March 13, 2015

14 1 0
                                        

March 13, 2015

11:25 PM

Dear me,

First time kong mapagalitan kanina ni Mister Marte. Biglaan. Basta bigla na lang siyang sumabog sa harapan ko. Well, kasalanan ko naman talaga. Sa sobrang pag-iisip ko kasi kanina tungkol doon sa box, nakalimutan kong sabihan siya na may late lunch meeting sila ni Mister Linkip.

Tungkol pa naman iyon sa isang project na matagal nang napo-postpone dahil laging may pinupuntahang transactions si Sir na kailangan ng personal presence niya. Ngayong araw na ito dapat magaganap ang pirmahan. Dahil sa kapabayaan ko, pwedeng mawala ang milyong-milyong project na iyon at posibleng mapunta pa sa kalabang kumpanya.

Kung pwede nga lang na lamunin ako ng semento rito sa cubicle ko at lumubog pababa sa 29th floor ng building, sana nangyari na lang. Kung pwede nga lang na natunaw na lang ako sa bagsik ng mga titig ni Boss, mas madali sigurong mag-exit kasi gagapang na lang ako palabas.

Habang sinisigawan at pinapagalitan niya ako kanina sa harapan ko, nakayuko lang ako nang husto. Natatakot akong tumingala dahil baka bangungutin ako sa talas ng titig niya. Grabe talaga. Tapos nagulat pa ako dahil may biglang lumagabong—hindi ko sigurado kung sinuntok ba niya ang table niya o may nahulog na gamit sa sahig—basta sa sobrang gulat ko, napaurong ako bigla. Umahon ang matinding takot sa dibdib ko.

Ang dami kong nalunok na laway nung mga sandaling iyon. Pinipigilan ko kasi nang husto ang sarili kong umiyak sa harap niya. Hindi ko na nga masundan o maintindihan pa ang mga sumunod niyang sinabi sa sobrang shock. Siyempre, milyun-milyon ang nakataya rito, eh. Nanlalabo na ang paningin ko noon at konting kurap ko na lang, alam kong tutulo na ang mga luha ko.

Kaya mabuti na lang talaga nung sinabi niyang makakalabas na ako ng "courtroom" (este ng opisina niya), nagmadali na akong lumabas. Doon sa desk ko, hinayaan ko na ang sarili kong umiyak nang tahimik.

Well, karma ko na rin siguro ito sa pagiging masyadong nosy. Hindi ko naman kasi dapat pinoproblema ang love life ng boss ko. Kaya heto ako ngayon, barado ang ilong sa kakaiyak. Dapat ang sarili kong love life na lang ang inatupag ko, baka mas may napala pa ako! May kasama pang inis dahil madali pa naman akong magkalagnat kapag nahihirapan na akong huminga.

Buti na lang, bago ako umuwi kanina ay nag-overtime muna ako para tapusin nang maayos ang schedule niya para bukas. Ise-send ko na lang sa email niya pagkatapos kong magsulat dito.

Medyo masakit na rin ang ulo ko. Makatira nga ng paracetamol bago matulog.

Begin AgainMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon