LOZANO-ROBLES
"Sabi na nga ba't nandito ka lang. Kanina ka pa namin hinahanap!" Hindi makapaniwalang bulalas sa akin ni Aimee nang makita niya akong nakikigulo sa pag-aayos ng mga bagong ani na mais.
Maaga akong umalis sa bahay dahil naiinip ako sa pag-hihintay sa kanilang dalawa ni Sherrie. Sabado ngayon at napag-usapan namin na mamamasyal kami. Nakita ko pa ang paghagod niya sa akin nang tingin.
"Nakalimutan mo na ba ang usapan natin? Hindi ba't mamamasyal tayo ngayon?" Iritable niyang saad. "At ano iyang suot mo?" Sabay turo niya sa malaking sombrero na nasa ulo ko. Pagkatapos ay bumaling sa maluwag na long sleeves na nakabalot sa aking katawan.
Nagkibit ako ng balikat. "Magpapalit din ako, Aimee. 'Wag ka ngang OA." Natatawang tugon ko.
Inirapan niya ako at saka nag-martsa patungo sa aming bahay. "Tara na kasi."
Tiningnan ko lang siya habang naglalakad palayo. Hindi pa rin ako umaalis sa aking pwesto.
Marami ang hindi makapaniwala sa tuwing malalaman nila na pinsan ko si Aimee. Iba kasi ang pagpapalaki na ginawa sa kanya ng mga magulang niya. Lahat ng luho ay ibinibigay sa kanya. Mabait naman ang pinsan kong iyon. Pala-ngiti sa mga tao dito sa aming lugar. Hindi lang maiwasan minsan na lumabas ang pagiging anak-mayaman niya.
Wala siyang alam sa mga ganitong bagay. 'Yung magbababad sa ilalim ng araw para makihalubilo sa ibang trabahador. Ayaw niya nang ganon. Ni hindi siya marunong magbitbit ng basket para mag-ani ng mga tanim.
Kaya naman noong nalipat sa pangalan ni Papa ang lupain ni Lola ay buong-pusong ipinaubaya iyon nila Tito at Tita. Kung sa kanila mapupunta ay walang magmamana non. Nag-iisang anak kasi si Aimee.
"Hija, baka magalit nang tuluyan iyong pinsan mo. Sige na. May lakad pa ata kayo." Ani Mang Lucio habang patuloy sa pag-aayos ng mga mais.
"Hindi naman po iyon marunong magalit sa akin." Tugon ko nang may kumpiyansa pa sa sarili.
Sinundan ko si Aimee habang tinatahak ang daan patungo sa amin. Naka-kulay puti siyang bestida. Sumasayaw pa ang alon-alon niyang buhok sa tuwing hinahakbang niya ang kanyang mga paa. Morena si Aimee kumpara sa kulay puti kong balat. Namana ko iyon kay Mama. Pareho naman kaming may kataasan ang tindig. Mas babae lang siyang gumalaw kumpara sa akin na nasanay sa mga gawain dito sa farm.
"Marge! Ano'ng petsa na oh! Tatanghaliin tayo sa paglalakad nyan." Bungad ni Sherrie sa akin.
Nakatayo siya sa gilid ng pintuan habang nakahalukipkip doon. Sinimangutan ko lang siya habang diretso akong pumasok sa loob ng bahay.
"Heto na nga diba?"
Wala na si Mama at Papa sa bahay. Maaga pa lamang ay umalis na sila. Pareho nilang inaasikaso ang pagkakarga ng mga naaning mais sa mga truck na luluwas pa sa mga karatig bayan. Si Marcus naman ay busy sa panonood ng kung ano sa aming salas.
![](https://img.wattpad.com/cover/45356155-288-k407678.jpg)
BINABASA MO ANG
One More Step
Teen FictionIpinanganak sa isang masaya at simpleng pamilya si Margarette Dominguez. She's content with her life even though she knows she's lacking of something. Namulat siya sa mga bagay na bago makuha ay dapat munang paghirapan at pag-tyagaan. Isa na doon an...