Chapter 51: THE BATTLE

695 26 10
                                    

Pagka-akyat ni Odessa sa bunganga ng bulkang Pinatubo ay kitang-kita niya ang pagkahulog ni Demetria sa dagat. Hindi niya inaasahan na ganoon kalakas ang Minokawa at iyon ang unang pagkakataong nakaharap nito ang dambuhalang ibon. Pilit niyang inalala ang mga naririnig niyang kuwento mula kay tandang Ursula tungkol sa Minokawa. Katulad ng Bakunawa ito ay naaakit din sa mga maliliwanag at kumikinang na bagay. Pero paanong dito sa lawa ng Pinatubo tumira ang Minokawa? Ang kwento ni tandang Ursula ay halos kasing-laki ito ng isang isla. Pero ang nakaharap nila ay tila maliit kung ikukumpara sa alamat na ikwinento sa kanya. Naalala pa niya kung paano ilarawan sa kanya ni tandang Ursula ang tungkol sa Minokawa. Tila narrinig pa rin niya ang boses ng matandang babaylan:

Ang sabi ng aming mga ninunong nagmula sa mga Bagobo, ang Minokawa ay nakatira sa isang kuweba na tinatawag nilang Caluludan sa may kalawakan. Isa itong higanteng ibon na mas malaki pa sa mga isla ng Negros at Bohol. Mayroon itong tuka at mga paa na yari sa bakal at ang bawat balahibo nito ay tila mga matatalim na espada.

Makailang ulit na nitong nilamon ang buwan ngunit kapag nilulunok nito ang buwan ay nag-iingay ang mga tao sa lupa at nailuluwa ng Minokawa ang buwan. Ayaw na ayaw ng Minokawa ang ingay dahil nawawala ito sa konsentrasyon sa pagkain sa buwan. Madalas ay hinahabol niya ang buwan at may mga pagkakataong nakakagat niya ang buwan dahilan para magkaroon ito ng mga marka ng tukha ng Minokawa.

Pero hindi lamang ang buwan ang pilit na hinahabol ng Minokawa para kainin. Maging ang araw ay hindi rin niya pinaliligtas. May pagkakataon na nilulunok niya ang araw sa kalawakan pero nailuluwa din niya ito kapag nagsilabasan na ang mga tao dala-dala ang kanilang mga bao ng niyog, kahoy na pamalo at mga tambuli at sabay-sabay na pinatutunog ang mga ito. Tulad ng inaasahan iniluluwa niya ang araw sa kanyang tiyan.

Sa sobrang galit ay isinumpa ng Minokawa na kapag nakuha niyang kainin ang araw at buwan ay susunod niyang kakainin ang mga tao. At para maisagawa niya iyon ay kailangang magtago siya sa ilalim ng tubig para hindi mapapansin ng mga tao ang kanyang pagdating. Kapag tumapat ang araw at ang buwan sa kanyang kinalalagyan ay saka niya ito huhulihin at tatangayin sa kanyang tahanan sa Caluludan. Iyon ang dahilan kung bakit nasa lawa ng Pinatubo ang Minokawa, nag-aabang na tumapat ang buwan at araw sa bunganga ng bulkang Pinatubo.

Pero bakit hindi tugma ang laki nito sa kuwento? Paano niya mailulunok ang buwan at araw kung ganito lamang siya kalaki? Marahil nagpalipat-lipat na lamang ang kuwento mula sa kanunu-nunuhan ni Tandang Ursula kaya ito ay nadagdagan na at naging bahagi na lamang ng mga alamat at kuwentong bayan lalong nagpapayaman sa kultura ng isang pamayanan.

Patuloy sa pagmamasid si Odessa sa likod ng napakalaking buhay na bato na kinukubli ng mga mayayabong na talahib sa bunganga ng bulkan. Maingat ang bawat galaw ng babaeng Sangre habang ikinukubli ang sarili sa mga halaman. Nakahanda ang kanyang kamay sa Eskrihala sa kanyang likuran. Kailangan niyang mailigtas niya ang pinakamamahal niyang si Randy. Alam niyang buhay pa ang kanyang kasintahan.

Inilublob ng Minokawa ang kanyang ulo sa ilalim ng tubig para hanapin si Demetria sa kanyang kinabagsakan. Gustong-gusto niyang tikman ang isang Sangre kung masasarapan ba siya sa lasa nito bilang pagkain.

Sa ilalim ng tubig ay pilit na pinipigilan ni Demetria ang kanyang paghinga habang nakakapit sa isang malaking bato. Kung tutuusin ay hindi niya kailangan ang hangin para mabuhay, pero ang kanyang paghinga ay magdudulot ng mga paggalaw sa tubig na kaagad mapapansin at maririnig ng Minokawa.

Mula sa bunganga ng bulkan ay buong puwersa sa pagtalon si Odessa at hinugot ang Eskrihala sa kanyang likuran. Nagpalipat-lipat siya sa mga sanga ng mga punong nakapalibot sa lawa na tila sing-gaan ng tuyong dahoon na inililipad-lipad ng hangin sa himpapawid. Kitang-kita ni Odessa na hindi siya mapapansin ng Minokawa dahil iniiwasan niya ang gumawa ng kahit na ano mang ingay.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon