Chapter 37: DEMETRIA'S MEMORY

753 39 6
                                    

Marahan ay pinagmamasdan ni Claudius ang portrait painting ng kanyang asawang si Gertrudes na hawak-hawak ang sanggol na si Sarah. Madalas iyon ang kanyang ginagawa kapag pumapasok siya sa kanyang opisina, ang pagmasdan at sariwain sa isip ang kanyang anak at asawa. Naroroon pa rin ang lungkot sa pagkawala ng kanyang pinakamamahal na si Gertrudes kahit ilang daang taon na ang nakakaraan.

"Nagtagumpay tayo mahal ko sa paglipol sa mga tao sa buong mundo. At dito sa Pilipinas marami ang namatay at halos mabaldado ang bawat mga malalaking lungsod. Ilang araw lang at yuyuko na ang mga leader dito sa Pilipinas at mapapasailalim na sa atin ang mga tao. Tuloy-tuloy pa rin ang pag-atake ng ating mga kalahi sa mga malalaking lungsod sa buong mundo. Hindi na kailangang magtago pa at hindi na kailangang magutom sa dugo at laman ng tao." Ang mahinang wika nito sa portrait painting ng asawa. Marahan ay pumunta sa kanyang mesa at kinuha ang isang maliit na bote. Binuksan niya ang takip nito at ibinuhos ang laman sa kanyang kanang palad.

Pinagmasdan niya ang iilang hibla sa kanyang palad. Tatlong kulay gintong hibla na nanggaling sa mga alaala ni Demetria. Ngayon ay aalamin niya ang mga sikretong itinatago ni Demetria.

Nilamukot niya ang tatlong hibla sa kanyang mga daliri hanggang sa maiporma niya ito ng pabilog. Muli ay pinagmasdan niya ito sa kanyang kamay. Sumagi sa alaala niya si Demetria na nag-anyong kuwago at nadampian ng sikat ng araw na hindi man lang nasusunog. Paano iyon nagawa ng mortal niyang kaagaw sa kapangyarihan sa pamumuno? Kailangan niyang malaman ang sikreto ni Demetria. Kailangan niyang malaman bakit hindi siya nasunog sa sikat ng araw.

Ipinuwesto ni Claudius ang binilog na hibla ng mga alaala ni Demetria sa kanyang noo at unti-unting pumasok iyon sa kanyang ulo. Nakita ni Claudius sa alaala ni Demetria ang pagpasok nito sa isang kubo na pamilyar sa kanya. Gabi ng mga panahon na 'yon at nakita niya ang mag-asawang wala ng buhay na nakahiga sa sahig ng bahay. Binuksan ni Demetria ang pinto sa likuran ng bahay at doon niya nakita ang babaeng may kapangyarihang lumikha ng apoy na tila wala na ring buhay. Bumuntung hininga si Demetria at lumuhod sa babaeng biktima ni Claudius. Dinilaan nito ang tumutulong dugo sa leeg ng babae at sumipsip ng dugo mula sa sugat. Biglang natigilan si Demetria nang maramdamang tumitibok pa ang puso ng babae. Pero kailangan niya ang dugo nito dahil may dugo ito ng isang makapangyarihang diwata. Hindi niya alam kung ano'ng kanyang gagawin. Kailangan niyang makipaghiganti kay Claudius, kaya kailangan niya ng dugo ng diwata at wala namang makakakitang gagawin niya iyon. Pero, hindi na siya pumapatay ng tao at hinding-hindi na niya gagawin pa 'yon.

Nakatitig siya sa katawan ng babae. Hindi niya alam ang gagawin. Naguguluhan siya. Pero nanaig pa rin sa kanya ang kanyang prinsipyo.

Dali-daling binuhat ni Demetria ang babae para iligtas pa ang buhay nito. Pero may kagat na siya sa leeg at halos naubusan na siya ng dugo. Mamamatay na ang babae ano mang oras at imposible na para sa kanya ang mailigtas pa ang buhay nito. Pero iisa lang ang paraan para mailigtas ni Demetria ang buhay ng babaeng may dugo ng diwata. Alam niyang labag ito sa kanilang samahan ang naiisip niyang gawin. Wala na siyang ibang pagpipilian pa at magagamit niya ang babae sa kanyang paghihiganti lalo na kay Claudius.

Muli ay inilapag ni Demetria ang babae sa damuhan. Marahan niyang kinagat ang kamay ng babae at inilabas niya ang kanyang lason mula sa kanyang matutulis na pangil. Umuungol sa sakit ang babae. Parang pinupunit isa-isa ang mga bawat hibla ng kalamnan nito. Napapangiwi ang babae sa sakit at nagsimulang mangumbulsiyon at manigas ang buong katawan. Sinubukan pang pinigilan ni Demetria sa pangungumbulsiyon ang babae ngunit napakalakas nito. Alam niyang umeepekto na ang lason sa dugo ng babae. Napansin ni Demetria na nagsisimulang magsitayuan ang mga balahibo sa katawan niya lalo na ang kanyang buhok. Naisip niya na ginagamit ng babae kapangyarihan niya kaya nanganganib na rin ang kanyang buhay.

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon