XXVIII | Arcadia

282K 10.4K 2.8K
                                    

Chase's POV

Kung nasa eastern forest ang Terraria, nasa west naman ang Arcadia. Kung nasa ilalim ng lupa ang Terraria, nasa itaas naman ang Arcadia.

Mabuti nalang, may mga forest nymphs kaming nakilala sa village at itinuro sa'min ang lokasyon ng isa sa mga entrance ng Arcadia na nasa Pilipinas.

Sa kabilang ibayo daw ng kagubatan, kung saan natatakpan ng mapuputing ulap ang kalangitan, may isang malaking puno sa gitna at kailangan pa raw namin itong akyatin para makapunta sa itaas. Hindi rin pwedeng gamitin ni Trev ang ability niya para ilipad kami doon dahil tanging may-pakpak na mga nilalang lang ang nakakalipad sa himpapawid dulot ng manipis at magaang hangin na taglay ng Arcadia.

Kaya TAKTE.

Ang sakit-sakit na ng mga paa't kamay ko kakahanap ng sanga na pwedeng mapagpatungan at makapitan. Daig pa namin yung Jack na umakyat sa beanstalk.

"Bilisan mo nga 'yang pag-akyat mo, Chase." naiinip na turan ni Dio.

"Lubos-lubusin mo muna pwet ko bro, konti nalang..." ngumisi ako. "Konti nalang at mararating na natin yung langit."

"Chase!"

Humalakhak ako pero agaran din naman itong naputol nang mabali ang sanga na pinagpatungan ng kanang paa ko. Umabot na kami sa taas kung saan napapaligiran na kami ng makakapal na ulap at hindi na namin natatanaw ang lupa, kaya hindi ko narinig ang pagbagsak ng sanga sa ibaba.

Narinig ko lang ang pagtama nito sa ulo ni Dio.

Mula sa ilalim ng mga ulap, sumilip ako sa waring hangganan ng kagiliran. Inangat ko ang sarili ko hanggang sa isang talon nalang ang kailangan para makadaong ako.

"Mga bro! Sure ba kayong safe tong patungan?" Inilibot ko ang aking tingin sa nakalatag na mga ulap. "Baka paglapag ko dito lulusot ako ah?"

"Ikaw lang makakasagot n'yan, Chase." ani Dio.

"Tsk." Bahala na nga 'to. Kita-kita nalang kami sa Underworld. Tangina.

Kinuyom ko ang aking mga palad saka tumalon. Ilang sandali pa'y nakahinga na rin ako nang maluwag pagkatapos mapagtantong maaantala pa pala ang pag bisita ko sa Underworld.

Napakurap-kurap ako nang makita ang isang babae na nakatayo sa harapan namin. Skyblue ang kulay ng balat niya at nakasuot siya ng puting chiton. Nakabagsak din ang kanyang kulay-kapeng buhok na napapalamutian ng ginto at mga perlas.

Arcadian ata 'to...

Mabagal kong kinaway ang aking kamay. "He-llo?" Dahan-dahan akong umiling. "Hindi..." Tinapat ko ang aking mga palad sa dibdib ko. "kami..." Dumipa ako. "nandito..." Panandalian kong inangat-baba ang magkabilang braso ko. "para..." Sumenyas ako ng paggigilit ng leeg. "patayin..." Itinuro ko siya. "kayo..."

Napatango-tango ako. Sa galing kong mag sign language, sigurado akong nakuha niya yung ibig kong sabihin.

Pinasadahan niya ako ng nagtatakang tingin. "Hindi ba't napadalaw kayo rito kasi may kailangan kayo mula sa pinuno namin?"

Napasimangot ako, saka nilingon yung tatlo na nagpipigil ng ngiti.

• • •

"Finally." rinig kong sabi ni Dio nang nasa harap na kami ng palasyo na gawa sa kumikintab na marmol.

Masasabi kong mabait ang mga Arcadians dahil hindi sila nagdalawang-isip na igiya kami patungo sa kanilang palasyo. Sobrang ganda rin ng lugar nila. Kulay puti ang lahat ng kagamitan nila, pati na rin ang kanilang mga bahay.

Olympus Academy (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon