February, buwan ng pag-ibig pero hindi niya ako kaya ibigin. Okay na nga ako sa like pero wala pa rin.
"Class, wala tayong gagawin ngayon. Kailangan niyo lang magsulat ng message para sa akin dahil aalis na ako" paalala ng aming ST.
Nagsulat kaming lahat for our suggestion at nagpasalamat din kami.
"Class, picture naman tayo kailangan kasi ito for documentation ng pagiging ST ko dito sa Arellano"
Kumuha kami ng iba't ibang anggulo, mapa kaliwa, kanan at harap go lang kami. Tinitignan namin ang mga kuha at natatawa kami sa mga mukha namin dun, kaniya kaniyang asar pero tawa lang kami ng tawa. Hanggang sa biglang pumasok si Edrian, kaklase namin at may inabot siya sa akin. Hindi ko alam kung para saan ito. Kaya binuksan ko na lang nang makita ko ang pangalan ay para sa akin pero hindi ko inintindi at kinuha ng mga kaklase ko at binasa nila.
"Well Off size 18" sigaw ni Rina.
"Wow. Gwapo mo Mark"
"Ito yata yung nagsulat sa CR ng pangalan mo eh"
Iba't ibang reaksyon ang binato nila sa aking tenga. Ako ay mistulang nanlamig at nagtaka. At may sumunod pa na boses.
"Sino si Monica ah"
"Monica? Sino nga ba yun?" tanong ko sa aking sarili.
Pagkatapos nilang basahin ay kinuha ko na at nakita ko ang nilalaman nito.
Mark Dimahatulan
Hindi ko alam kung paano sasabihin basta crush kita. Kinikilig ako kapag nakikita kita. Mula sa pagtawa mo na walang tunog, madalas mambatok. Madalas kitang makita pero ako alam ko hindi mo ako napapansin. Nagustuhan ko rin yung pagkasimple mo nung math enhancement, yung nakashort at tsinelas ka lang. Hindi katulad nung mga nakaporma pero wala namang gagawin. Naalala ko pa last year nung lumabas ako para sundan ka na bumili sa tindahan kaya lang babalik ka din pala sa loob. Nagsisi ako na sana makikita pa kita ng matagal kung naglinis ako sa MAPEH Building, kaya lang hindi yata tinadhana. Mula sa well off size 18 mo na pantalon, blue na relo, pangsundalong bag at sa puso mong may ibang laman ay palaging kong tinatandaan. Alam ko hindi mo ako papansinin pero patuloy pa rin kita iidolohin dahil sa mga katangian mo. Maraming Salamat.
Nagmamahal,
Monica.