Chapter 35: THE FOREST

799 39 2
                                    

"Kailangan na nating umalis!" Ang matigas na wika ni Odessa kay Randy.

"Huh? Nakapagpaalam ka na ba kay Tandang Ursula?" Ang tugon ni Randy at kaagad na tumayo sa kanyang kinauupuan.

May inihagis na supot si Odessa sa kanya na gawa sa purong balat ng hayop at kaagad naman niyang nasalo at inusisa.

"Mahaba-haba ang ating lalakbayain kaya punuan mo ng tubig ang water bag na yan. Kukuha lang ako ng puwede mong bauning pagkain."

Kaagad na nagtungo sa kusina ng bahay si Odessa at doon ay kinuha ang mga pagkaing puwede niyang dalhin. Malungkot niyang pinagmasdan ang bahay na nagsilbing pangalawa niyang tahanan lalo na ang mga alaalang babaunin niya mula rito.

Wala ng babaylan sa nasasakupan ni Laurea. Wala na rin ang nagsisilbing gabay sa kanila. Para na rin siyang namatayan ng magulang sa katauhan ni Tandang Ursula. Magulang na pumuno sa pananatili niya kay Laurea at nasasabihan ng kanyang mga problema at alalaanin. Pero sino nga ba ang kanyang mga magulang? Marahil malaman man niya kung sino ang mga magulang niya ay iisa lang ang kanyang natitiyak, siguradong patay na rin sila. Yun ay kung mga mortal ang kanyang mga magulang. Pero posibleng buhay pa sila kung isa sila sa mga immortal na nilalang.

Ano nga ba ang pinakahuli niyang naaalala sa kanyang katauhan at buhay niya? Muling pumasok sa kanyang isipan ang mga pangyayari nang gabing ang buong paligid ay nababalutan ng apoy at naglalakad siyang duguan sa madilim at masukal na kalsada. Pasuray-suray at hinang-hinang na ng mga sandaling iyon. Bago siya nawalan ng malay ay isang babae ang nagligtas sa kanya. Iyon ay si Laurea na tinuring na niyang tunay na kapatid.

Madalas ay nakikita niyang bumibisita sa kanila si Tandang Ursula. Malakas pa noon at bata pa ang babaylan. Madalas ay nakikipagkwentuhan siya sa kanya kaya napalapit ang loob niya sa matanda. Marami siyang natututunan at mga katanungang nabibigyan ng kasagutan kapag kasama niya si Tandang Ursula. Ngunit tanging ang nakaraan ni Odessa ang hindi niya nabigyan ng kasagutan at kung bakit kakaibang galit ang mayroon ang dalaga sa mga anak ng buwan.

Paglabas ng kubo ay naroon na si Randy at naghihintay na sa kanya. Dala-dala nito ang water bag na puno na ng inuming tubig. Iniabot sa kanya ni Odessa ang mga pagkaing nakabalot sa puting tela.

"Heto dalhin mo, para hindi ka gugutumin sa biyahe." Ang sabi ni Odessa habang pababa sa hagdan.

Malugod naman tinanggap ni Randy ang mga pagkain, yun nga lang ay medyo mahihirapan siya sa pagbibitbit sa mga ito. Pero okay na rin iyon kaysa magutom at mauhaw siya sa kanilang paglalakbay.

"Saan ba ang punta natin nito Odessa?" Ang usisa niya.

Sinimulan na nilang inihakbang ang kanilang mga paa papalayo sa kubo ni Tandang Ursula. Mataas na ang sikat ng araw pero natatakpan ito ng mga nakayungyong na malalagong dahon ng mga iba't-ibang naglalakihang mga puno.

"Maglalakbay tayo sa kagubatan ng Purag, doon daw makikita ang pinakamalapit na Myrho para mapagkuhanan ng nektar." ang tugon ni Odessa kay Randy.

"Kung malayo ang pupuntahan natin puwede naman tayong gumamit ng mga lagusan na ginamit natin papunta rito di ba?"

"Sa teritoryo ni Apo Mayari hindi natin basta-basta magagamit ang mga lagusan lalo na't hindi natin alam kung saan ito papunta. Iba ang teritoyo ni Apo mayari kaysa sa mga teritoryo ng mga namamahala rito." Ang paliwanag ni Odessa. "Mapanganib ang maglakbay sa mga lagusan Randy. Tanging mga makapangyarihang diwata lamang ang nakakagawa nito. Isang pagkakamali lang ay habang-buhay ka ng maliligaw rito. O puwedeng ring mauuwi sa pagkasawi o kamatayan."

Biglang naalala ni Randy ang karanasan niya sa mga lagusan na kung saan hindi tuluyang nakalabas ang isa niyang paa ng magsara ito. Sinusundan niya noon si Laurea nang mag-alala ang diwata kay Odessa. Muntik pa siyang mapatay ni Sagaway noon. Sa pagkakataong iyon ay namutawi sa kanyang mga labi ang mga ngiti na napansin naman kaagad ni Odessa.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon