Chapter 45: ODESSA'S MEMORY (Part 2)

663 33 1
                                    

"Ang ibig mong sabihin nagkakagulo ngayon sa mundo naming mga tao?" ang nangangambang tanong ni Randy kay Demetria.

"Dahil sa kagustuhang maghari sa mundo ay hinikayat ni Claudius ang iba't-ibang angkan ng mga anak ng buwan sa buong mundo na lusubin at salakayin ang mga malalaking lungsod at pamayanan para mabawi at pagharian muli ang sanlibutan." Ang tugon ni Demetria. Tumayo siya at ipinagpag ang balat ng kinatay na usa.

"Nag-aalala ako sa pamilya ko sa Tarlac." Huminga ng malalim si Randy. "Kailan pa nagsimula ang kaguluhan sa aking mundo?" ang muling tanong ng binata na nagkaroon ng interest sa mga sinasabi ni Demetria dahil sa pag-aalala sa kanyang pamilya.

"Totoo ba ang sinasabi mong iyan Demetria? Bakit wala akong nababalitaan tungkol sa ikwinekwento mong si Behemot at Claudius?" Ang dudang tanong ni Odessa na napatigil sa pagtitistis sa karne ng usa.

"Totoo ang aking sinasabi Odessa. Yan ang dahilan kung bakit nadatnan ninyo akong nakikibaka sa tatlong Sarangay. Gusto akong patayin ni Claudius dahil sa pagsuway ko sa mga kalahi kong mga Sangre na humuli at pumatay ng mga tao. Lahat ng sumusuway sa mga kagustuhan niya ay kalaban ng pangkalahatang samahan ng mga anak ng buwan sa Pilipinas." Tumingin siya kay Randy. "At ang sagot sa iyong katanungan mahal na Banaual, ang isang araw dito sa mundo ng mga elemental at engkanto ay katumbas na ng isang linggo sa mundo ninyo."

"Huh?" Napanganga si Randy. "I-ibig mong sabihin kung apat na araw na akong namamalagi dito sa mundo ninyo, ang katumbas nito ay maaaring isang buwan or mahigit na akong nawawala sa aking mundo?" Ang di makapaniwalang tanong ni Randy kay Demetria.

Tumango lamang si Demetria sa tanong niya.

Halos manlambot si Randy sa nalaman niya mula kay Demetria tungkol sa kasalukuyang nangyayari sa kanyang mundo at kung gaano na katagal na ng siyang namamalagi sa mundo ng mga elemental. Hindi na niya alam kung ano na ang nangyari sa kanyang pamilya kung pagbabasehan ang kuwento ni Demetria tungkol sa paglusob ng mga anak ng buwan. Siya mismo ay naranasan niya kung gaano kabangis ang mga aswang, kung paano sila walang laban sa mga ito. Halos mapaiyak na si Randy sa pag-aalala sa kanyang mga magulang at kapatid lalo na ang kanyang mga pamangkin.

Lumapit si Odessa kay Randy at hinawakan niya ang kanyang balikat. Marahil ay nakikisimpatya ito sa nararamdaman ng kaibigan.

"Pa-pasensiya na hindi ko alam na nangyayari na pala ang kaguluhan sa mundo mo." ang malungkot na sabi ni Odessa kay Randy na nangingilid ang mga luha sa kanyang mga mata.

Hindi umimik si Randy. Napaupo na lamang ito at inilagay ang kanyang ulo sa kanyang mga kamay. Alam ni Odessa na mas kailangan ngayon ni Randy ng karamay pero kailangan niya muna itong hayaang mag-isa.

"Nandito lang ako Randy kung kailangan mo ng kausap." ang mahinang sabi nito sa lalake.

Bumalik si Odessa sa pagtitistis sa laman ng usa na kasama pa rin si Demetria. Tumingin siya sa babaeng Sangre.

"Ano ang alam mo sa nakaraan ko?" Ang matigas na tanong niya kay Demetria.

Tumingin sa kanya si Demetria at sinubukang ngumiti.

"Kung alam mo lang matagal na kitang gustong makausap, kaso hindi ko alam kung paano."

"Anong ibig mong sabihin?" Ang naguguluhang tanong ni Odessa kay Demetria.

"Mapapatawad mo kaya ako pagkatapos mong malaman ang lahat-lahat sa 'yong nakaraan?" Ang seryosong tanong ni Demetria. "Marahil kung nasa parehong sitwasyon tayo ay siguradong 'yon din ang gagawin mo."

"Hindi ko masasabi Demetria dahil kailan man ay hindi nagkapareho ang sitwasyon natin. Mayroon tayong mga sariling desisyon sa lahat ng sitwasyon. At ang desisyon na 'yon ang siguradong huhusga sa ating pagkatao." Ang tugon ni Odessa.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon