Hindi inasahan ni Odessa ang naging aksiyon ng matandang aswang na si Impong Amasale sa kanya. Hindi siya nakahanda sa pagdagit nito sa kanya habang sinasabihan niya si Laurea na tumakas na kasama ang kaibigang si Calisha. Ramdam niya ang pagbaon ng mga matutulis na kuko ng matandang aswang sa mga kalamnan sa kanyang balikat. Hindi niya maigalaw ang mga kamay habang patuloy sa pagdaloy ang sariwang dugo mula sa mga sugat niya. Tagos hanggang laman ang pagkakatusok ng mga kuko ng aswang sa kanya habang inililipad siya paitaas sa ibabaw ng mga madidilim na ulap sa himpapawid. Nasa kamay pa rin niya ang Eskrihala at pilit na hinawakang mabuti para hindi mahulog ang mga ito mula sa kanyang mga kamay. Alam ni Odessa na ang Eskrihala lamang ang magliligtas sa kanya sa kamay ni Impong Amisale. Tila nababasa niya kung ano ang binabalak na gawin ng matandang aswang sa kanya kaya kailangan niyang maging handa sa susunod na gagawin nito sa kanya.
"Napakadali pala para sa akin ang patayin ka babae! Ilang saglit lang ay isa ka ng malamig na bangkay!" ang malakas na wika ni Impong Amasale kay Odessa. "Kung iniisip mong ililigtas ka ng Eskrihala, nagkakamali ka dahil walang magagawa ang sandatang hawak mo sa gagawin ko sa'yo." dagdag pa ng matandang aswang habang patuloy siya sa paglipad paitaas sa mga ulap, bitbit si Odessa.
Pilit na nagpupumiglas para makawala si Odessa sa pagkakadagit sa kanya ng matandang aswang. Lalo lamang bumabaon ang mga kuko ng wakwak sa kanyang balikat sa kapag sinusubukang kumawala sa pagkakadagit nito sa kanya. Hindi na rin niya matantya kung gaano na kataas na inililipad siya ng aswang. Sa kanyang magkabilang kamay ay hawak na hawak pa rin ang Eskrihala na nagbibigay pa rin ng pag-asa sa kanya. Ngunit matutulungan ba siya ng Eskrihala kung sakaling ilalaglag na siya ni Impong Amasale sa lupa? Oo't nakakatalon at nakakaakyat siya sa mga matataas na gusali pero wala siyang kakayahang lumipad. Paano niya mailiigtas ang sarili sa kamay ng matandang aswang na dumagit sa kanya?
"Sino ka ba talaga babae? Bakit nasa'yo ang Eskrihala? Napakahabang panahong hinanap yan at nasa mga kamay mo lang pala!" ang muling sabi sa kanya ni Impong Amasale tungkol sa Eskrihala.
"Importante pa ba sa'yo na malaman kung sino ako? Gayong papatayin mo rin lang naman ako di ba?" ang tugon ni Odessa sa kanya.
Kanino nga ba niya galing ang Eskrihala? Ang tanging naaalala niya ay ibinigay ito ng ate Laurea niya nang nag-eensayo pa lamang siya sa pakikipaglaban. Kahit ang ate Laurea niya ay hindi alam kung sino ang naglagay sa Eskrihala sa kanyang bahay. Ang sabi ni Laurea sa kanya ay nagising na lamang siya isang araw na nasa pintuan na ng kanyang bahay ang Eskrihala na naging misteryo rin para sa kanya.
Wala siyang natatandaan sa nakaraan niya si Odessa kahit na ang sariling pangalan ay hindi niya alam. Duguan ang buong katawan at nanghihina na para bang nanggaling sa isang matinding labanan nang magising sa isang bahay na tinutupok ng apoy. Punong-puno ng galit ang kanyang puso at gustong maghiganti. Ngunit kanino? Wala siyang maalala. Wala siyang alam kung bakit naroroon siya sa lugar na 'yon at ano ang nangyari sa kanya. Hindi rin niya alam bakit punong-puno ng dugo ang kanyang hubad na katawan. Parang may kung anong mahika ang kumuha sa kanyang alaala. Isa ring mahika kung bakit hindi rin niya mapigilang maghiganti sa mga anak ng buwan. Pero, ang tanging alam lang niya ay isa rin siya sa mga anak ng buwan. Isa sa mga bampirang Sangre. Mga lahi ng bampirang nanggaling sa Europa na nabubuhay sa sariwang dugo ng tao. Mga kapwa niyang mga anak ng buwan na kanyang pinaghihigantihan. Wala din siyang naaalala kung pumatay na rin ba siya ng tao o mortal para sa kanyang pagkain o nakatikim man lang ba siya ng dugo ng tao? Ang alam lang ni Odessa ay may ibinibigay na pulang likido ang kanyang kapatid na si Laurea at pinawi lahat ang kanyang pagkauhaw sa dugo ng tao.
Ipinangalanan siyang Maria Odessa ni Laurea na kumupkop at tinuring siyang tunay na kapatid. Ipinangalan sa kanya ang matagal nang nawawalang nakababatang kapatid ni Laurea. Halos kasing gulang niya si Odessa nang nawala ito sa kabundukan ng Sierra Madre. Paniwala niya na nabiktima siya ng mga anak ng buwan simula ng sumama ito sa kanyang kasintahang si Tamir, isang engkanto. Mula noon ay wala nang naging balita pa sa kapatid si Laurea. Natagpuang wala na ring buhay si Tamir sa karagatan ng Aurora sa di-malamang dahilan.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)
FantasyFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 WINNER (Highest Rank #10 in Horror and #2 in heroes) (79 in Magic)(HORROR/FANTASY) A mysterious woman with no memories of her past. A woman who fought to seek for her revenge, bakit nga ba siya naghihiganti kung wa...