Papalubog na ang araw nang maisipan nina Odessa, Demetria at Randy ang magpahinga na muna. Wala pa ringsuot na kasuotan si Randy maliban na lamang sa inilalang tuyong dahon ng pandan na pinaghirapang gawin ni Demetria para pantakip sa kahubaran ng lalake. Malamig ang kagubatan sa mga sandaling iyon kaya kaagad na nagsiga ng kahoy si Odessa para kay Randy na nangangatog na ang baba. Umalis muna si Demetria para ipangkuha ng makakain si Randy. Natuwa naman si Odessa na katulad niya si Demetria na hindi pumapatay ng tao para uminom ng sariwang dugo. Pero paanong nangyari na hindi umiinom ng sariwang dugo si Demetria gayong isa siyang Sangre? Ang katanungang nasa isipan ni Odessa ng mga oras na iyon. Ito ang kailangang niyang alamin pagbalik ni Demetria galling sa pangangaso.
"Okay ka lang ba riyan, Randy?" tanong ni Odessa na ngingiti-ngiti habang makahulugan ang mga titig nito sa lalake.
Umiling-iling si Randy, kitang-kita ang hindi niya pagiging kumportable sa suot niyang parang palda ng babae na yari sa mga dahoon ng pandang lalaki. Kanina pa siya kating-kati sa kanyang suot at namumula na rin ang kanyang balat mula sa tuhod hanggang bewang. Hindi pa rin makapaniwala si Odessa at Randy sa nangyari kanina sa kanilang pakikipaglaban sa mga Sarangay. Lalo na sa paggamit ni Randy sa kalahati ng Eskrihala na hindi man lang nasunog bagkus ay sumanib pa sa katawan niya ang kapangyarihan ng Eskrihala. Nakatingin pa rin si Odessa kay Randy. Mga katanungan pa rin ang gumugulo sa kanya lalo na ang pagkatao talaga ng binata. Maaaring hindi nagsasabi ng totoo si Randy sa kanyang pagkatao o kaya naman ay katulad din niyang inalisan ng alaala. Pero bakit at sino ang gumawa nito sa kanya kung pareho sila ng naging kapalaran? Sino nga ba talaga si Demetria at bakit siya gustong patayin ng mga Sarangay? At ang pinagtataka ni Odessa ay ang pagluhod nito kay Randy at ang pagtawag niya rito ng Banaual. Sino ba ang tinatawag niyang Banaual?
Maraming dapat ipaliwanag si Demetria sa kanila lalo na't sa unang kita pa lang niya sa kanya ay parang nakita na niya ito dati. Hindi lang maalala ni Odessa kung kailan, saan at bakit.
"Giniginaw ka ba?" tanong ni Odessa kay Randy na nakaupo sa katawan ng nakatumbang katawan ng puno na nakaharap sa apoy.
"Hindi, okay lang ako nandito naman ang apoy para maibsan ang lamig ngayong gabi." Ang mabilis na tugon ni Randy.
Tumango lamang si Odessa at tumayo sa malaking bato na kanyang kinauupuan. Marahang pinagmasdan ang buong paligid at sinigurong ligtas sila sa lugar na iyon.
Kakaiba ang kagubatan ng Purag pagsapit ng gabi. Tila mayroon itong kakaibang ganda na sa gabi lamang makikita. Ito ang tinatawag nilang Ipinagbabawal na kagubatan dahil na rin sa mga napakaraming kinatatakutang mga nilalang na naninirahan dito. Mga nilalang na nilikha ni Apo Mayari para mapangalagaan ang kagubatan sa iba't-ibang nilalang na puwedeng sumira rito. Naglalakihan ang mga puno na tila humihinga ang mga ugat sa kinatitirikan nitong lupa. Ang mga bato na parang may mga ilaw dahil sa mga lumot na nakakagawa ng kakaibang ilaw kapag dinadampihan ng hangin ang maliliit na dahon ng mga ito. Ang mga iba't-ibang mga bulaklak na nagkakaroon lamang ng magaganda at sari-saring kulay na sa gabi lamang nangyayari. Karamihan sa mga ibong nagsisiliparan sa mga puno ay may pagka-engkanto ang ganda ng kanilang mga balahibo at pakpak. Dito pinaniniwalaang namumugad din ang mala-alamat na ibong Sarimanok.
Nagliparan ang mga lambana sa paligid na tila masayang nakikipaglaro sa isa't-isa. Dala-dala ang kanilang mumunting ilaw sa kanilang pag-akyat sa mga matataas na puno at isa sa mga punong iyon ay ang puno na kung saan nagpapahinga sina Randy at Odessa. Napanganga si Randy sa sobrang ganda ng mga ilaw na dala-dala ng mga lambanang umaali-aligid sa kanila. Napatayo siya at walang sawa niya itong tinitigan.
"Ang ganda, ngayon pa lang ako nakakita ng ganitong karaming mga alitaptap sa buong buhay ko." ang wika niya habang minamasdan ang mga lambanang umaali-aligid sa kanila.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 WINNER (Highest Rank #10 in Horror and #2 in heroes) (79 in Magic)(HORROR/FANTASY) A mysterious woman with no memories of her past. A woman who fought to seek for her revenge, bakit nga ba siya naghihiganti kung wa...