Chapter 10: CHILDREN OF THE MOON

1.2K 49 9
                                    

Sa isang napakaluwang na bulwagan sa loob ng Mansiyon ni Claudius na kilala rin sa tawag na Villa Hermanuevo, ay nagsisimula nang magsidatingan ang mga miyembro ng mga Council Of Elders. Binubuo ito ng mga kinatawan ng iba't-ibang angkan ng mga anak ng buwan sa Pilipinas. Naroon at nakaupo na ang mga pinuno ng bawat angkan, ang mga nakatatandang Aswang, mga Sangre, Mangkukutod, at iba pang mga nilalang ng dilim na kasama sa mga pinarusahan noon ni Bathala. Sila ang mga nag-aklas laban sa kanya na pinamunuan ni Aniloakan, ang itim na diwata sa ikatlong mundo na tinatawag nilang Sinukluban.

Ngayon, bilang pinaka pinuno ng mga anak ng buwan dito sa Pilipinas, unti-unti nang nakikinita ni Claudius Rickman ang papel na gagampanan niya para maisakatuparan ang mga ipinaglaban ni Anilaokan noon. Panahon na para ipapakilala nila sa buong mundo na sila ang tunay na nagmamay-ari at maghahari sa sanlibutan dahil mas nauna silang nilikha at minahal ni Bathala kaysa sa mga tao.

Ayon sa mga kuwentong nagpasalin-salin na sa bibig ng mga sinaunang ninuno ng tao, nang likhain ni Bathala ang mga mortal, naging paborito niya ang mga ito at hindi na naging patas ang pagtingin niya sa iba pa niyang mga nilikha. Dahil dito ay sinubukang gumawa ng paraan ni Anilaokan na maibalik sa kanila ni Bathala ang mabuting pagtingin sa mga diwatang kinabibilangan niya. Nagpakitang gilas siya at gumawa ng magagandang bagay sa mata ng kanilang may-likha. Lahat ng laban ay naipanalo niya at ipinagtanggol ang kanyang kaharian sa kamay ng mga kalaban. Ngunit sadyang ang mga mata ni Bathala ay nakatuon lamang sa mga mabababang uri ng nilalang na tulad ng tao. Hanggang sa nagsawa na itong makuha uli't ang atensyon ni Bathala, kaya pinamunuan niya ang malawakang pag-aaklas laban sa kanilang manlilikha. Kinumbinsi niya ang mga kasamang mandirigma ng kalangitan pati na rin ang napakarami niyang taga-sunod para kalabanin ang diyos na lumikha sa kanila. Sa kasamaang-palad ay natalo sila ng mga tao, ang tanging mga nilalang na nanatiling tapat kay Bathala. Ito ay sa pamumuno ng hari ng mga tao na si Jaro, ang tumalo kay Anilaokan. Kaya nang matapos ang digmaan ay pinarusahan sila ni Bathala at isinumpa sila mula sa araw na iyon ay sa ilalim ng bilog na pulang buwan at sa kadiliman sila ay maglalagi, kamatayan kapag sa liwanag ng araw sila ay madadantayan. Ang sumpa ng pulang buwan sa kanila ay ang masidhing pagkagutom sa laman at dugo ng kapwa nilang mga diwata. Sa kabila ng paghingi ng tawad ni Anilaokan sa kanyang nagawa ay hindi siya pinatawad ni Bathala. Pinarusahan si Aniloakan ni Bathala pati na rin ang lahat ng mga nilalang na sumama sa pag-aaklas sa kanya. Kamatayan ang iginawad ni Bathala sa kanila. Sa pagkadismaya at galit ng mga itim na diwata ay isinumpa nila na lilipulin nila ang lahi ng mga tao. Sa pamamagitan ng sumpa ng pulang buwan ang tao ang magsisilbing pagkain nila imbes na ang kauri nila, bilang pagsuway sa diyos ng Kalangitan at paghihiganti sa kamatayan ni Anilaokan.

Ngunit kahit pinagsarhan sila ng pinto ni Bathala, hindi lahat ng kapatid at mga anak niya sa Kalangitan ay natuwa sa parusang iginawad niya kay Aniloakan at sa mga kasama nitong nag-aklas. Para sa kanila, masyadong mabigat ang ipinataw na parusa ni Bathala, kaya hindi sila natutuwa sa naging aksiyon ng diyos. At ito na nga ang kanilang ginagawa at pinaghahandaan. Ang talunin at patalsikin sa kaharian ng kalangitan si Bathala bilang diyos sa buong Sinukluban, o ang tinatawag nilang ikatlong mundo. Sa ikatlong mundo nakatira ang mga elemental na katulad ng mga diwata, duwende, kapre, tikbalang at iba pang mga tinatawag nilang mga elemento.

Ang mga mamamayan ng Sinukluban o mga elemental ay may makapangyarihan at mas malakas kaysa sa mga tao. Gagamitin nila iyon upang tuluyan nang bumagsak ang sibilisasyong itinayo ng mga pinakapaboritong nilikha ni Bathala. Ang tao ay ginawa lamang bilang pagkain nila at hindi upang arihin ang mundong minsan nang inagaw sa kanila sa tulong ni Bathala. Hinding-hindi na nila hahayaang mauulit pa ito sa kanilang kasaysayan kaya magpapakatuso sila matupad lamang nila ang iniwang adhikain ng kanilang pinuno na si Anilaokan. Ngayon pa na, ilan sa mga anak at kapatid ni Bathala ay suportado sila.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon