OMS 17

501 13 0
                                    

REAL FAST


"Naka-ilang punta na ako dito pero hanggang ngayon hindi pa rin ako nasasanay sa ganito..."


Tawa kami nang tawa habang panay ang salita ni Aimee. Nagsisimula na kami sa trekking patungong Hulugan Falls. Ilang beses na rin akong napadpad dito. Syempre bukod sa isa ito sa mga itinatagong yaman ng Luisiana ay malapit lang naman ito sa amin. Wala pang trenta minutos kung may sariling sasakyan na gamit.


Bago mag-alas otso ay umalis na kami. Gamit namin ang Hilux nila Axel. Pinagkasya namin ang aming mga sarili doon. Ang mga gamit namin at ilan pang lagayan ng pagkain at tubig ay inilagay namin sa likod. Nang makarating kami sa bahay ng kapitan ay agad kaming nagpa-register at nag-bayad para sa entrance. Sagot ni Axel ang lahat ng gastos. Noong una ay hindi kami pumayag ngunit nag-pumilit siya.


Hindi na kami kumuha ng tour guide dahil alam naman namin ang daan patungo doon. Noong una ay mukhang hindi pa naniniwala iyong mga guide na naka-abang ngunit nang nalaman nila na taga-rito kami ay hindi na sila nag-tanong pa.


Dahil hindi maaring ipasok ang mga sasakyan ay ipinarada iyon malapit sa bahay ng kapitan. Puro kabahayan ang nadaanan namin noong una. Halos isang oras siguro ang nilakad namin bago makarating sa daanan kung saan pwede naming tahakin ang ruta patungong Talay Falls. Ngunit hindi namin pinili iyon.


"Actually, I'm enjoying this thing." Ani Sherrie.


Tumango ako bilang pagsang-ayon sa kanya. Siguro kung hindi kami nasanay sa mga ganitong klase ng lakad ay kanina pa kami nagrereklamo.


"Mabuti nga ito, para naman mabanat mga buto natin." Si Jonas na nasa tabi ko lang.


Gusto ko sana sabihing hindi na niya kailangan iyon dahil maganda na ang hubog ng katawan niya. Ngunit tumahimik na lang ako. Ayaw kong bigyan nila ng kahulugan iyon.


Napansin ko mula sa gilid ng aking mata na sumusulyap si Jonas sa gawi ko. Nagtataka ko siyang tiningnan pabalik.


"Bakit?" Tanong ko.


Noong una ay mukhang wala siyang balak na sagutin ang tanong ko na iyon. Ngunit di nagtagal ay ngumiti siya. "Gusto mo ba ng tubig?" Aniya.


Ngumiti ako pabalik. He's thoughtful, alright. "Hindi pa ako inuuhaw, Jonas."


Tumango siya at saka nag-iwas ng tingin. Tahimik kaming nagpatuloy sa paglalakad. Samantalang maiingay naman si Aimee at Sherrie.


Habang naglalakad ay hindi na napigilan ni Aimee na kumuha ng mga litrato. Todo ngiti at pose naman kami doon.


Wala pa kami sa main trail ngunit ramdam ko na ang butil-butil na pawis sa aking noo. Ganoon din sila Aimee at Sherrie. Ang mga lalaki lang siguro ang hindi pa masyadong pagod sa paglalakad.


Tumigil kami sa resting camp. Mahabang lakaran ang ginawa namin at mayroon pang susunod pagkatapos nito. Kanya-kanya kaming pwesto para makabawi ng lakas. Ibinaba ng mga lalaki ang mga dala nilang lagayan ng pagkain at tubig.

One More StepTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon