Pagdating ni Calisha sa exit door ng mall ay tumambad sa kanya ang napakalakas na ulan. Wala siyang dala-dalang payong kaya hindi siya makalabas sa mall para makauwi na sana. Kailangan muna niyang patilahin ang ulan para makabiyahe na papunta sa dorm at bukas ng umaga ay kailangan niyang umuwi sa Dinalupihan, Bataan para ihatid ang biniling gamot para sa papa niya. Sa tingin niya ay magtatagal pa ang lakas ng ulan kaya nagdesisyon siyang maglibot muna sa loob ng mall para tumingin-tingin muna sa mga store outlets. Nang mapadaan sa isang bookstore ay naisipan niya munang pumasok sa loob upang tumingin-tingin ng bagong aklat na puwedeng mabasa. Tamang-tama dahil sa pagkakaalam niya, mayroon nang available copy ng bagong novel ni Paulo Coelho na may pamagat na Adultery. Kamakailan lang kasi ay naubusan siya ng kopya nito kaya hindi siya nakabili.
Halos mangilan-ngilang tao na lamang ang nasa loob ng bookstore at karamihan ay abala sa pagtingin-tingin ng mga fiction novel at mga reference books. Ang ilan naman ay mga office supplies ang kanilang binibili.
Karamihan sa mga librong gustong basahin ni Calisha ay mula sa mga isinulat ni Mitch Albom o kaya naman ay mga libro ni Nicholas Spark. Pagkakita sa natitirang kopya ng nobelang Adultery ni Mitch Albom ay agad-agad niya itong dinampot at halos yakapin ito sa sobrang tuwa. Sabik na sabik na binasa ang mga nakasulat sa likuran ng libro at nang makita nito ang presyo sa ibabang bahagi ng back cover ay nadismaya siya sa taas ng halaga nito.
"Ang mahal naman," ang mahinang sabi niya at mabilis na nawala ang tuwa sa kanyang mukha. "Sayang, kung hindi ko sana ipinambili ng gamot ni papa hindi magkukulang ang pera ko pambili ng libro." Ang sabi niya sa sarili niya habang nakatingin sa librong gustong-gusto niyang bilhin.Halos hindi mabitawan ni Calisha ang libro dahil na rin sa panghihinayang nito lalo na't nag-iisang kopya na lamang. "Naman kasi eh, talagang malas ang araw na'to sa akin. Pero magkakaroon pa naman siguro ng kopya sa susunod na pagpunta ko rito." At ibinaba niya ang libro sa kinalalagyan nito, ngunit hindi niya kaagad inalis ang pagkakatitig sa iniwang aklat.
Lumipat si Calisha sa iba pang mga nakadisplay na libro sa mga book shelves at tumingin-tingin sa mga aklat ni James Patterson. Hinawakan niya ang mga nobelang Guilty Wives at The Confessions of A Murder Suspect na gustong-gusto rin niyang basahin. Tinignan niya ang mga presyo sa likuran ng mga ito at biglang gumuhit ang ngiti sa kanyang mamula-mulang pisngi.
Agad-agad ay ibinalik niya ang Guilty Wives sa shelf at dumeretso sa may cashier para bayaran na ang librong Confessions of A Murder Suspect. Pagkabayad ay mabilis na lumabas si Calisha sa bookstore. Pansamantalang nakalimutan na niya ang tungkol sa misteryosong lalaki na sumusunod sa kanya.
Kitang-kita sa kanyang mukha ang pagkasabik na mabasa ang biniling libro kaya't mabilis niyang tinungo ang food court para doon siyasatin ang nabiling libro. Pagdating sa food court ay agad na umupo sa isang bakanteng upuan at mesa. Buong pagkasabik niyang inalis ang plastic na nakabalot pa sa aklat at sinimulan nang buksan ang bawat pahina ng aklat. Sinimulan na niyang basahin ang libro hangang sa hindi na namalayan ang paglipas ng oras sa kanyang pagbabasa. Kanina pa pala tumila ang ulan kaya nang mapatingin siya sa orasan ng kanyang cellphone ay halos limang minuto na lamang at magsasara na ang mall. Dali-daling isinara ni Calisha ang biniling libro at mabilis na tumayo sa kanyang kinauupuan. Halos patakbo niyang nilisan ang food court at binilisan ang paglalakad patungo sa labasan ng mall. Pinili niyang sumabay sa mga taong papalabas na rin ng mall para na rin hindi na siya matatakot pang maglakad papunta sa sakayan pauwi sa tinutuluyan. Paglabas niya ay tumambad ang mamula-mulang bilog na buwan sa kalangitan na tila nagbibigay ng misteryo sa kadiliman ng gabi. Sa mga sandaling iyon ay bigla na lamang siyang kinilabutan lalo na't nang sumagi na naman sa kanyang isipan ang lalaking naka sweater na sumusunod sa kanya. Naiisip pa lang niya ang nangyari sa kanya kanina ay gumagapang na ang takot na nararamdaman niya.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 WINNER (Highest Rank #10 in Horror and #2 in heroes) (79 in Magic)(HORROR/FANTASY) A mysterious woman with no memories of her past. A woman who fought to seek for her revenge, bakit nga ba siya naghihiganti kung wa...