Chapter 34: TANDANG URSULA

756 41 2
                                    

Kaagad na Tinungo nina Randy at Odessa, mabilis nilang narrating ang lugar dahil hindi naman ito gaanong kalayuan sa bahay ni Laurea. Pamilyar ang lugar kay Randy. Alam niyang nanggaling na siya sa lugar na 'yon kung saan siya gumising nang mawalan siya ng malay matapos atakihin siya ng aswang na si Trish. Nakita niya noon si Tandang Ursula bilang isang matandang babae na uka ang mga mata. Hanggang sa mga sandaling iyon ay nararamdaman pa rin niya ang takot nang biglang naglaho sa kanyang harapan ang matandang babaylan.

"Tandang Ursula?!" Ang tawag ni Odessa sa harapan ng pinto ng bahay ng matanda.

Tahimik ang lugar at tanging huni lamang ng mga ibon ang maririnig sa paligid.

"Wala yatang tao Odessa." ang pabulong na wika ni Randy sa kanya.

"Hindi umaalis si Tandang Ursula sa bahay niya Randy." tugon naman ni Odessa. "Madalas ay nagkukulong lamang siya rito at naglalala ng banig o kaya mga sumbrerong yari sa buri."

"Dito mo ako iniwan di ba?" ang biglang tanong ni Randy kay Odessa.

Tumango si Odessa. "Bihira lang kasi ang mga taong nakakapasok sa kagubatan ni Sinukuan. Masuwerte ka dahil buhay ka pa hanggang ngayon." Ang sabi ni Odessa na parang pinipigilan ang matawa sa magiging reaksyon ni Randy.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Hindi mo ba nakukuha ibig kong sabihin? Hindi mo ba nakita ang mga gumagalang mga nilalang ng dilim sa kagubatang ito? Katulad lang ng nangyaring paglusob nila kagabi, mga lamang-lupa na sabik din makuha ang dugo ng mga diwata." Pilit na ipinapaliwanag ni Odessa kay Randy kung bakit lumusob ang napakaraming lamang-lupa sa kanila.

"Anong mayroon ba sa dugo ng diwata? Ibig mong sabihin si Laurea ang target ng mga lamang-lupa?"

"Maaring oo at puwede ring hindi." Huminga ng malalim si Odessa. "Oo kasi dahil sa dugo ng mga diwata magkakaroon sila ng ibang kapangyarinhan galing sa mga elemento ng apoy, hangin, tubig at lupa. Magiging mas makapangyarihan sila at mahirap na silang mapuksa. Hindi kasi nag-iisang diwata lamang si ate Laurea para pagsaluhan ang kanyang dugo ng mga libo-libong lamang-lupa, may mga diwata pa katulad ni Mariang Makiling at diwatang si Magayon." Ang paliwanag niya kay Randy habang pinapakinggan kung nasa loob nga ng bahay si tandang Ursula.

"Magiging mas makapangyarihan? Lalong mas mapanganib sila kasi mahirap na silang mapuksa?"

Tumango lamang si Odessa sa mga tanong ni Randy. Alam niyang responsibilidad na niya ang sabihin kay Randy ang mga misteryo sa ikatlong dimensiyon, ang mundo ng mga elemental. Responsibilidad niya dahil siya ang naglapit kay Randy sa ikatlong mundo.

"Ha, mahal na Odessa! Tulad ng inaasahan ikaw ay itutulak ng hangin para pumarito't tarukin ang mga kasagutang nais alamin..."

Parehong napalingon si Odessa at Randy sa pintuan ng kubo. Tumambad sa kanila ang isang babaeng halos sumayad na sa lupa ang maitim at kulot na buhok, katamtaman ang kanyang taas at payat na pangangatawan. Bilugin ang hugis ng kanyang mukha na bumabagay naman ang kanyang mga mata sa katamtamang tangos ng kanyang ilong. Pinapula ng nginunguya niyang nga-nga ang maninipis niyang mga labi na nagbibigay ng kakaibang kislap sa mga nangungusap na mata. Hindi naman makapaniwala si Randy kung siya ba ang tandang Ursula na una niyang nakilala ilang araw pa lang ang nakakalipas. Pero hindi siya puwedeng magkamali dahil tandang-tanda pa niya ang suot-suot ng mga palamuti sa mga bisig at ang kuwintas sa leeg ng babaeng nasa harapan nila. Pero imposibleng siya si tandang Ursula dahil ang babaeng nasa harapan nila ay halos kasing tanda lamang ni Odessa. Ang tandang Ursula na una niyang nakita ay kulubot na ang balat at parang isang daang taon na ang edad nito.

Kinilabutan si Randy nang tumingin sa kanya ang babaeng tumawag kay Odessa. Pakiramdam niya ay may kakayahan itong basahin ang kanyang iniisip.

"Tandang Ursula!" Ang malugod na wika ni Odessa.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon