XXVI. Hindi Na Maisasalba Pa

67 14 7
                                    

Ang araw ko'y binubuo mo't ikaw ang laging hinahanap,
Mula nang makilala ka'y naging tanging pangarap.
Sa luto ng tadhana'y ikaw ang bagong sangkap,
Tamis ng pag-ibig ay ikaw ang nagpalasap.

Ikaw ang nagsilbing tanglaw sa buhay kong kay dilim,
Ngunit bakit sa puso'y itinarak ang patalim?
Bawat pag-asang binuo'y napalitan ng lagim,
Ligayang dala'y naglaho at naging paninimdim.

Sa isang munting sityo nagsimula ang lahat,
Ngunit doon din mismo nabuo ang lamat.
Ang dating mainit kung iyong masasalat,
Ngayon ay tila isang bloke ng yelo at sadyang mabigat.

Kapwa hindi alam kung ito ay bubuhatin,
O ang pagkatunaw ay siya na lamang hihintayin.
Tila isang apoy na mahirap tupukin,
Maging tubig at hangin ay 'di ito kakayanin.

Sadya nga bang kayhirap nitong ingatan?
Ang relasyong nabuo nang malayuan.
Isang kahon sa sityo ang namamagitan,
Kung saan sa mensahe ay nagpapalitan.

Maraming naging saksi sa ating pagsisimula't pagpapatuloy;
Sa kung paano ang pag-ibig sa atin ay dumaloy.
Ngunit ngayon ay unti-unting bumabaon na tila biloy;
Puwang na naiwa'y naging isang kumunoy.

Ikaw na sa akin ay nagsilbing sandalan;
Sa bawat panghihina ay naging kalakasan.
Ikaw na alam kong aking makakapitan,
Bakit ba ngayon ay tila naging kabaliktaran?

Sa karagatan ng mga luha'y nagpapakalunod,
Ang kasawian mong idinulot ang sa aki'y lumulukob.
Sa puso kong winasak mo at walang-awang dinurog,
Hindi ko aasahan ang madaling paglimot.

Dapat nga bang simpatiya ay manatiling iyo pa?
O mas mainam na ito'y tuluyang bawiin na?
Saan nga ba patutungo ang ating nabuong pagtitinginan?
Marapat nga bang ito'y kalimutan na lang?

Ni walang ideya kung bakit humantong sa ganito;
Ang dating matibay, ngayon ay tila durog na bato.
Marahil hindi nga para sa atin ang pahinang ito,
Mas mainam na tupiin na lang at magpatuloy na sa dulo.

Kahit masakit man ang dala ng katotohanan,
Tinanong pa rin kita kung pagsinta'y lumisan na nang tuluyan.
Labindalawang pantig ang tugon mo at mata'y napuno ng kalungkutan,
"Mahal kita ngunit s'ya na ang mas lamang."

Hindi ko ninais na matabunan ang mga pangarap na binuo,
Ginawa ko ang lahat upang manatili hangga't kaya ko.
Ngunit ang tadhana nga ay tunay na mapaglaro,
Sumpaang pag-ibig habang-buhay ay tinangay ng hangin at naglaho.

Marahil tama nga ang sinabi nila;
Malayo sa reyalidad ang pag-iibigan nating dalawa.
Pag-iibigan na nabuo sa pagtipa,
Na hindi na rin maisasalba ng salitang "Mahal Kita".


- - -

This poem was made in collaboration with my friend Mhy San Miguel a.k.a. Refunshika. I hope you like it. 💕

MISTIFY - One Shots & Poetry CollectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon