Chapter 61: A REALITY TO FACE

638 32 10
                                    

"Lumayo ka! Huwag mong kunin ang anak ko! Maawa ka sa akin, huwag mong kunin ang anak ko, nakikiusap ako!" Ang sigaw ng babaeng may tangay kay Jhayvee habang tumatakbo sa mabuhanging bahagi ng sapa.

Lalong binilisan ni Alex ang paghabol sa babae. Mabilis ang pagkabog ng kanyang puso dahil nag-aalala siya kay Jhayvee. Nakabalot ang mukha ng babae ng bulaklaking tela na yari sa seda kaya hindi maaninag ni Alex ang mukha nito. Halos makailang ulit nang muntikang madapa ang babae. Namamaos na rin sa kakaiyak si Jhayvee na tila alam niya ang nangyayaring panganib sa kanya. Suot ang lumang bestida na kulay abo ay hindi alintana ng babae ang mga matutulis na pinagputulan ng katawan ng talahib, mailayo lamang ang bata. Halos nagkandasugat-sugat na ang payat nitong mga paa sa mga galos at pagkatusok na natamo sa mga pinagputulan ng mga talahib at iba pang mga damo. Pero nang maramdaman na ng babae ang pagod ay tumigil na ito sa pagtakbo sa may buhanginan at ibinaba si Jhayvee pansamantala. Mabilis siyang pumulot ng mga bato sa paligid at buong puwersang ibinabato ang mga ito kay Alex.

"Lumayo ka! Huwag mo kunin ang anak ko! Papatayin muna kita bago mo makuha ang anak ko!" ang sigaw ng babae habang patuloy sa pagbato kay Alex na mabilis namang iniilagan ang mga ito para hindi tamaan.

"Sandali! Hindi mo yan anak! Ibalik mo sa akin si Jhayvee. Hindi kita sasaktan!" ang malakas na sigaw ni Alex habang iniilagan ang mga batong ipinupukol sa kanya ng babae.

Parang pamilyar sa kanya ang boses ng babae. Ang tono ng pananalita nito pero may kakaiba sa kanyang mga kilos. Parang may nagsasabi sa kanyang isip na kilala niya ang babae ngunit hindi lang siya sigurado.

"Miss hindi kita sasaktan. Ibigay mo na sa akin ang bata. Hindi mo anak yan." ang pakiusap ni Alex sa babae.

"Anak ko siya, huwag mo siyang kunin. Huwag mong kunin sa akin ang anak ko, maawa ka!" Ang pakiusap din ng babae sa kanya.

Nang wala ng makita pang batong gagamitin sa pagpukol ang babae ay mabilis niyang niyakap ng mahigpit si Jhayvee. Para itong bata sa kanyang pag-iyak na inaagawan ng laruang manyika. Sinamantala ni Alex ang pagkakataong iyon para makalapit sa babae. Napansin niya na tila wala sa tamang pag-iisip ito.

"Hindi ko kukunin sa'yo si Jhayvee. Basta huwag ka lang tatakbo..." ang mahinahong sabi nito sa babae.

"Huwag kang lalapit! Huwag!" Ang pagmamakaawa ng babae sa kanya.

Sinubukang hawakan ni Alex ang babae para mapaamo niya ito at tuluyan ng makuha si Jhayvee sa kanya. Pero ng akmang hahawakan na niya ang babaeay mabilis na binuhat nito si Jhayvee at akmang tatakbo na naman ito papalayo sa kanya. Nahablot ni Alex ang telang nakabalot sa kanyang mukha.

Biglang nakaramdam ng kaba si Alex pagkakita sa likurang bahagi ng ulo ng babae. Halos makalbo na ang buhok nito sa likurang ulo at kitang-kita niya ang pares na hikaw na nakasuot sa magkabilang tenga ng babae. Kilala niya ang mga hikaw na iyon. Ibinili niya ang mga hikaw na iyon noong unang anibersaryo ng kasal nila ng kanyang asawa. Tinulungan pa niya ang kanyang asawa sa pagsusuot nito sa nabiling hikaw.

Lalong lumakas ang kaba sa dibdib ni Alex. Hindi siya maaaring magkamali dahil ang mga hikaw na iyon ay ipinagawa pa niya sa kanyang kaibigang mag-aalahas na si Alex mismo ang gumawa sa disenyo.

Hind,hindi maaari. Ang sabi niya sa kanyang sarili. Hindi niya alam kung matutuwa siya o maiiyak sa harapan ng babaeng nasa kanyang harapan. Hindi niya namamalayan na kanina pa pala siya umiiyak. Gusto niyang magsalita pero parang may pumipigil sa kanya na banggitin ang pangalan na iyon.

"I...Isabel?" ang halos mamaos na tawag niya sa babae.

Lumingon sa kanya ang babae at kitang kita niya ng malapitan ang mukha nito. Ang mukha ng kanyang asawa na si Isabel. Pero hindi siya kakilala nito.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon