Nasa dulo na ng eskinita sina Odessa at Laurea habang bitbit nila si Calisha na tulala pa rin. Sa dulo ng eskinita ay naghihintay ang mahigit limampung mga anak ng buwan na abala sa paglapa sa dalawang biktima. Kalunos-lunos ang sinapit ng mga ito sa kamay nila. Namantsahan ng dugo ang kahabaan ng kalsada at ang tanging maririnig ay ang bangayan ng iilang mga wakwak sa pag-aagawan sa katawan ng dalawang biktima. Karamihan naman ay nagkasya na lamang maghintay sa mga tira-tirang lamang-loob sa mga biktima, dahil wala silang sapat na lakas para makipag-agawan sa mga higit na malalakas at matatapang na mga wakwak.
Natigilan ang iilan sa kanilang pagkain nang makita ang tatlong babae sa bunganga ng eskinita. Napakabango ng isa sa sa mga tatlong babae habang ang dalawa ay may kakaibang amoy na noon lamang nila naamoy. Pumalatak ang isa sa kanila gamit ang mahaba at maitim na sangang dila, hudyat para kunin ang atensiyon ng lahat para pag-ukulan nang pansin ang tatlong babae. Batid nila na ang isa sa mga babae ordinaryong nilalang, ang ikalawa ay isang elemental at ang pangatlo ay kakaiba. Kakaiba kahit na kauri nila ito pero may naiibang dugong nananalantay sa kanya na hindi nila mawari kung ano.
Lahat ay nagulat sa kanilang nakita. Ang Eskrihala ay hawak-hawak nang pinakamatangkad sa tatlong babae at ang isa naman ay ay kinokontrol ang hangin. Samantalang ang pangatlo ay isang ordinaryong tao na tila wala sa kanyang sarili. Tatatlo lamang sila kaya nasisiguro nilang magiging pagkain nila ang mga ito ngayong gabi.
"Huwag ninyong pakikialaman ang babaeng may hawak ng Eskrihala! Sa akin lamang siya!" ang malakas na sabi ng lalaking wakwak sa mga kasama. Maaaring siya ang pina-kaleader ng grupo.
Pero marami sa kanila ang walang pakialam sa sinabi sa kanila ng lalaking wakwak kaya unti-unting humarap lahat sa kinaroroonan nina Odessa.
Iwinasiwas ni Odessa ang Eskrihala at lumikha ito ng napakalakas na tunog na tulad ng malakas na kulog. Ramdam na ramdam ng mga anak ng buwan ang tila kuryenteng biglang gumapang sa kanilang mga katawan at marami sa kanila ang natakot. Gumuhit sa mukha nila ang pagdadalawang isip kung itutuloy ba nila ang pagsugod sa tatlong babae lalo na ang may hawak ng Eskrihala.
Nararamdaman naman ni Odessa ang naumuong takot sa mga wakwak dahil sa dala niyang Eskrihala. Bawat takot sa dibdib ng mga kalaban ay tila musika sa kanyang pandinig. Ang kanilang takot ang nagbibigay lakas sa kanya kaya inihanda na ang kanyang sarili para sa pakikibaka sa mga anak ng buwan.
"Napakarami nila. Nakahanda ka na ba kapatid ko?" ang saad ni Laurea kay Odessa na sa mga oras na iyon ay nagdadalawang isip rin sa kanilang gagawin.Pero alam niyang sa pagkakataong ito ay wala ng magagawa ang pag-urong para makaiwas sa mga kalaban. Kaya inipon niya ang lakas para gamitin ang kapangyarihang kontrolin ang hangin dahil walang mga puno at halaman na puwede niyang gamitin.
"Lagi akong nakahanda sa pakikipaglaban ate, alam mo naman kung bakit ko ito ginagawa." ang tugon naman ni Odessa na tila sabik na sabik sa pakikipaglaban.Tumango lamang si Laurea at inihanda na ang sarili.
"Protektahan mo si Calisha, ako na ang bahala sa kanila, ate." ang malakas na sabi ni Odessa sa kapatid.Hindi naman tumutol si Laurea sa iminungkahi ni Odessa dahil na rin sa kapangyarihan ng hawak nitong sandata. Mahina ang kanyang kapangyarihan sa mga sandaling iyon dahil sa pulang buwan. Napatitig siya sa napakapulang bilog na buwan na tila nadismaya sa nakita. Kitang-kita niya ang enerhiyang pinakakawalan ng pulang buwan para sa mga kampon ng kadiliman. Wala na talaga silang pagpipilihan ni Odessa kundi ang lumaban sa mga wakwak na nakapaligid na sa kanila. Agad-agad ay tinuon na ang pansin ni Laurea sa mga kalaban at para protektahan si Calisha.
"Traydor!" ang malakas na sigaw ng lalaking wakwak kay Odessa at ipinako ang pulang-pulang mga mata sa kanya.
Napatingin si Odessa sa lalaking wakwak at hinati sa dalawa ang dalang eskrihala. Tumingin din ito nang diretso sa mga mata ng wakwak na lalong nagpangitngit sa galit nito sa kanya. Iniupo muna ni Laurea sa isang sulok ang tulala pa ring si Calisha at pumuwesto ito sa harapan para protektahan ang dalaga. Samantalang si Odessa ay buong tapang na ipinuwesto ang sarili sa pakikibaka sa grupo ng mga aswang na nagsimula ring lumapit sa kanya at saka pinalibutan siya ng mga ito.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 WINNER (Highest Rank #10 in Horror and #2 in heroes) (79 in Magic)(HORROR/FANTASY) A mysterious woman with no memories of her past. A woman who fought to seek for her revenge, bakit nga ba siya naghihiganti kung wa...