SIMULA
Maganda ang sikat ng araw nang nagising ako. Lampasan ang liwanag nito sa bintana ng aking kwarto. Kinusot ko pa nang ilang beses ang aking mga mata bago tuluyang panoorin ang pag-sakop ng liwanag sa kabuuan ng aking silid. Tumayo ako at madaling pumunta sa gilid ng bintana. Mula doon ay nakikita ko ang mga taong abala na sa mga gawain nila.
Nasa ikalawang palapag ako ng bahay kaya naman kita ko kung paano masigasig na nagtatrabaho ang mga tao sa lugar namin. Matataas na ang mais at pwede nang anihin anumang oras. Tutal ay tag-ani naman ngayon kaya siguro hindi na makapag-hintay pa ang ilan para kunin ang mga tanim nila.
Hindi ako mayaman. Hindi rin naman mahirap. Sapat lang, kumbaga. Ang lupain na ipinamana ng aming mga lolo at lola sa aking mga magulang ang siyang nagsisilbing paraan kung bakit maayos ang buhay namin ngayon at napag-aaral ako ng mga magulang ko.
Normal na sa akin ang ganitong senaryo sa Luisiana. Magtatanim ng iba't ibang klase ng pananim pagkatapos ay aanihin at saka ibebenta sa mga katabing lalawigan. Ang iba naman ay may sarili ring lupain ngunit sapat lang ang pananim nila para sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Pinagpala pa din ang pamilya ko kumpara sa iba. Mabuti na lang talaga. Kung hindi, malamang ay hanggang sekondarya lang ako. O di kaya ay kayod-kalabaw ako para lang makapag-aral ng kolehiyo sa Sta. Cruz.
Humikab pa ako nang ilang beses bago bumuntong-hininga. Panibagong araw na naman ang lilipas. Sisiguraduhin kong magiging produktibo ang araw ko habang sinusulit ko ang tatlong araw na bakasyon. Wala kasi akong pasok dahil na rin sa mga aktibidad na ginaganap sa unibersidad kung saan ako nag-aaral. Sa halip na mag-aksaya ng oras ay minabuti kong umuwi mula Maynila hanggang Luisiana.
"Marge! Handa na ang agahan. Masamang pinaghihintay ang pagkain." Dinig kong tawag sa akin ni Mama mula sa labas ng aking kwarto. Tatlong beses pa siyang kumatok para siguraduhing susunod ako sa hapag.
Napangiti ako sa aking sarili. I'm finally home. I could feel it.
Madali akong nagtungo sa banyo para makapag-hilamos man lang. Tiyak na ako na lang ang hinihintay nila para sa umagahan. Mas masarap kasing matulog at magbabad sa higaan. Ngunit hindi naman iyon ang sadya ko dito kaya ako umuwi.
Noong mga unang taon ko sa kolehiyo ay nakakauwi pa ako tuwing sasapit ang araw ng Sabado. Ngunit nitong mga nakaraan, minsan na lang sa isang buwan. Minsan ay hindi pa. Kaya ngayong may pagkakataon ay talagang kinagat ko para lang makasama sila. Ewan ko ba. Sadyang nakakaramdam lang ako ng pangungulila sa tuwing hindi ko sila nakakasama o nakikita.
Ilang baitang pa lang ang natatahak ko ay dinig ko na ang halakhakan na nagmumula sa aming kusina. Agad na gumaan ang loob ko sa ikalawang pagkakataon sa araw na ito. Nagsisimula pa lamang ngunit binuhos na ang nais kong matanggap at maramdaman. Sobrang saya!
Bumulaga sa akin ang kulay puting dingding ng aming salas. Ganon pa din naman ang ayos ng telebisyon, sofa at maliit na center table noong huli kong bisita dito. Nakasabit pa din sa dingding ang litrato ng mga magulang ko noong ikinasal sila. Sa magkabilang gilid nito sa bandang ilalim ay ang litrato ko naman noong ika-labing walo kong kaarawan. At ang isa ay ang litrato ng kapatid kong lalaki. Naka-tuxedo siya. Kung hindi ako nagkakamali, 'yan ay noong kabilang siya sa eighteen roses ko. Ang gwapo lang talaga.
BINABASA MO ANG
One More Step
Novela JuvenilIpinanganak sa isang masaya at simpleng pamilya si Margarette Dominguez. She's content with her life even though she knows she's lacking of something. Namulat siya sa mga bagay na bago makuha ay dapat munang paghirapan at pag-tyagaan. Isa na doon an...
