Nakarating na sa Lungsod ng Angeles sina Alex kasama ang magkakapatid na sina Adrian, Margaux at ang isang-taong gulang na si Jhayvee. Buti na lamang at nakahanap sila ng kotse na sinakyan nila at dumaan sa bahagi ng Megadike at lumabas sa maliit na barangay ng Del Rosario. Doon ay di na makadaan ang kotseng sinakyan nila sa sobrang dami ng mga nagkalat na abandonadong sasakyan sa kalsada kaya napilitan silang maglakad uli. Halos papalubog na ang araw at patuloy sila sa paglalakad sa kahabaan ng Sto. Cristo. May mga iilang tao silang nakikita sa kalsada na naghahanap rin ng makakain. Lahat ay nakatingin sa kanila, minamasdan ang bawat kilos. Pero imbes na matuwa sila sa kanila ay itinuturing silang kaagaw. Masama ang tingin sa kanila ng mga tao dahil batid nila na magiging kahati sila sa makukulimbat na pagkain sa mga groceries at mga maliliit na tindahan. Pinili na lang umiwas nina Alex at nagpatuloy na sila sa kanilang paglalakad. Malapit na rin silang makarating sa bahay ni Alex na kung saan umaasa pa rin siya na nandoon pa at naghihintay sa kanya ang mag-ina.
Bawat taong nakakasalubong ay tinititigan ni Alex nagbabaka-sakaling may kakilala siya sa mga ito. Magtatanong siya tungkol sa kanyang naiwang asawa't anak.
Nang makarating sila sa Simbahan ng Holy Rosary ay sumaglit muna sila para magdasal. Iilang tao lamang ang naroroon at taos-pusong nagdarasal sa Diyos. Bakas pa rin sa kanilang mukha ang labis na pagkatakot at pagkabalisa. Marami sa mga ito ang nagmamadaling makauwi na sa kani-kanilang mga sinisilungang gusali na kung saan alam nilang magiging ligtas sila pagsapit ng gabi.
Lumuhod si Alex sa mga kneelers malapit sa altar ng simbahan at taimtim na nagdasal. Nagsiluhod na rin sina Adrian at Margaux para magdasal na rin. Nakaupo sa tabi ni Adrian si Jhayvee na palinga-linga at minamasdan ang buong paligid.
Pagkatapos magdasal ay naupo muna si Alex at minasdan ang napakaluwang na loob ng matandang simbahan. Sa may kumpisalan ay dinig na dinig ni Alex ang pag-uusap ng isang matandang lalake at ang pari ng simbahan. Kakatapos lang niyang magdasal kaya nanatili muna siyang nakaupo at nakikinig sa usapan ng dalawa. Pamilyar sa kanya ang mukha ng matandang kausap ng pari sa kumpisalan.
"Natatakot na po kami Among. Kabilugan na po ng buwan ngayong gabi. Lulusob na naman sila mamayang gabi." sabi ng matandang lalake sa Paring Katoliko.
"Manalig tayo sa Diyos. May darating na tutulong sa atin para lumaban sa mga kampon ng kadiliman. May awa ang Diyos pagkat Siya ay Diyos ng buhay at awa." ang tugon ng pari sa matanda.
"Marami na po sa mga taong nasa Santuaryo ang nawawalan ng pag-asa Among. Marami na rin ang nagpatiwakal sa kawalan ng pag-asa." ang naiiyak na sabi ng matanda. "Nakita nila kung paano patayin sa harapan nila ang kanilang mga magulang, asawa at mga anak at marami sa kanila ang hindi na naniniwala sa Diyos."
"Maging mas matatag kayo sa paniniwala kapitan. Ililigtas tayo ng Diyos sa kamay ng mga alagad ng Diablo."
"Kailangan po kayo ng mga tao Padre. Kailangan po namin kayo." ang pagsusumamo ng matanda.
"Hinding-hindi namin kayo pababayaan Kapitan Ben. Tutulong kami sa abot ng aming makakaya." ang sabi ng Pari.
"Among, hindi na po ako magtatagal. Papalubog na po ang araw delikado nang masyado kung aabutin pa ako ng dilim sa kalsada." ang sabi ng matanda at kaagad na itong tumayo sa pagkakaluhod sa kumpisalan.
"Mag-ingat po kayo Kapitan Ben. Asahan po ninyo na sasabihan ko ang aming samahan para makatulong po sa inyo. Basta pagsapit ng dilim, pakisabi sa mga mamamayan na huwag ng lalabas pa sa Santuaryo." ang pahabol ng pari kay Kapitan Ben.
"Opo, Among. Aalis na po ako."
"Patnubayan ka ng Diyos kapitan."
Tuluyan nang nilisan ni Kapitan Ben ang simbahan. Nagmamadali ang kanyang mga paa dahil ilang oras na lamang ay lulubog na ang araw. Kaagad namang niyaya ni Alex ang mga bata para lumabas na rin ng simbahan. Binuhat niya si Margaux para mabilis niyang mahabol ang matandang kausap ng pari sa kumpisalan.
BINABASA MO ANG
ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)
FantasiFILIPINO READERS CHOICE AWARD 2022 WINNER (Highest Rank #10 in Horror and #2 in heroes) (79 in Magic)(HORROR/FANTASY) A mysterious woman with no memories of her past. A woman who fought to seek for her revenge, bakit nga ba siya naghihiganti kung wa...