Chapter 52: THE MORNING AFTER THE ATTACK

612 29 3
                                    

Lalong dumoble ang laki ng Minokawa. Tila hinihigop lang nito ang pinakakawalang kapangyarihan ng Eskrihala sa kanya. Sa sobrang laki ay tila imposible na nilang mapapatay pa ang halimaw dahil na rin sa bagsik nito at tibay. Parang imposible na rin nilang makuha pa ang pulang likido mula sa nektar ng Myrho na nasa tuktok ng ulo nito. Halos kasing-lawak na ng lawa ng Pinatubo ang pakpak ng Minokawa. Hindi na nakapagtataka kung bakit labis na kinatatakutan ito kahit na mga mandirigmang celestial ng Sanlibutan.

Ngayon ay nasa harap nina Odssa ang nilalang na kinatatakutan ng lahat. Ang halimaw na kayang lunukin hindi lamang ang buwan, pati na rin ang araw na nasa kalangitan. Wala pa ang mundo ay gumagala na sa kalawakan ang mga Minokawa. Sing-tanda na raw sila ng panahon at ng kalawakan ayon sa mga sinaunang mga ninuno ng mga tao.

Hindi pa nakaramdam ng ganoong katinding takot si Odessa sa buong buhay niya. Ngayon lang na nakaharap niya ang Minokawa. Tumingin siya kay Demetria at may kinuha sa maliit na bulsa ng kanyang itim na pantalon. Inihagis niya iyon kay Demetria na kaagad namang nasalo ng babaeng Sangre.

Pinagmasdan ni Demetria ang boteng nasalo, alam na niya kung ano ang ibig ipagawa sa kanya ni Odessa. Hinawakan niya ng mahigpit ang maliit na bote at mabilis na nagpalit ng anyo bilang isang puting kuwago. Pagkapalit niya ng anyo ay lumipad ito papunta sa ulo ng Minokawa upang kuhanin ang nektar ng bulaklak ng Myrho habang abala naman si Odessa sa pagkuha sa atensiyon ng Minokawa. Kailangan nila ang kooperasyon at teamwork sa isa't-isa para maisagawa ang plano. Kailangang hindi sila mapansin ng dambuhalang ibon para magtagumpay sila sa kanilang plano.

Galit na galit na ang Minokawa. Sa tindi ng galit nito ay tuluyan na itong bumuga ng nag-aapoy na putik. Mabilis namang naiiwasan ni Odessa ang mga ibinubugang putik ng dambuhalang ibon. Nakita niyang malapit na sa bahaging ulo ng Minokawa si Demetria. Konting-konti na lang at makukuha na nila ang bulaklak ng Myrho. Konting-konti na lang at babalik na sila kay Laurea at gagaling na ang kanyang kapatid.

+++++0000000000+++++

Halos maubusan ng hininga si Alex pabalik kung saan niya iniwan ang mga bata. Sobrang bilis ng pagkabog ng kanyang puso sa kanyang dibdib at hindi niya mapapatawad sarili kapag may nangyaring masama sa magkakapatid. Bakit kasi hindi pa niya isinama ang mga ito? Bakit kasi mahilig siyang mang-iwan kahit na sa mga taong mahal niya at importante sa kanya. Ang pag-iwan niya kay Caren sa evacuation center ay isa na sa kanyang pagkakamali, ngayon ay isa pang malaking pagkakamali ang iwanan niya ang mga bata sa ganoong sitwasyon. Alam niyang hindi ligtas ang lugar pero nagawa pa rin niyang iwan ang mga ito. Wala itong pagkakaiba sa pag-iwan niya sa kanyang mag--ina.

Mula sa gusali ng 7 Eleven kung saan niya iniwan ang mga bata ay natanaw niya ang magkakapatid. Yakap-yakap ni Adrian ang dalawang kapatid na nakasalampak sa konkretong kalsada. Di kalayuan sa kanila ay isang maitim at napakalaking aso na nakalabas ang kalahating katawan nito sa mga basag na salamin ng tindahan. Tila wala ng buhay ang napakalaking aso. Kapansin-pansin ang dobleng laki nito sa mga ordinaryong aso na nakikita ni Alex sa paligid.

"Adrian! Margaux!" malakas na sigaw ni Alex sa magkakapatid habang papalapit sa tatlong bata.

Napatingin naman sina Adrian at Margaux nang marinig si Alex. Mabilis na tumayo sina Margaux at Adrian at sinalubong si Alex.

"Anong nangyari? Bakit ka nagpaputok?" ang tanong ni Alex kay Adrian na maputla ang mukha habang karga-karga niya si Jhayvee.

Imbes na sagutin ni Adrian ang tanong ni Alex ay yumakap ito sa kanya at humagulgol na parang batang maliit.

"Ssshhh...tahan na. Ano ba'ng nangyari?" muling tanong ni Alex sa kanila.

"Tito Alex, bigla na lang naging isang...isang malaking aso yung mamang pulubi na nanggaling sa loob ng tindahan. Tapos gusto niyang agawin si Jhayvee at isusunod daw kaming dalawa pagkatapos niyang kainin ang kapatid ko." ang takot na takot na paliwanag ni Margaux. "Iyon, binaril ni kuya kaya...kaya namatay yung malaking aso."

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon