EPILOGUE

926 34 16
                                    

Mula sa lagusan ay sinalubong si Anilaokan ng kanyang mga masugid na tagasunod. Nagbubunyi ang napakaraming mga engkanto sa pagbabalik ng kanilang pinakamamahal na pinuno. Sa kanyang likuran ay muling nabuo ang katawan ni Laurea at nagpalutang-lutang pa rin sa hangin na tila nasa ilalim ng tubig.

"Gusto kong ihanda ang aking Reyna sa nalalapit niyang paggising! Bihisan at bigyan ng mga palamuti sa katawan at maghanda sa malaking piging mamayang gabi!" ang malakas na wika ni Anilaokan.

Mula sa pintuan ng bulwagan ng palasyo ay sinalubong siya ng isang pamilyar na mukha ng isang babae. Nagliliwanag ang buong katawan nito at nakakahalinang kagandahan. Mahinhin ang kanyang bawat kilos at nangungusap ang kanyang mga mata. Mga matatamis na ngiti ang sinalubong nito kay Anilaokan.

"Maligayang pagbabalik Anilaokan" ang masayang bati nito sa kanya.

Lumuhod si Anilaokan sa harapan ng babae at iniyuko nito ang kanyang ulo upang magbigay pugay.

"Maraming salamat diyosang Bulan" ang tugon niya sa Diyosa.

"Umayon ang mga plano sa aking nais na mangyari. Muli kang binuhay ng matandang bruha kaya narito ka ngayon. At ang malaking tagumpay ay nasa atin na ang kalahating bahagi ng Eskrihala. Kawawang Claudius at kailangan natin siyang isakripisyo maisakatuparan lamang ang ating mga plano!" saad ni diyosang Bulan.

"Maraming salamat mahal na diyosang Bulan at ipinapangako ko na hinding-hindi kita bibiguin." Ang malakas na tugon ni Anilaokan habang nakaluhod at nakayuko pa rin sa harapan ng anak na babae ni Bathala at Aurora.

Isang kawal na engkanto ang tumatakbong dumating sa bulwagan at may ibinulong sa isa sa mga mataas na opisyal na engkantong nasa loob ng bulwagan. Mabilis na lumapit ang opisyal at lumuhod sa harapan ng Diyosa at yumuko.

"Mahal na panginoong diyosa! Malugod na ibinabalita ng kapatid ninyong si Tala na, nasukol na po nila ang inyong amang si Bathala!" ang wika ng humihingal pang opisyal.

Gumuhit ang napakatamis na ngiti sa makinis na mukha ng diyosa. Unti-unti ng nabubuo ang kanyang pangarap. Ang maupo sa trono ni Bathala upang pamunuan ang lahat ng nilalang sa Sanlibutan.

"Ipagbunyi ang ating tagumpay!" ang malakas na sigaw niya sa kabuuan ng bulwagan.

Lahat ng mga naroroon ay sabay-sabay na nagsiluhod upang bigyang parangal ang diyosa ng buwan para sa nakamit na tagumpay sa mundo ng mga tao sa Sansinukop.

---+++END OF BOOK ONE+++---

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon