IBA TALAGA
Kapag masaya ka, hindi mo na namamalayan ang oras. Hindi mo mararamdaman 'yung pagod o 'yung paghihintay na matapos ang isang araw, linggo o buwan. Kapag masaya kasi, kusang lumilipas nang mabilis ang panahon. Kusang lumilipas ang mga bagay-bagay na kahit sa sarili mo ay hindi mo matanto kung totoo bang nangyayari o hindi.
Parang ako, hindi ko namalayan ang mabilis na paglipas ng panahon sa Luisiana. Mabilis na nag-simula ang pagiging Senior Highschool namin. Mas dumami ang mga lakad namin ng barkada bago magsimula ang pasukan. Oo, nadagdagan na rin ang lagi kong nakakasalamuha. Kung noon ay laging sila Aimee at Sherrie lang ang kasama ko, iba na ngayon. Nandyan na si Axel, Leo, Anton at Vincent na naging barkada ng dalawa simula nang tuluyan silang manirahan sa Luisiana.
Nasa kalagitnaan na kami ng taon at hindi pa rin ako makapaniwala na hanggang ngayon ay nandito pa rin siya. Sa loob ng ilang buwan na magkasama kami sa iisang lugar, mas lalo lang kaming naging malapit sa isa't isa. Minsan ay sabay kaming umuuwi kapag wala silang lakad. Nasasanay na nga ako na lagi siyang nandyan.
Si Jonas naman ay minsan na lang makasama sa amin. Lagi ko siyang kinakamusta kina Aimee at Sherrie ngunit anila'y nahihiya daw sya sa akin. Para sa akin ay kaibigan ko pa rin siya. Hindi na magbabago pa 'yun kahit magalit siya o iwasan niya ako.
At iyong nararamdaman niya sa akin, batid kong hindi magtatagal ay mag-iiba rin iyon. Katulad ng panahon. Katulad ng pagkakataon.
"Wala kayong lakad ni Axel ngayon?"
Napa-tunghay ako kay Aimee. Nanatili ang mga mata niya sa librong binabasa. Uwian na ngunit may kailangan pa akong tapusin kaya minabuti kong dumiretso sa library. Si Aimee na lang ang walang gagawin kaya siya ang sumama sa akin dito. Si Sherrie naman ay may group activity pa kaya mamaya pa ang uwi nya.
Nagkibit-balikat ako. Inilabas ko ang aking mga gamit at 'yung papel na pinag-sulatan ko ng mga dapat kong tapusin ngayon.
"Wala kaming usapan. May lakad siguro siya kasama ng barkada niya." Sagot ko.
"Hindi ka niya ihahatid sa inyo?" Muling tanong ni Aimee. "Himala iyon, a!"
"May mga importante rin siyang kailangan gawin, Aimee. Kung tutuusin ay hindi naman niya obligasyon na lagi akong samahan. Hindi ba?"
Nagpatuloy ako sa pag-labas ng mga gamit mula sa aking bag. Narinig ko ang pag-tikhim ni Aimee na siyang dahilan kung bakit ako muling tumingin sa kanya. Kumunot ang aking noo.
"Bakit?" Nagtataka kong tanong sa kanya. Ngumiti siya at saka inilipat ang pahina ng libro na kanyang binabasa.
"Mas importante pa ba sa'yo ang gagawin niya?" Aniya at saka nagpatuloy sa pagbabasa.
"Siguro..." Mahina kong tugon. Walang kaso sa akin kung ano ang mga ginagawa niya kung wala siya sa paligid ko. Kaibigan ko siya. Ang nais ko lang naman ay hindi siya gagawa ng kalokohan na ikakapahamak niya.
BINABASA MO ANG
One More Step
Ficção AdolescenteIpinanganak sa isang masaya at simpleng pamilya si Margarette Dominguez. She's content with her life even though she knows she's lacking of something. Namulat siya sa mga bagay na bago makuha ay dapat munang paghirapan at pag-tyagaan. Isa na doon an...
