Chapter 18: THE JOKE

793 44 5
                                    

"Eeehhh!!!" ang napakalakas na sigaw na bumungad kay Randy pagkabukas niya ng Pinto.

"Aaahhh!!!" ang malakas din niyang sigaw dahil na rin sa pagkabigla sa babaeng nagsisisigaw sa kanyang harapan.

"Lumayo ka! Lumayo kang demonyo ka!" sigaw ni Calisha at sabay hagis kay Randy lahat ng mahawakan nitong bagay sa loob ng kwarto.

"Teka! Teka!" ang pag-ilag ni Randy sa mga bagay na ibinabato sa kanya ng babaeng hindi niya kilala.

Mabilis namang napasugod mula sa kusina si Laurea para tingnan ang nangyayaring sigawan at mga kalabog na nangyayari sa loob ng silid. Nakita niyang abala sa pagdampot ng mga kagamitan si Calisha at ibinabato ang mga ito kay Randy na mabilis namang ito pinangingilagan.

Kaagad siyang lumapit sa mga ito at ikinumpas ang kanyang kamay sa dalawa. Parehong bigla na lamang lumutang sa ere sina Randy at Calisha na nabalutan ng takot ang kanilang mga mukha.

Sabay na napatingin ang dalawa kay Laurea na seryososo ang mukha at nakapamewang.

"Ibababa ko lang kayo diyan kapag masisiguro kong hindi na kayo magkakasakitan!" anang Laurea sa dalawa.

Nakaramdam ng pagkahilo si Randy habang nagpalutang-lutang siya sa hangin. Pinagpawisan siya ng malamig at gusto niyang maduwal. Samantalang si Calisha ay kumakawag-kawag at takot na takot sa nangyayari sa kanila.

"Sino kayo? Bakit ako nandito? Nasaan si Maro?" pasigaw na tanong ni Calisha sa dalawa.

"Laurea, nakiki-usap ako sa'yo ibaba mo na ako dito. Hindi naman ako ang nagsimula ng kaguluhan. Siya! Siya ang nag-umpisa!" ang pakiusap ni Randy at sabay turo kay Calisha.

"Anong ako? Hindi ko nga kayo kilalang dalawa eh? Sino ba kayo at bakit ako nandito sa lugar na ito! Paano ako napunta rito?! Pagkauwi ko sa amin idedemanda ko kayo ng kidnaping!" Ang tila armalite na bibig ni Calisha na sunod-sunod ang mga tanong.

"Kung hindi kayo tatahimik ay hinding-hindi ko kayo ibaba sa lupa. Baka gusto ninyong tikman ang bagsik ng apoy." Ang matigas na tugon ni Laurea. Tumingin ito sa kanyang palad at nagsimulang lumitaw ang mumunting bola ng apoy. Nilaro-laro niya iyon at unti-unti itong lumalaki.

"Hi...hindi ako ang nagsimula, siya! Siya ang ..." Ang nanginginig na wika ni Randy na hindi man lang niya nakuhang tapusin ang gusto sana niyang sabihin.

"Tumigil ka lalake!" galit na sigaw ni Laurea kay Randy. Biglang uminit ang buong paligid ng bahay. Pakiramdam nina Randy at Calisha ay dinapuan sila ng napakataas na lagnat.

"Sorry po! Titigil na po ma'am, madam o ano pa man." takot na takot na sabi ni Randy na halos mapa-ihi na naman sa kanyang suot na pantalong maong.

"Pasensya na po, please huwag niyo po kaming papatayin. Maawa na po kayo sa akin ako lang po ang inaasahan ng mga magulang ko sa amin." pakiusap naman ni Calisha sa kanya sa diwata.

"Calisha..." Ang mahinaong tawag ni Laurea sa kanyang pangalan.

"Huh? Bakit kilala mo 'ko?" ang nagtatakang tanong niya kay Laurea. Pinunasan niya ang kanyang mga luha at ibinigay ang atensiyon sa diwata.

"Wala ka pa bang maalala sa nangyari kagabi?" biglang tanong ni Laurea. Unti-unti ay ibinaba niya sa sahig ang dalaga.

"Ka-kagabi?" Ang wika niya at pilit na inaala ang mga nangyari sa kanya. "Wala eh, nagising na lang ako sa loob ng kuwarto dito sa bahay na'to. Pagkatapos ang unang bumungad sa akin ang hitsura ng tsonggong yan!" Ang dagdag pa niya na tumingin kay Randy na nakalutang pa rin sa ere.

"Ako, tsonggo?! Hoy marami yatang nagkakandarapa sa kaguwapuan ko no. Kung ako tsonggo ikaw ay..."

"Tahimik!" Ang sabad ng diwata na pumutol sa gustong sabihin ng binata. Tumigil naman ang lalake nang makita ang kumukumpas na kamay ni Laurea. Nakakabinging katahimikan ang sumunod na nangyari sa pagitan ng tatlo. Tinitigan ng diwata sina Randy at Calisha na nanatiling tahimik at nakatingin sa sahig ng bahay.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon