•ANTON•
Bagong buhay. Yan ang nagagawa ng desisyon. Para sa akin, pag may mga bagay na nakaplano o hindi nakaplano basta't nakapagdesisyon ka, madaming magbabago. Kaya gagawa ka ng bagong magagandang memorya sa bagong buhay mo.
Nagdesisyon na ang best friend ko. Si Patrick. Yes. Uuwi na sya. Aalamin nya kung ano ang nangyayari sa kumpanya nila. Sapat na ang mga narinig nya, nabasa nya at napanuod nya sa internet, social media at sa TV stations, pati mga taong nag-uusap-usap tungkol sa pagbagsak ng GranMotors ng Chavez. Kahit ako nagtataka. Humihina daw ang sales ng GranMotors, samantalang napakatitibay at napakaganda ng mga models nila. Konti na din ang mga lumalabas na TV Commercials ng GranMotors.
Sinundo ko si Patrick sa airport. Ako palang ang nakakaalam na uuwi sya.
"Bro!" salubong ko sa kanya. "Welcome back!"
"Bro!" bigla nyang pagyakap. "Kamusta na ba? Mukhang madami nang nagbago ah?"
"Haha! Oo! Madami na talaga. So kamusta naman kayo nina Lhea? Sina Dianne at Rhemie? Kamusta sila sa Korea?" tugon ko.
"Alam mo, wala ka pa ring ipinagbago. Madaldal at matanong ka pa rin! Sa kotse na tayo mag-usap, tara!" sambit nya sa akin.
Dinala ko ang iba nyang mga gamit at dumeretso kami ng kotse. Habang naglalakad kami, hindi ko maiwasang hindi tumingin kay Patrick. Nakikita ko sa mata nya ang pag-aalala. Hindi ko alam kung paano sya tutulungan. Naisip ko bigla si Abigail. Naiisip din kaya ni Patrick si Abi?
Hindi naging maganda ang paghihiwalay nila. Lalo pa't may nabuo na silang pagtitinginan para sa isa't-isa. Na pinigilan nila at iniwasan dahil sa mali-mali nilang persepsyon.
Hindi man lang kinakamusta sa akin ni Pat si Abi. Ni hindi ko alam ang tumatakbo sa isip nya ngayon. Ano kaya ang gagawin nya? Anong pinaplano nya?
Habang nagmamaneho ako papunta sa bahay ko, nagsimula na syang magkwento. Mas pinili na muna nyang tumira sa bahay ko pansamantala. Gusto daw muna nyang mag-isip-isip. Pumayag naman ako. Hindi na rin naman iba si Patrick sa akin.
"Si Lhea ang nagsabi sa akin tungkol sa nangyayari sa kumpanya. Sya rin ang nagkumbinsi sa akin na umuwi dito para asikasuhin ang pamilya ko pati si dad." simula ng kwento nya. "Bago ako makapagdesisyong umuwi dito, si Lhea ang tumulong sa akin. Nahirapan din ako iwanan sila. Don ko naintindihan ang pagmamahal ni Lhea sa akin."
Napatingin ako sa kanya. Ngayon lang nya napansin at nakita ang matagal ko nang nakikita kay Lhea para sa kanya.
"Madami din akong nalaman dahil kina Dianne at Rhemie." patuloy nya.
"Haha! Talaga? Ano naman yon? Yung pagkabaliw ni Lhea sayo? Wala naman nang bago don." sabat ko.
"Sira ulo ka talaga.." napatawa sya sa sinabi ko. Sa wakas, nakita ko na ulit ang ngiti ng kaibigan ko. "Isa na rin siguro yon. Pero naayos na namin ni Lhea lahat sa amin. Alam nya na hanggang kaibigan lang talaga ang tingin ko sa kanya. Maayos kami don. Masaya. Pero mamimiss ko talaga syempre sila. It's been 3 years now."
Napalitan ulit ang katahimikan ang kotse. Maya-maya, magsasalita na sana ako nang bigla syang magtanong...