Chapter 24: LAUREA'S FORTRESS

804 35 4
                                    

Nagising si Randy sa ingay ng mga panggabing ibon sa kagubatan ng Alaya kung saan nakatayo ang bahay ni Laurea. Sinubukan niyang tumayo sa kinahihigan pero namilipit siya sa sakit sa kanyang sugat sa tiyan. Naalala niya na muling ginamot iyon ni Laurea ng bumukas ang sugat sa tiyan. Pinalutang sila sa hangin ni Laurea nang mag-away sila ni Calisha. Kaagad na ibinaba niya sa lupa si Calisha pero hindi siya ibinaba kaagad ni Laurea at doon ay ginawa siyang katatawanan ng dalawa. Nang ibaba siya ni Laurea ay bumagsak siya sa sahig dahilan para bumukas muli ang sugat at di na mapigilan ang pagdurugo.

Nang simulang gamutin ito ng diwata na si Laurea na kilala rin bilang si Mariang Sinukuan, ay nakaramdam siya ng sobrang sakit sa kanyang sugat. Hindi niya ito nakayanan kaya nawalan siya ng malay. Hindi siya makapaniwala na buhay pa rin siya hanggang ngayon sa kabila ng mga napagdaanan sa dalawang araw na lumipas. Sa dalawang araw na iyon ay nagbago lahat ng kanyang pananaw at pinaniniwalaan sa mundong kanyang ginagalawan. Hindi na rin siya sigurado kung normal pa ba ang kanyang pag-iisip o tuluyan na niyang hindi na makakayanan ang susunod pang kababalaghang masasaksihan pa niya.

Makailang ulit rin niyang sinubukang ipinuwesto ang katawan para sana makaupo. Halos hindi maipinta ang kanyang mukha sa sobrang sakit na naramdaman at di naiwasang mapahawak sa nakabenda niyang tiyan. Laking ginhawa ang naramdaman niya ng magawa niyang maiangat ang sarili at nakuha ring makaupo. Huminga ng malalim si Randy para maibsan kahit kaunti ang tila pinupunit ang balat sa kanyang tiyan. Nabahala siya na baka magdugo uli ang kanyang sugat sa pagpupumilit niyang makabangon.

Nakahinga siya ng maayos nang walang makitang bahid ng dugo mula sa puting telang nakabenda sa kanyang sugat. Nanatili siya sa kanyang pagkakaupo at hinintay muna niyang mawala ang matinding hapding nararamdaman. Natuon ang kanyang atensiyon sa naririnig na boses ng tatlong babae sa may sala ng bahay. Pamilyar sa kanya ang dalawang boses pero ang isa ay noon pa lamang niya narinig.

"...nababahala ako sa mga senyales sa muling pagpula ng buwan kahapon Odessa." Ang wika ng isang babae.

Kilala ni Randy ang boses na 'yon, si Laurea ang diwatang si Mariang Sinukuan. Pero sino si Odessa na kausap niya?

"Ako rin ate, hindi ko akalain na lantaran na ang kanilang pambibiktima sa mga tao. Mabuti na lamang at nailigtas ko sa oras si Calisha, kung nahuli ako ng dating baka wala na ang kaibigan ko. At mabuti rin na nailigtas mo kami sa kamay ng matandang bampira." Ang tugon naman ng babaeng nag-ngangalang Odessa.

Kapatid pala ni Laurea si Odessa, kaibigan naman ni Odessa si Calisha. Nagkaroon ng kaunting linaw sa kanya ang ugnayan ng tatlong babaeng kasama niya ngayon sa bahay ni Laurea. Si Odessa. Hindi niya maintindihan bakit parang nagkaroon siya ng interest at gusto niyang makita si Odessa. Maganda si Laurea, kung kapatid niya si Odessa ay siguradong napakagandang diwata rin ni Odessa. Biglang gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Randy. Napahawak siya sa kanyang baba habang kinikinita niya sa kanyang isipan kung gaano kaganda si Odessa. Gusto niyang makita at makilala si Odessa, kaya kahit na mahirap para sa kanya ang tumayo ay tiniis niya ang sakit ng kanyang sugat. Pagkatayo ay napahawak si Randy sa kanyang sugat at napangiwi sa sobrang hapdi nito. Pero hindi bale. Kung ang kapalit naman ay ang makilala ang magandang kapatid ni Laurea, ay okay lang kahit dumugo uli ang kanyang sugat.

Sinimulan niyang bagtasin ang pintuan palabas ng kwarto kung saan siy gumising. Mula roon ay bumungad sa kanya sina Laurea na nakaupo sa upuang gawa sa kawayan, Calisha na medyo nabigla pa pagkakita sa kanya. At si Odessa, pagkakita niya sa dalaga ay halos mapasigaw siya sa di inaasahang pamilyar na mukha. Hinding-hindi niya makakalimutan ang mukhang nasa harapan niya ngayon. Tumingin sa kanya si Odessa at tila nabigla rin pagkakita sa kanya.

"Ikaw?!" Ang biglang tanong ni Odessa kay Randy. Napatayo siya sa kinauupuan niya akmang lalapitan siya.

"Huwag, huwag kang lalapit!" Ang tugon niya na halatang takot kay Odessa.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon