•JULIO•
Ramdam ko na umaga na. Pagdilat ko, hindi nga ako nagkamali. Tumingin ako sa tabi ko. Wala na ang asawa ko. Napangiti ako nang maamoy ko ang mabangong agahan na niluluto nya. Agad akong tumayo para lumabas pero natigilan ako nang makita ko ang sarili ko sa salamin. Bumata ako. Yung itsura ko nung kabataan ko. Kaharap ko. Hindi ako makapaniwala. Parang may mali. Nagdesisyon ako na mas lumapit pa sa salamin para pag-aralan kung ako ba talaga ito. Pero di ko na nagawa yon nang biglang may kumatok sa pintuan.
"Papa? Gising ka na ba? Kakain na daw sabi ni Mama." Tugon ng taong kumatok. Tinig iyon ng isang binata. Nang bubuksan ko na ang pinto, bigla itong kinabig ng taong mula sa labas. "Pa?" Tugon nya ulit. Isa ngang binata. Pero.... Hindi ko maaninag ang mukha nya. Pero tila alam ng puso ko kung sino sya. "Anak mo yan." Bulong ng isipan ko. Napangiti ako bilang pagtugon ng tuwa. Ngunit di ko alam kung bakit ako naluluha. Sabik ako na yakapin sya. Parang matagal kaming di nagkita.
INSERT Gary Valenciano's Ikaw Lamang
"Pa, gising ka na pala. Kakain na. Uy? Ayos ka lang ba, Pa? Hahaha!" Mas natuwa ako nang marinig ko ang tawa nya. Pero bakit may konting kirot sa puso ko?
"Patawad, Julio." Tinig ng pamilyar na lalaki sa likuran ng anak ko. Ako lang ang napalingon at parang hindi naririnig ng anak ko. Nang makita ko ang lalaki, hindi ako makapaniwala sa nakita ko. Si Bernardo. At may hawak syang baril. Nakatutok iyon sa anak ko.
"Bernardo, huwag!" Hindi ko na naintindihan ang mga pangyayari. Kinalabit nya ang gantilya at tinamaan ang anak ko. Gulat na gulat ako nang makita kong umaapaw ang dugo mula sa dibdib nya. Mahuhulog na sya nang masalo ko sya sa pagbagsak sa sahig. Karga ko ang anak kong naghihingalo. Animo'y nagmamakaawa sa akin na iligtas ko sya. Pero kahit ako walang magawa kundi ang umiyak at magmakaawa sa kanya na huwag syang bumitaw. Sa pagkakataong yon, lumitaw ang mukha ng binata na sinasabi ng puso ko na anak ko. Di ko maipaliwanag pero parang nakita ko na ang itsurang yon. Dahil sa sakit at galit na nararamdaman, lumingon ako sa direksyon kung saan nakatayo si Bernardo. Pero wala na sya. "Bernardo!!!" Sigaw ko. At nang ibalik ko ang tingin ko sa anak ko, wala na sya. Wala na akong karga. "Anak?" Tugon kong hinahanap sya.
Ang sunod na nangyari ay nagising ako na nakahiga at nasa kwarto ako na sigurado akong ospital ang kinaroroonan ko. Ang tanging naaaninag ko ay ang puting kisame. Nang may magsalita sa tabi ko.
"Pa?" Si Patrick. Ang kurot sa puso na naramdaman ko kanina ay naramdaman ko muli. "Pa? Kamusta pakiramdam nyo?" Nagngingilid ang luha ng anak ko. Gusto ko iyong abutin at pawiin pero hindi ako makagalaw. Ang tanging magagawa ko lang ay titigan sya.
"Pa, I'm sorry. I'm so sorry sa lahat. Hindi ko sinasadyang iwanan kayo. Naging makasarili ako. Akala ko sapat na yong ibinigay ko na halos buong buhay ko sa inyo. Sinuko ko yung pangarap ko. Akala ko sapat na yon para maiparamdam sayo yung pagmamahal ko sa inyo. Pa, patawarin nyo po ako."
Hindi ko maipaliwanag ang sakit na nararamdaman ko. Sa kaunting saglit, narealize ko kung gaano kalaki ang pagkukulang ko kay Patrick. Nagsimula akong magbago nang mawala sa buhay namin si Jhon. Si Patrick ang siningil ko sa bawat araw na wala si Jhon sa buhay namin. Oo, wala akong kwentang ama. Dahil hindi alam ni Patrick na may kapatid sya. Bata pa sya nang mawala ang kuya nya kaya naging madali sa amin ni Rosa na ipaintindi sa kanya na nag-iisa syang anak. Masakit man, pero akala namin ni Rosa pinoprotektahan namin si Patrick sa sakit nararamdaman namin nang mawala si Jhon sa amin. Kaya parehas kaming nagdesisyon na huwag ipaalam. At dahil naging pribado naman ang buhay ng pamilya ko sa mga tao at media, hindi na din naging mahirap ang proseso ng lahat.
Sumuko ako. Sumuko si Rosa. Nanghina ang loob ng asawa ko at ako, bilang asawa at ama, sumuko din ako sa nanghihina kong loob. Naniwala ako sa mga sabi-sabi na pwedeng patay na nga ang aking anak.
Pilit kong inabot ang kamay ni Patrick at pilit na nagsalita..
"I am sorry.." Bulong ko.
•PATRICK•
"I am sorry.."
Hindi naging mahirap para sa akin ang patawarin si Papa. Hindi pa man sya humihingi ng tawad sa akin, matagal nang naglaho ang sama ng loob ko sa kanya.
Napatungo ako at patuloy ako sa pag-iyak. Kasabay ng pag-iyak ang di matawarang tuwa sa puso ko. Wala akong nasabi kundi.. "Mahal na mahal kita, Papa. At lahat, gagawin ko para sa yo." Tumayo ako, niyakap sya at isinandal ang ulo ko sa dibdib nya na parang isang batang ngayon lang ulit nakayakap sa isang ama. Hindi man magantihan ni Papa ang pagyakap ko, naging kuntento na sa akin ang pag-angat nya sa kanyang braso at kamay para ilapat sa likod ko. Hinimas himas nya yon ng mabagal ngunit sa bawat himas naiwan sa pakiramdam ko ang pagmamahal ng isang ama. Hindi ko mapigilan ang iyak ko. Pero iyon ay di dahil sa lungkot, pagsisisi o sama ng loob na dati'y nakatanim sa puso ko. Ngayon ay tuwa nalang at pagmamahal ang nararamdaman ko.
Narrator
Habang nagaganap ang isang masayang pangyayari sa gitna ng mag-amang si Patrick at Julio ay tahimik namang nanunuod ang asawa at ina'ng si Rosa sa may pintuan. Papasok sana sya nang marinig nya ang usapan ng dalawa. Naiyak sya sa tuwa dahil sa wakas, nagkasundo din ang mag-ama nya. Ngunit alam nya na ang tuwang yon ay kulang pa. Kailangang malaman ni Patrick na may kapatid sya. Ang lahat at ang totoong nangyari sa kapatid nya.