Chapter 41: THE CENTER

684 27 5
                                    

Ilang araw na rin ang nakakaraan simula ng gumising si Alex sa kanyang pagkakatulog dahil sa mga natamong pinsala sa aksidente. Bawat araw na dumaraan ay lalo siyang hindi mapalagay sa pag-aalala sa kanyang mag-ina. Bukas ay sisiguraduhin niyang makakauwi na siya sa Pampanga. Lumakas na rin ang kanyang katawan at halos patuyo na rin ang mga sugat na natamo sa aksidente. Sa kanyang kamay ay tinititigan ang nag-iisang larawan ng kanyang asawa na hawak ang sanggol nilang anak na lalake. Halos tumulo ang kanyang mga luha sa mga mata sa sobrang pangungulila sa kanyang mag-ina na wala man lang siyang alam kung ano na ang nangyari sa kanila. Hinding-hindi niya kakayanin kung may masamang nangyari sa kanyang mag-ina at hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili.

Naalala niya ang larawan na hawak niya. Siya ang kumuha ng litrato sa loob ng hospital nang isilang ni Isabel ang kanilang panganay. Hindi matumbasan ang kasiyahan ni Alex kaya nanginginig ang kanyang mga kamay habang kinukuhanan niya ng litrato ang kanyang mag-ina. Rovhaine John ang napagkasunduan nilang ipangalan sa kanilang panganay na anak. Hango ito sa pangalan ng tauhang sinusubaybayang kuwento ni Isabel sa isang teleserye sa TV. Nang araw na iyon bago ang paglusob ng mga anak ng dilim ay nagpaalam siya na luluwas ng Maynila para makipagkita sa isa nilang kliyente na interesadong bumili sa kanilang furniture business. Sa Maynila na rin mamimili si Alex ng gagamiting mga pangsangkap sa mga lulutuin para sa pagpapabinyag sana ng kaniyang panganay na anak. Pero nang magtatakip-silim na, habang sakay ng kanyang sasakyan si Alex pabalik na sa Pampanga ay doon na nangyari ang paglusob ng mga aswang sa buong mundo at hindi na niya nagawang makauwi pa sa kanila.

Sisiguraduhin niya na bukas ng umagi ay uuwi na siya sa Pampanga. Kailangan niyang tumakas sa evacuation center at isasama na rin ang mga bata. Mamaya ay kakausapin niya sina Adrian at Margaux para maghanda na ang mga ito sa kanilang paglisan. Mag-iisip siya ng paraan para makalabas sila ng evacuation center na hindi malalaman ng mga pulis at militar ang kanilang gagawin. Hindi na niya pipilitang sumama pa si Caren dahil alam naman niya kung ano ang pipiliin nito. Isang alagad ng batas si Caren kaya tungkulin nitong mas paglilingkuran ang mga nakakarami. Sa mga nakalipas na ilang araw ay madalang na rin niyang nakikita ang babaeng pulis. Halos hindi na rin siya nakikita ng mga bata. Ilang araw na ring payapa ang lugar na kinaroroonan nila sa Bulacan, pero hindi pa rin sila nakakasiguro na ligtas na sila sa mga aswang sa evacuation center na kinaroroonan nila. Ang huling lugar na nilusob ng mga aswang ay ang evacuation center sa may San Miguel sa lungsod ng Tarlac na kung saan walang itinirang buhay ang mga anak ng buwan. Kaya kahit walang senyales ng mga aswang sa lugar ng evacuation center ay lalo pa ring pinaigting ng mga pulis at militar ang siguridad sa lugar. Kailangan nila ang ibayong pag-iingat at paghahanda para sa kaligtasan ng lahat ng taong naroroon.

Halos magdadalawang linggo pa lang nang nang maganap nang unang paglusob ng mga anak ng buwan sa bansa. Ang mga malalaking lungsod ng mga mayayamang bansa ay halos bumagsak din dahil sa kaliwa't kanang pamumuksa ng mga nilalang ng kadiliman.

Ang Pilipinas ay dapang-dapa na rin at ang paghahanap sa ikalawang pangulo ng bansa ay nagkaroon na rin ng kasagutan nang matagpuan ang naaagnas na bangkay nito sa ilog Pasig na palutang-lutang. Laking panlulumo ng mga Pilipino dahil dalawa sa pinakamataas na lider ng bansa ang nilapa ng mga aswang.

Kailan lang ay tatlong kalalakihan ang nakitang nakabitin at wala ng buhay sa isang malaking puno ng Narra sa may likuran ng evacuation center. Marahil ay dahil na rin sa nawalan na rin ng pag-asa ang mga ito na mananatili pa rin silang ligtas sa evacuation center. At kanina lang umaga ay isang pamilya ang nakita ng mga militar na wala na ring buhay sa loob ng banyo ng gusali. Nilason ng mag-asawa ang tatlong anak nila at pagkatapos ay uminom din ng lason para mamatay. Marami rin sa mga naroroon ang nagkaroon na rin ng problema sa pag-iisip dahil sa hindi na rin nakayanan ang dinanas nilang hirap at pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay. Kung hindi makakaalis si Alex sa evacuation center at patuloy ang pag-aalala niya sa kanyang mag-ina, hindi malayo na ganoon na rin ang sasapitin niya.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon