Chapter 11: CARNAGE

1K 48 4
                                    

Hawak-hawak ni Cornelius ang ulo ni Calisha at ipinuwesto nito ang matutulis na pangil sa leeg ng dalaga. Halos mabaliw na siya sa pananabik na matikman ang dugo ng dalaga, habang kontrolado niya ang isip nito. Akmang sasagpangin na ang leeg ni Calisha nang may kung anong nakakapasong bagay ang bigla na lamang kumalawit sa leeg ng bampira. Nakaramdam ng matinding pagkapaso ang matandang bampira ngunit, hindi na niya nakuha pang makasigaw, nang isang napakalas na puwersa ang humila sa kanya mula sa likuran. Tumilapon si Cornelius sampung metro ang layo mula kay Calisha habang walang malay namang bumagsak sa lupa ang dalaga.

Nagngi-ngitngit sa galit si Cornelius nang tumayo habang hawak-hawak ang nasunog na leeg at nakangisngis na humarap kung sino man ang may gawa nito sa kanya. Nang makita ang babaeng nakatayo sa kanyang harapan ay napaurong ito.


"Sino ka ba talaga?!" ang pasigaw na tanong niya sa babae.

Napalunok si Cornelius nang mapansin ang hawak-hawak na dalawang nagliliyab na latigo ng babae. Hindi siya puwedeng magkamali sa kanyang nakita dahil nasaksihan na niya ang kapangyarihan ng Eskrihala dati.

"Sino ka at saan mo galing ang armas na 'yan?!" Ang napalunok na tanong ni Cornelius sa babaeng may hawak na Eskrihala.

Tanging matamis na ngiti lamang ang sagot ng babae sa kanya. Pinakawalan nito ang isa sa mga Eskrihala at tumama iyon sa kanyang napakakinis at maputlang mukha. Napahawak si Cornelius sa nasugatang mukha at ramdam niya ang napakatinding hapdi na dinulot nito sa kanya. Nagngingitngit sa sobrang galit ang matandang bampira nang makapa ang mahabang sugat na nilikha ng Eskrihala sa kanyang mukha na pinakainingat-ingatan niya.

"Aahh! Magbabayad ka sa ginawa mo sa aking mukha, magbabayad ka!" ang pagbabantang sigaw ni Cornelius sa magkahalong galit at sakit na nararamdaman niya.

Inilabas niya ang mga matatalim na pangil bilang tanda ng pagtanggap nito sa laban. Walang kinatatakutan si Cornelius at hindi kailn man umurong sa mga laban. Hindi pa siya natalo ng kahit na sinong nakalaban niya. Sa edad na mahigit sa dalawang libong taon, marami na siyang nakalaban na tulad niyang makapangyarihang bampira. Hinding-hindi siya magpapatalo sa isang babaeng baguhan pa lamang sa pakikipaglaban kahit nasa kanya pa ang lahat ng makapangyarihang sandata sa buong mundo. Sa unang tingin pa lamang niya sa kalaban ay batid na niya kaagad kung anong klaseng mandirigma ito. Alam niya kung anong klaseng mandirigma ang nasa harapan niya ngayon.

Pinsang buo ni Hudas Iskariote si Cornelius. Isa siya sa nagtanggal sa lubid na pinagbigtihan nito sa puno ng sycamore. Pagkatapos mailibing ang dating disipulo ni Kristo ay sinundan siya ng diyablo at sinapihan siya nito. Nagpagala-gala sa disyerto at doon niya unang natikman ang dugo ng tao. Nang makagat niya ang isang matandang ermitanyo na nagmagandang loob lamang na siya'y tulungan. Mula noon ay hinahanap na nang kanyang panlasa ang dugo ng tao at hindi na siya nilayuan ng diyablo at nanatili na lamang sa kanyang katawan hanggang sa naging bahagi na siya nito.

Pilit na ginagamit ni Cornelius ang enerhiyang kaloob ng pulang buwan sa kanya para maghilom ang sugat sa kanyang mukha, kahit alam niyang imposible itong mangyari. Kaya naisip niyang gamitin na lamang ang bilis at lakas para talunin ang kanyang kalaban kahit pa nasa mga kamay nito ang Eskrihala. Isa lamang babae at mukhang baguhan sa pakikipaglaban ang may hawak sa Eskrihala. Walang kuwenta ang makapangyarihang sandata, kung hindi rin bihasa sa pakikipaglaban ang may hawak nito. Kaya wala ring magagawa ang babae para pigilan siya sa kanyang hapunan.


"Hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa'yo babae! Pagsisisihan mo ang ginawa mo sa mukha ko! Pagsisisihan mo!" ang malakas na sigaw ni Cornelius at muling ipinakita ang matutulis nitong mga pangil.

Sinunggaban niya si Odessa gamit ang mala-kidlat niyang bilis. Hindi iyon inasahan ni Odessa kaya bigla na lamang nakapaimbabaw na sa kanya ang bampira at hawak-hawak na nito ang dalawa niyang kamay.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon