Chapter 28: OUT OF FORTRESS

761 38 2
                                    

Ilang oras na rin ang ginagawang pakikipaglaban nina Odessa at Sagaway sa mga lamang-lupa na lumulusob sa paligid ng bahay ni Laurea. Hindi pa rin maubos-ubos ang lalo pang dumaraming mga nilalang ng dilim. Gamit ang elemento ng hangin at apoy, abala si Laurea sa pakikidigma sa mga kalaban. Si Odessa naman ay ang kanyang pagkabihasa sa paggamit ng Eskrihala para mapatay ang mga lamang-lupa. Pagod na si Sagaway sa pakikipaglaban. Halos nagkandasugat-sugat na rin ang kanyang katawan sa mga kalmot ng mga lamang-lupa. Paubos na rin ang kanyang lakas pero hindi niya puwedeng pabayaan ang magkapatid.

Mabibilis at maliliksi ang mga lamang-lupa. Matatalim ang mga kuko at matutulis ang mga pangil. Hindi kailan man umurong sa kahit na ano'ng labanan ang mga ito kaya kamatayan lang nila ang puwedeng magpahinto sa kanila sa kanilang paglusob. Alam iyon nina Laurea at Sagaway. Samantalang si Odessa ay unang pagkakataon pa lang niyang makasagupa ang mga lamang- lupa. Malapit na ring manghina si Odessa dahil sa sobrang pagod ng mahaba at walang tigil na pakikipaglaban. Halos hindi na rin mabilang ang kanyang napapatay na mga Lamang-lupa. Nararamdaman na niya ang pagbigay ng kanyang lakas. Hindi na rin niya alam kung kakayanin pa niyang labanan ang mga hindi nauubos na mga kalaban.

Isang lamang-lupa ang biglang lumundag kay Odessa na kasalukuyang nakikipaglaban sa dalawang anak ng dilim. Naramdaman ng dalaga ang pagbaon ng mga kuko ng lamang-lupa sa kanyang balat sa balikat at akmang sasakmalin siya nito sa leeg. Isang napakalakas na hampas mula sa sanga ng kahoy ang hindi inaasahan ng lamang-lupa bago pa niya nasakmal ang leeg ni Odessa. Nakita niya ang pagtilapon ng anak ng dilim sa mga kasalukuyan pa ring lumalaban na mga Punkanto.

"Salamat Sagaway!" Ang malakas na sigaw nito sa napakalaking Kapre.

Tumingin lamang si Sagaway kay Odessa at tumango, saka ipinagpatuloy na ang pakikipaglaban. Tanging mga sigawan at paglagutok ng mga Punkanto at Eskrihala ang maririnig sa paligid. Mga eksena na tila napapanood lamang sa mga pelikula sa telebisyon. Napatingin si Odessa sa kapatid niyang si Laurea. Walang patid ang pag-gamit nito sa kanyang kapangyarihan kaya malapit na ring bumigaymuli ang kanyang katawan. Nakaramdam ng pag-aalala si Odessa sa kanyang kapatid. Kaya minabuti niyang alalayan ito sa kanyang pakikipaglaban.

"Ate, kami na ang bahala ni Sagaway dito magpahinga ka na muna, alam kong nanghihina ka pa sa labis na paggamit ng iyong kapangyarihan!" ang sigaw nito sa kay Laurea.

"Kaya ko pa Odessa! Huwag mo kong alalaanin!" ang malakas na tugon ni Laurea habang ibinabato ang bola ng apoy sa isang lamang-lupang mabilis na umaatake sa kanya.

"Pero ate..." Ang pagtutol sana ni Odessa sa kanyang kapatid ngunit hindi na siya narinig nito dahil na rin sa pagsabog ng mga bola ng apoy na pinakakawalan ni Laurea.

Lalong nag-alala si Odessa sa kapatid dahil batid niyang hindi nakakabuti sa kalagayan ni Laurea ang sobrang paggamit sa kapangyarihan nito. Kaya mas lalong binilisan ang ang kanyang mga kilos para mapuksa ang mga lumulusob na mga anak ng dilim.

Sa kabilang banda ay tuluyan ng naitumbang mga lamang-lupa ang natitirang Punkanto. Madali na ring nakapasok ang napakarami pang mga lamang-lupa papunta sa bakuran ni Laurea. Lalong nabahala si Odessa sa sinapit ng mga Punkanto na nakakapigil pa sana sa mga napakaraming lumulusob na mga lamang-lupa. Napatingin na rin si Sagaway kay Odessa. Alam ni Odessa na nababahala na rin si Sagaway sa pagkawala na ng mga Punkanto. Alam niya na hindi na nila kakayanin ang ganoon karaming mga lamang-lupa. Kailangan na nilang lisanin ang lugar para na rin sa kanilang kaligtasan.

Gamit ang malakas na puwersa ng kanyang katawan ay pumailanlang sa himpapawid si Odessa at hinihampas ang latigong Eskrihala sa mga kalaban. Lahat ng madampian ng kanyang sandata ay bigla na lamang nagliliyab at sumasambulat na abo sa kanilang kinatatayuan. Bago pa siya lumapag sa lupa ay isang mapuwersang hampas sa Eskrihala ang kanyang ginawa at anim na ulo ng mga lamang-lupa ang sabay-sabay na nalaglag sa damuhan.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon