RESERVED
"Kung may kailangan po kayo sa'kin, nasa kwarto lang po ako." Paalam ko kay Mama nang matapos ako sa pagkain ng almusal.
Maagang umalis si Papa dahil may pupuntahan sila ni Tito Aston sa Sta. Cruz. Si Marcus naman ay dumiretso sa salas para mag-laro ng Star Wars Battlefront sa kanyang playstation. Ilang beses na akong nagpaturo sa kanya ng mga paborito niyang laro. Para nang sa ganon ay masasabayan ko siya kung wala naman akong ginagawa. Ngunit kahit isa doon ay wala akong naintindihan. Sa huli ay maiinis siya dahil hindi man lang ako makasunod sa kanya. Tanging racing game lang ang alam ko kaya doon lang kami nagka-kasundo.
"Masama ba ang pakiramdam mo?" Nag-aalalang tanong ni Mama sa akin.
Umiling ako. "Hindi po. Mag-aaral po ako ng mga lessons. Malapit na po ang exam week."
"Akala ko ba ay may pupuntahan kayo nila Sherrie?"
"Hindi po ako sasama sa kanila, Ma. Mas importante po ito."
Nilapag ni Mama ang kumpol ng mga bulaklak na ilalagay sana niya sa vase. Pinunasan pa niya ang kanyang kamay pagkatapos ay nakangiting lumapit sa akin.
"Once in a while, dapat ay mag-enjoy ka. It's good that you prioritize your studies, Marge. Pero kapag may mga pagkakataon na tulad no'n, sana ay i-consider mo din. You're so lucky to have your friends."
Tumango ako sa tinuran ng aking ina. Masyado siyang maalalahanin lalo na sa amin ng kapatid ko. Masaya ako na kahit highschool na ako ay malapit pa rin kami sa isa't isa. Bihira na kasi ang ganon sa panahon ngayon.
"Nandyan lang naman sila, Ma. Pero ang pag-aaral, mahirap na kapag naiwanan po ako." Natatawa kong sambit.
Dumiretso ako sa aking kwarto habang naiwan si Mama na napapa-iling na lang sa tinuran ko. Lagi namang ganoon ang nangyayari. Magtatanong sila ngunit sa bandang huli, ako pa rin naman ang makakasagot ng mga gusto kong gawin. Kung ayos lang ba sa akin o hindi.
Ayos lang naman, e. Syempre kaibigan ko sila. Ngunit may mga pagkakataon na kailangan ko silang tiisin para lang sa mas importanteng bagay.
Nanatili ako sa aking kwarto hanggang sa mag-tanghalian. Bumababa lang ako sa kusina kapag kukuha ako ng tubig o di kaya ay kapag gusto kong kumain. Wala na rin si Marcus sa salas. Siguro ay may pumuntang mga kaklase niya para yakagin siyang maglaro sa labas.
Halos patapos na rin ako sa pag-aaral ng mga pointers. Kahit paano ay di naman ako masyadong nahirapan sa pag-intindi ng mga nakaraan naming lectures. Mahilig din kasi akong magbasa lalo na kapag libre ang oras ko. Ayaw na ayaw ko kasi iyong tipong mangangarag ako kapag oras na ng pagsu-sulit.
Nag-inat ako dahil halos kalahating araw akong nakapako sa aking upuan. Tuluyan ko nang nilinis ang maliit na mesa kung saan ako nag-aaral at gumagawa ng mga takdang-aralin. Maingat ko iyong nilagay sa aking bag. Napangiti ako sa aking sarili dahil sa wakas ay may katuturan ang nagawa ko kahit nangangalahati pa lamang ang araw.

BINABASA MO ANG
One More Step
Novela JuvenilIpinanganak sa isang masaya at simpleng pamilya si Margarette Dominguez. She's content with her life even though she knows she's lacking of something. Namulat siya sa mga bagay na bago makuha ay dapat munang paghirapan at pag-tyagaan. Isa na doon an...