BILANG KAPATID
Halos itaktak ko na ang buong kwarto ko dahil sa paghahanap sa aking math notebook. Hinalungkat ko na ang bawat sulok kung saan iyon maaring mapasuot ngunit bigo ako. Kagabi kasi ay dis-oras ng gabi na ako nakatulog dahil sa pagsasagot sa walang-kamatayang takdang-aralin na ibinigay sa amin ng aming guro. At ngayon ay nagsisisi ako kung bakit hindi ko iyon diretsong inilagay sa aking bag.
"Holy Crap! Nasaan ka na ba? Terror pa naman ang teacher namin sa subject na 'yun!" Balisa kong wika sa aking sarili. Nasapo ko pa ang aking noo nang sa tingin ko ay wala na talagang pag-asa na makita ko pa iyon.
Pumikit ako nang mariin. Kung hahanapin ko pa iyon ay tiyak na mahuhuli ako sa unang klase ko. Pagkatapos pa naman ng pananghalian ang subject na iyon. Kung hindi ko talaga mahahanap ay maari ko pa iyong gawin sa bakanteng oras.
Nakakainis! Ang hirap kaya no'n para ulitin pa!
Laglag ang mga balikat ko habang bumababa ako ng hagdan. Naamoy ko na agad ang mabangong ulam na niluto ni Mama. Mamaya ko na po-problemahin ang isang iyon. Sa ngayon ay kailangan kong magmadali at baka tuluyan na akong mahuli sa klase.
"Kumain ka na. Nauna na ang kapatid mo. Hinatid ng Papa mo." Bungad sa akin ni Mama na ngayon ay nagtitimpla ng gatas para sa akin.
Tumango ako at saka pumangalumbaba. Agad ko din namang inayos ang aking upo nang makita ni Mama ang itsura ko. Sumimangot kasi siya.
"Nakita nyo po 'yung sinasagutan ko kagabi? Hinanap ko na sa taas pero mukhang nawawala iyong math notebook ko, e." Sabi ko at saka sumubo ng kanin at egg omelette.
Nangunot ang noo ng aking ina. "Iyon ba? Naiwan mo iyon sa salas. Dinala ng kapatid mo. Hindi ko na nahabol para kunin kasi nagluluto ako ng pagkain mo. Sabi niya ay kunin mo daw sa kanya pag lunch niyo na."
Bumuntong-hininga ako at napasimangot. "Siguradong may kapalit iyon, Ma."
Tumawa nang mahina si Mama. May pagka-sutil kasi si Marcus. Tiyak kong nakaplano ang pagdala niya ng notebook ko para puntahan ko siya mamaya. At talagang lunch pa? Hula ko ay manghihingi iyon ng pera sa akin gayong malaki naman ang baon niya.
Umiling ako. Kahit naiinis ako sa kapilyuhan ng kapatid ko ay sige naman ako sa pagbibigay sa kanya. Palibhasa kasi ay dalawa lang kaming magkapatid at ako pa ang panganay. Ilang taon din ang agwat namin kaya naman todo sa kalokohan ang isang iyon.
Unang beses niyang ginawa iyon ay noong Grade 3 pa lamang siya. Todo ngiti pa ako noong mga panahon na iyon para kunin naman ang proyekto na pinagpuyatan ko din ng ilang gabi. Pero sakit sa ulo ang nakuha ko sa batang iyon. Sukat hingian ako ng pambili niyang meryenda gayong lagi siyang pinagbabaon ni Mama. Pero sa bandang huli, nag-abot pa din ako sa kanya.
Mabait at malambing naman si Marcus. Iyon ay sa mga panahong trip lang niyang maging gano'n. Syempre bilang nakakatandang kapatid, tumatak na sa isip ko ang mga litanya sa akin ni Mama at Papa. Ako ang mas matanda kaya ako ang magbigay. Ako dapat ang umunawa at magpasensya.
BINABASA MO ANG
One More Step
Novela JuvenilIpinanganak sa isang masaya at simpleng pamilya si Margarette Dominguez. She's content with her life even though she knows she's lacking of something. Namulat siya sa mga bagay na bago makuha ay dapat munang paghirapan at pag-tyagaan. Isa na doon an...
