Chapter 32: FAIRY'S BLOOD

717 38 2
                                    

Tanging mga ilaw na nagmumula sa mga sulo ang nagbibigay liwanag sa daan palabas sa basement ng mansiyon ni Claudius. May kagaspangan ang sahig at mamasa-masa ito. Kaunting pagkakamali sa pagtapak ay maari kang madulas at bumagsak sa sahig.

Hindi hadlang kay Demetria ang medyo madilim na daan. Isa siyang anak ng dilim at ilang daang taon na siyang naging bahagi nito. Sa kanyang likuran ay dinig na dinig ang mga naghahabulang mga pares ng paa at alam niyang siya ang pakay nila. Hindi pa tuluyang nanunumbalik ang kanyang lakas kaya hindi pa niya kayang makapagpalit ng anyo. Sa gawing kaliwa ay nakita niya ang isang pasilyo. Kahit hindi sigurado ay lumiko siya roon at inakyat ang hagdanang maaaring papanhik sa unang palapag ng mansiyon.

"Lagot tayo kay panginoong Claudius kapag hindi natin siya nahuli...kaya bilisan niyo!" Ang sigaw ng isa sa mga lalakeng humahabol kay Demetria.

"Nasan na siya?"

"Baka lumiko sa pasilyo paakyat sa hardin!"

Sa mga naririnig niya mula sa mga humahabol sa kanya ay tila nagkaroon siya ng pag-asa. Tama ang daang kanyang nilikuhan. Kaya hindi niya ininda ang kanyang nararamdamang pagod. Importante ay makatakas siya sa loob ng mansiyon.

"Lagot tayo kapag nakalabas si Demetria sa mansiyon. Papatayin tayo ni panginoong Claudius!" Ang nag-aalalang wika ng isa pang lalake sa kanyang kasama.

Nagkaroon ng pangamba si Demetria dahil pakiramdam niya ay malapit na ang mga tumutugis sa kanya. Malinaw na niyang naririnig ang mga boses ng mga lalakeng inutusan ni Claudius para hulihin siya upang hindi makatakas sa mansiyon.

"Tiwala ka lang Rigor, hindi makakalabas si Demetria dahil naka-lock ang pintuang papunta sa hardin. At mag-uumaga na hindi makakapagpalit ng anyo ang isang Sangre kapag nakasikat na ang araw. Kaya mananatili lamang siya bilang anyong-tao." ang tugon ng isa pang lalakeng Mangkukutud sa kasama habang papaakyat na rin sa matarik na hagdan.

Pagkapanhik ni Demetria sa unang palapag ng mansiyon ay kaagad niyang hinanap ang labasan. Napakaluwang pa rin ng lugar at napakaliwanag dahil sa mga napakaraming ilaw sa kisame ng mansiyon. Ang sahig na gawa sa marmol ay lalong nagpatingkad sa kagandahan ng lugar idagdag pa rito ang mga malalaking bintanang may iba't-ibang disenyo na napapalamutian ng makukulay na salamin. Pero hindi iyon ang tamang oras para mamangha sa kagandahan ng lugar. Kailangan niyang hanapin ang pinto palabas sa mansiyon.

Sa pinakadulong bahagi ng pasilyo ay nakita ni Demetria ang isang pinto na mabilis niyang tinungo. Pagdating noon ay kaagad niyang piniit ang saraduhan pero hindi ito bumukas. Ilang ulit niyang sinubukan pero nakakandado ang pinto sa labas. Halos maiyak na si Demetria at tila nawalan na ng pag-asa para makatakas pa ng buhay sa Mansyon. Buong lakas niyang niyugyog ang bakal na pintuan ngunit hindi man lang ito natinag.

"Hayun siya!" Ang malakas na sigaw ng mga humahabol kay Demetria.

Napalingon si Demetria nang marinig ang malakas na boses ng lalake may dalawampung metro mula sa kanyang likuran . Mabilis na pinagmasdan ng babaeng Sangre ang kabuuan ng paligid at pinakiramdaman ang kanyang sarili. Ito na ba ang kanyang magiging katapusan?

"Sumuko ka na Demetria kung gusto mo pang mabuhay!" ang malakas na sabi ng pinakamatangkad sa grupo.

Alam niyang papatayin din siya ni Claudius kaya lalaban siya kung kinakailangan. Pero anong laban niya sa apat na malalakas na lalakeng mangcucutud? Pero mabuti na ang mamatay ng lumalaban kaysa mamamatay nang hindi lumalaban.

"Rigor pakiusap, hayaan niyo na akong makaalis. Huwag niyong hayaang gamitin kayo ng kabaliwan ni Claudius!" Ang pakiusap niya. "Namuhay na tayo ng payapa sa mahabang panahon, bakit hindi pa natin ipagpatuloy iyon?" dugtong pa ni Demetria habang papalapit ang mga tumutugis sa kanya.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon