Naghiwa-hiwalay kami matapos naming magswimming. Napagdesisyunan namin ni Raven na libutin yung lugar. May mga souvenir shops din kasi dito. Tapos narinig ko kanina na may mini art museum din pala.
Nandito ako ngayon sa kwarto at inaaya ko si Nanay na lumabas. Nakalabas na naman siya kanina nung nagsu-swimming kami, naabutan pa nga namin sila na magkakausap nila Tito sa cottage at nagtatawanan.
"Naku! Kayo na lang ni Reben ang maglibot. Medyo mahina na ang tuhod ko, baka imbis na mag-enjoy kayo eh maging keljoy pa ko sa inyo ni Reben. Dito na lang ako at natutuwa din naman ako sa panonood ng TV." Sagot niya sakin. Pinipilit ko siya pero paulit ulit niyang iniinda yung rayuma niya. Napasimangot na lang ako at nanahimik. Wala rin naman akong magagawa at hindi naman ako ang nakakaramdam ng sakit ng rayuma kaya hinayaan ko na lang siya.
Humalik ako sa noo niya bago magpaalam at lumabas ng kwarto at pumasok sa kwarto namin ni Raven. Nagtaka naman ako nang hindi ko siya makita sa loob. Sumilip ako sa sofa at nagbakasakaling nanonood siya ng TV, pero wala din. Pumasok na lang ako ng kwarto at agad na humarap sa salamin.
Napangiwi ako nang makita ko ang bagsak na bagsak na buhok ko. Gusto ko sanang ikulot yung dulo ng buhok ko kaso lang hindi ko naman nadala yung curler ko. Ibinaling ko na lang ang tingin ko sa orasan na nasa itaas ng pintuan. Mag aalas-siete na rin pala.
Naglakad na ako palabas at saktong pagtapak ko sa sala ay ang paglabas ni Raven galing sa kwarto ng mga magulang niya. Napansin ko naman agad ang problemado niyang mukha at ang marahang pag-iling niya habang nakatingin sa sahig. Nakuha ko ang atensyon niya dahil sa tunog nang pagsara ko ng pintuan ng kwarto namin. Agad niyang napalitan ng ngiti ang kaninang kunot niyang noo. Agad siyang naglakad papunta sakin at saka pinagsalop ang mga daliri namin.
Mamaya ko na lang siguro tatanungin kung bakit mukhang problemado siya kanina. Mukhang ayaw niya ring pag-usapan eh.
"Let's go?" Tanong niya habang isinukbit niya sa tenga ko ang iilang hibla ng buhok na humarang sa mukha ko.
"Wala ka nang kukunin sa kwarto?" Tanong ko. Baka kasi may malimutan siya.
"Nasa akin na ang wallet ko.." Sabay dukot sa bulsa niya ng wallet at ipinakita sakin. Agad niya rin namang ibinalik. "Cellphone? Hindi ko naman kailangan yun. Ikaw lang naman ang gusto kong katext. Eh kasama na kita kaya hindi ko kailangan ng phone." Ayan na naman siya mga simpleng pabanat niya oh.
Nagmake-face na lang ako at nauna nang maglakad palabas ng pinto. Sumunod din naman siya kasi hila-hila ko siya.
Hindi ko alam kung saan kami dadalhin ng mga paa namin. Deretso lang kaming naglakad ni Raven. Deretso rin lang ang tingin niya na para bang may iniisip.
Naisipan ko na siyang tanungin. Ramdam ko kasi talagang may bumabagabag sa kanya.
"Mauuna nang umalis satin sina Mama bukas ng umaga." Sagot niya nang tanungin ko kung may problema. Tumigil ako sa paglakad at kumunot ang noo kong tinignan siya.
"Bakit? Akala ko --"
"May konting problema daw sa business namin. Kailangan daw nilang ayusin agad." Naglakad na ulit kami at nauuna na siya ngayon.
Hindi ko alam kung nakita niya pa ang pagtango ko na nagsasabing naiintindihan ko.
"Hello, Kuya!" Nakasalubong namin si Tiffany na may bitbit nang paperbag. Siya lang mag-isa at nakakapagtaka na hindi niya kasama si Sev.
"O, nakabili ka na agad?" Tanong ni Raven kay Tiffany.
Tumango si Tiffany at itinaas ang paper bag na hawag niya.