Chapter 31: DEMETRIA

758 37 3
                                    

Nakapiit si Demetria sampu ng kanyang kasamahan sa pinakabasement ng mansyon ni Claudius. Hindi niya lubos maisip na magagawang pagbintangan sila ng kanilang pinuno sa kasalanang hindi naman nila ginawa at ipinapiit pa silang lahat sa selda sa loob ng basement. Nababalutan ng mga orasyon at dasal ang kulungan na pumipigil sa pagpapapalit ng anyo ng mga bampirang Sangreng kinabibillangan ni Demetria. Pinipigilan din ng orasyon ang paggamit ng kanilang mga kakayahan o kapangyarihan. Marahil ay dinasalan iyon ng mga Buruka o Bruha na na may kakayahang pigilan ang kapangyarihan ng isang nilalang.

Makulimlim sa loob ng selda. Tanging mga ilaw na nagmumula lamang sa mga sulo na gawa sa mga kawayan ang nagbibigay ng mapanglaw na liwanag sa loob. Maalinsangan ang paligid at walang sariwang hangin ang nakakapasok sa loob. Tanging amoy ng dumi at ihi ng mga daga at mga mamasa-masang lumot na nakadikit sa mga pader ang maaamoy sa loob ng selda.

Marumi ang buong paligid at naglipana ang mga daga na halos sing-laki na ng mga pusa. Lahat ng mga bampirang Sangre na nakakulong sa selda ay tensiyonado. Lahat ay may agam-agam at takot sa kanilang mga puso. Isa sa kanilang pinangangambahan ay ang puwedeng gawin sa kanila ni Claudius. Alam nila kung gaano kabagsik ang kanilang pinuno.

Nakasilip si Demetria sa pagitan ng mga bakal na rehas, nag-iisip kung ano ang kahihinatnan ng pagkakakulong nila. Pero hindi siya puwedeng maging kampante dahil mahigpit niyang kalaban si Claudius para maging pinuno at tagapamahala ng mga anak ng buwan sa Pilipinas. Alam niyang masyadong tuso ang kapwa Sangre niya kaya dapat niya itong paghandaan. Magkaiba ang prinsipyo nila ni Claudius. Katahimikan at kapayapaan ang kanyang hinahangad para na rin sa kabutihan ng kanilang lahi at ng mga mortal. Ilang digmaan na rin ang kanyang nasaksihan at ilang daang libong katulad niya ang nagbuwis na ng buhay at ayaw na niya itong madagdagan pa.

Sinulot lamang ni Claudius sa kanya ang pamamahala sa Pilipinas. Siniraan siya at inakusahang mahina ang pamumuno niya sa mga sangre kaya binawi sa kanya ni diyosang Bulan ang pamamahala sa Pilipinas noon pa mang bago mawala sa mga kastila ang teritoryo ng bansa. Halos isang daang taon din niyang pinamahalaan ang mga anak ng buwan sa Pilipinas na kung saan naging payapa ang mga anak ng buwan at mga tao. Pero nang palitan siya ni Claudius ay naging aktibo na naman ang mga anak ng buwan para bumiktima ng mga mortal. Kung makakatakas lamang siya ay gagawa siya ng paraan para mapigilan si Claudius sa gusto niyang paghahari sa mundo ng mga tao.

"Mahal na pinunong Demetria, ano po ang plano ninyo ngayon?" malumanay na tanong ng isang matandang lalakeng Sangre na si Janus Magnius, ang kanyang kanang kamay.

Tumingin si Demetria sa nag-aalalang si Janus. "Hindi ko alam Janus. Pero kailangan nating makatakas dito sa lalong madaling panahon. Baliw na si Claudius, nabaliw na siya sa tinatamasa niyang kapangyarihan."

"Nababahala kami pinunong Demetria at nag-aalala na sa kasasapitan natin kay Claudius. Alam naming hindi totoo ang ibinibintang sa'yo ng panginoong Claudius. At kailan man ay hindi ninyo magagawa iyon sa kanya." Ang wika ni Janus.

"Salamat Janus sa pagtitiwala mo at pagiging tapat sa akin. Isa kang tunay at matalinong lider ng mga Sangre." malungkot na tugon niya sa kasama.

Hindi kayang ngumiti ni Demetria dahil nag-aalala siya sa mga kapwa Sangreng nadamay dahil sa kanya. Alam niyang tinitingala siya ng mga kasamahan niya at mataas ang respeto nila sa kanya. Kung alam lamang niya na mangyayari sa kanila ang sinapit nila ngayon ng kanyang mga kasama ay minabuti na lamang sana niyang nanahimik kahapon sa pagtitipon. Isa pang nakatatandang Sangre ang lumapit sa nag-uusap na sina Demetria at Janus. Siya si Serascus Matos ang pinakamatandang miyembro ng mga Sangre, ang dating pinuno na pinalitan ni Demetria. Maging si Serascus mismo ay hindi na matandaan ang kanyang edad. Ang alam lang niya ay isa siya sa mga sumamba kay paraong Tuthankamen sa bansang Ehipto.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon