Cesia's POV
Isang minuto rin akong katok nang katok sa pinto, nagbabasakaling marinig ako ng mga tao sa loob, kung meron man. Ilang sandali lang ay napansin kong lumiwanag yung pin ko kaya napatingin ako dito. Kasunod na tumunog ang pinto at otomatikong bumukas.
"Registered. Cesia of the Alpha Class." boses ng babae ang bumati sa'kin.
Aaminin ko, hindi ko inasahang may automated systems din pala sila. Ngunit mas hindi ko inasahan ang bubungad sa'kin pagbukas ng pinto.
Pumasok ako sa loob at napailing, hindi na naman makapaniwala.
Anong klaseng paaralan ba ang nago-offer ng libreng dorm na parang... hotel?
Naihahantulad ko ito sa hotel dahil napakurap-kurap ako sa engrande ng sala na unang lumantad pagpasok ko. Pinapaligiran ako ng pader na kasingkulay ang maputing buhangin sa dagat sapagkat may halong grayish at yellow ito. Nagmistulang marhen sa kisame ang ginintuang crown molding sa pader na nakaikot sa bawat sulok ng silid. May paintings, floating shelves, wall lamps at kung anu-ano pang mga kagamitan sa sala na nakikita ko lang dati sa mga magasin ng five-star hotels.
Makintab ang marble flooring. Dark brown ito at bilang disenyo, sumasayaw sa sahig ang maninipis na alon ng ginto.
Sa gitna ng sala, naroon ang mahabang gray sofa, na kasya ata ang pitong katao. Nakakurba ang hugis nito at sa magkabilang gilid, ay may dalawang pulang silyon. Nakaharap ang sofa sa wooden media cabinet kung saan nakapatong ang malapad na TV at mga speakers. Pumagitna sa sofa at media cabinet ang rectangular at glass coffee table. Lahat ng mga ito'y napalagay sa ibabaw ng pulang carpet.
Sa bandang kanan naman ng silid, mayroong rectangular opening sa pader, isang archway kumbaga para sa kusina... at sa gitna ng pader na nasa kaliwang bahagi ng dorm, ay may hallway na naghahati nito. Hindi naman ganoon ka kitid ang espasyo sa gitna, sapat lang ito bilang daanan sa pagitan ng walong pinto na nakahati't nakatapat sa isa't-isa.
Panghuli, hindi lang yung sala ang sumalubong pagkapasok ko, pagka't bumulagta din sa'kin ang napakalaking balcony na may white marble railings. Nakasarado ang glass panels nito pero dahil gawa nga sa salamin ang panels, natatanaw mula sa kinatatayuan ko ang landscape view ng kagubatan na nakapalibot sa Academy at sa likod ng nagkukumpulang korona ng mga puno, nakatumbad ang napakagandang tanawin ng bulubundukin.
Umupo ako sa sofa saka inilapag sa mesa ang dala-dala kong schedule at invitation letter. Sumandal ako at napatingala sa kisame habang inaalala yung bahay namin...
yung kwarto ko...
pati na rin si Auntie...
lalong-lalo na si Auntie.
Mayamaya, umayos ako sa pagkakaupo. Unang araw ko palang dito at naho-homesick na ako. Hindi pwedeng maabutan ako ng ka-dormmates ko na nage-emote dito. As much as possible, gusto kong maganda ang first impression ko sa kanila... although...
Gumuhit ng pait ang mukha ko nang maalala ko ang unang estudyanteng nakasalubong ko.
Nakita kaya ng dormmates ko yun? Or worse. Yung babaeng tinarayan ako kanina, isa ba siya sa magiging dormmates ko?!
Kinuha ko ang unan na nasa tabi ko. Niyakap ko ito saka sinubsob ang mukha ko bago sumigaw, na may kasama pang pagpapadyak-padyak ng paa.
Pagkaraan ng ilang segundo, kumalma na ako. Ibinalik ko ang unan at muling napatingin sa hallway na may tig-aapat na pinto sa magkabilang dako ng dingding.
Ibig sabihin, pitong estudyante ang makakasama ko.
Humiga ako sa sofa nang nakatagilid at pinikit ang mga mata ko. Nakaramdam kasi ako ng pagod ngayong nakarating na ako. Dumagdag pa yung pananakit ng likod at leeg ko dahil sa pitong oras na nakaupo lang ako sa byahe. Mag-isa lang din naman ako dito kaya hinayaan ko nalang ang sarili ko na maging komportable.
BINABASA MO ANG
Olympus Academy (Published under PSICOM)
Fantasy◤ SEMIDEUS SAGA #01 ◢ Semideus - demigod, a half-immortal child of a God or Goddess. Abigail Young is a student recently expelled from her previous school. It only took a day for her world to change. As a new member of Olympus Academy, the f...