damuhan nang maakita ang sunog na katawan ng anak na si Trish. Bumalot sa lalake ang sobrang galit lalo na nang makitang hindi na gumagalaw ang kanyang anak.
"Sino ang may gawa nito sa anak natin, Amanda? Sino?!" Ang halos dumagundong nitong sigaw sa asawa at paluhod na lumapit sa walang malay na anak.
"Miguel hindi ito ang tamang oras para pag-usapan kung sino ang may gawa nito sa kanya. Dali, tulungan mo akong ipasok siya sa loob. Malapit na ang pagsikat ng araw masama para sa kundisyon niya ang tamaan ng sikat ng araw." Ang tugon ni Amanda sa asawang umuusok ang ulo sa sobrang galit.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 WINNER (Highest Rank #10 in Horror and #2 in heroes) (79 in Magic)(HORROR/FANTASY) A mysterious woman with no memories of her past. A woman who fought to seek for her revenge, bakit nga ba siya naghihiganti kung wa...